Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w00 3/1 p. 3-4
  • Ang Kapangyarihan ng Panalangin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kapangyarihan ng Panalangin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Ipinagkakaloob ang Lahat ng Kahilingan
  • Isang Panahon Ukol sa Espirituwal na Pagpapagaling
  • Humanap ng Kabiyak Para kay Isaac
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Gustong Mapasaya ni Rebeka si Jehova
    Turuan ang Iyong mga Anak
  • Gusto ni Rebeka na Pasayahin ang Puso ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Isang Pag-aasawa na Pinakikinabangan ng Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
w00 3/1 p. 3-4

Ang Kapangyarihan ng Panalangin

Ang araw ay papalubog na sa lunsod ni Nahor sa Gitnang Silangan. Isang lalaking Siriano na nagngangalang Eliezer ang dumating sa isang balon sa labas ng lunsod kasama ang isang hanay ng sampung kamelyo. Bagaman tiyak na gutom at nauuhaw, mas nababahala si Eliezer sa pangangailangan ng iba. Dumating siya mula sa isang banyagang lupain upang ihanap ng mapapangasawa ang anak na lalaki ng kaniyang panginoon. Bukod dito, kailangan niyang hanapin ang mapapangasawang ito sa mga kamag-anak ng kaniyang panginoon. Paano niya magagawa ang mahirap na atas na ito?

NANINIWALA si Eliezer sa kapangyarihan ng panalangin. Taglay ang pambihira at tulad-batang pananampalataya, may kapakumbabaan siyang humiling nang ganito: “Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham, pakisuyo, pangyarihin mong maganap ito sa harap ko sa araw na ito at magpakita ka ng maibiging-kabaitan sa aking panginoong si Abraham. Narito, nakatayo ako sa tabi ng isang bukal ng tubig, at ang mga anak na babae ng mga lalaki ng lunsod ay lumalabas upang sumalok ng tubig. Mangyari nga na ang kabataang babae na sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong bangang pantubig upang ako ay makainom,’ at siyang magsasabi nga, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ siya ang italaga mo sa iyong lingkod, kay Isaac; at sa ganito mo ipaalam sa akin na nagpakita ka ng matapat na pag-ibig sa aking panginoon.”​—Genesis 24:12-14.

Ang pagtitiwala ni Eliezer sa kapangyarihan ng panalangin ay hindi nawalan ng saysay. Aba, ang mismong kauna-unahang babae na pumaroon sa balon ay nagkataong apo ng kapatid na lalaki ni Abraham! Ang pangalan niya ay Rebeka, at siya ay dalaga, may malinis na moral, at maganda. Kapansin-pansin na hindi lamang niya pinainom si Eliezer kundi may-kabaitan din niyang inialok na pawiin ang uhaw ng lahat ng kaniyang kamelyo. Nang dakong huli, matapos ang pag-uusap-usap ng pamilya, kusang-loob na sumang-ayon si Rebeka na magbalik kasama ni Eliezer sa isang malayong lupain upang maging asawa ng anak ni Abraham na si Isaac. Tunay na kapansin-pansin at maliwanag na sagot ito sa panalangin ni Eliezer noong panahon na paminsan-minsan ay makahimalang namamagitan ang Diyos sa mga nangyayari!

Marami tayong matututuhan sa panalangin ni Eliezer. Ipinakita nito ang kaniyang pambihirang pananampalataya, kapakumbabaan, at walang-imbot na pagmamalasakit sa mga pangangailangan ng iba. Ipinakita rin ng panalangin ni Eliezer ang kaniyang pagpapasakop sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa sangkatauhan. Walang alinlangan na batid niya ang pantanging paggiliw ng Diyos kay Abraham at ang Kaniyang pangako na sa pamamagitan ni Abraham ay makakamtan ng buong sangkatauhan ang mga pagpapala sa hinaharap. (Genesis 12:3) Kaya naman pinasimulan ni Eliezer ang kaniyang panalangin sa mga salitang: “Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham.”

Si Jesu-Kristo ang inapo ni Abraham na gagamitin upang pagpalain ang buong masunuring sangkatauhan. (Genesis 22:18) Kung ibig nating masagot ang ating mga panalangin sa ngayon, kailangan nating ipakita ang mapagpakumbabang pagkilala sa paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung kayo ay nananatiling kaisa ko at ang aking mga pananalita ay nananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais at ito ay magaganap sa inyo.”​—Juan 15:7.

Ang isang tagasunod ni Kristo na naranasan ang pagiging totoo ng mga salitang ito ni Jesus ay si apostol Pablo. Ang kaniyang paniniwala sa kapangyarihan ng panalangin ay tiyak na hindi nawalan ng saysay. Hinimok niya ang mga kapuwa Kristiyano na idulog sa Diyos ang lahat ng kanilang mga kabalisahan sa pamamagitan ng panalangin at saka nagpatotoo: “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:6, 7, 13) Nangangahulugan ba ito na ipinagkaloob ang lahat ng hiniling ni Pablo sa pananalangin sa Diyos? Tingnan natin.

