Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w03 8/1 p. 14-19
  • Pagtulad sa Diyos ng Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtulad sa Diyos ng Katotohanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Alam ng mga Lingkod ni Jehova ang Katotohanan
  • Ang mga Lingkod ni Jehova ay Tapat
  • Isinisiwalat ng mga Lingkod ni Jehova ang Katotohanan
  • Itaguyod ang Landasin ng Pagkamatapat
  • Si Jehova, ang Diyos ng Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Mahalaga Pa Ba Kung Ano ang Totoo?
    Iba Pang Paksa
  • Magsalita ng Katotohanan sa Iyong Kapuwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ang mga Kristiyano ay Sumasamba sa Espiritu at Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
w03 8/1 