Hindi Ipinagkakaloob ang Lahat ng Kahilingan

Sa kaniyang walang-imbot na ministeryo, nagdusa si Pablo dahil sa inilarawan niya na “isang tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) Ito ay maaaring ang mental at emosyonal na kabagabagan na dulot ng mga mananalansang at “mga bulaang kapatid.” (2 Corinto 11:26; Galacia 2:4) O maaaring ito ay ang pahirap sa pisikal na dulot ng isang malubhang pinsala sa mata. (Galacia 4:15) Anuman ang situwasyon, ang “tinik sa laman” na ito ay nakapagpapahina kay Pablo. “Tatlong ulit akong namanhik sa Panginoon upang humiwalay ito sa akin,” ang isinulat niya. Gayunman, hindi ipinagkaloob ang kahilingan ni Pablo. Ipinaliwanag kay Pablo na ang espirituwal na mga kapakinabangang natanggap na niya mula sa Diyos, gaya ng kapangyarihang mabata ang mga pagsubok, ay sapat na. Bukod dito, sinabi ng Diyos: “Ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.”​—2 Corinto 12:8, 9.

Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa nina Eliezer at Pablo? Talagang dinirinig ng Diyos na Jehova ang mga panalangin niyaong mga mapagpakumbabang nagsisikap na paglingkuran siya. Subalit hindi ito nangangahulugan na lagi niyang ipinagkakaloob ang kanilang mga kahilingan sapagkat ang Diyos ay may malayong pananaw sa mga bagay-bagay. Mas alam niya kaysa sa atin kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Ang higit na mahalaga, lagi siyang kumikilos kasuwato ng kaniyang binigkas na layunin na nakaulat sa Bibliya.

Isang Panahon Ukol sa Espirituwal na Pagpapagaling

Ipinangangako ng Diyos na pagagalingin niya ang sangkatauhan mula sa lahat ng pisikal, mental, at emosyonal na mga karamdaman sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ng kaniyang Anak sa buong lupa. (Apocalipsis 20:1-3; 21:3-5) Sabik na hinihintay ng taimtim na mga Kristiyano ang ipinangakong kinabukasang ito, taglay ang buong pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na maisasakatuparan ito. Bagaman hindi inaasahan ngayon ang gayong makahimalang pagpapagaling, nananalangin sila sa Diyos ukol sa kaniyang pag-aliw at lakas upang makayanan ang mga pagsubok. (Awit 55:22) Kapag sila’y nagkakasakit, maaari rin silang manalangin ukol sa patnubay ng Diyos sa pagkuha ng pinakamabisang gamot ayon sa kaya ng kanilang kalagayan sa kabuhayan.

Hinihimok ng ilang relihiyon na manalangin ang mga maysakit upang mapagaling ngayon, anupat tinutukoy ang makahimalang panggagamot na isinagawa ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Subalit ang gayong mga himala ay ginawa ukol sa isang pantanging layunin. Ang mga ito’y nagsilbi upang patunayan na si Jesu-Kristo ang tunay na Mesiyas at upang ipakita na inilipat na ang lingap ng Diyos mula sa bansa ng mga Judio tungo sa bagong Kristiyanong kongregasyon. Noon, ang makahimalang mga kaloob ay kinakailangan upang palakasin ang pananampalataya ng bagong tatag na Kristiyanong kongregasyon. Nang tumatag na ang napakabatang kongregasyon, wika nga, at naging maygulang na, ang makahimalang mga kaloob ay ‘inalis na.’​—1 Corinto 13:8, 11.

Sa napakahalagang panahong ito, inaakay ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga mananamba sa mas mahalagang gawaing espirituwal na pagpapagaling. Habang may panahon pa sila, kailangang apurahang tumugon ang mga tao sa panawagang ito: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya ay masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya ay malapit. Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong mapaminsala ang kaniyang mga kaisipan; at manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat magpapatawad siya nang sagana.”​—Isaias 55:6, 7.

Ang espirituwal na pagpapagaling na ito sa nagsisising mga makasalanan ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Sa pamamagitan ng pagbibigay-lakas sa kaniyang mga lingkod upang maisagawa ang nagliligtas-buhay na gawaing ito, tinutulungan ng Diyos na Jehova ang milyun-milyong tao mula sa lahat ng bansa na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at matamo ang isang sinang-ayunang kaugnayan sa kaniya bago ang wakas ng balakyot na sistemang ito. Tunay na sinasagot na ang mga panalangin ng lahat ng taimtim na nananalangin ukol sa gayong espirituwal na pagpapagaling at ng lahat ng nananalangin ukol sa tulong upang maisagawa ang gawaing pagpapagaling na ito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Sina Eliezer at Rebeka/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share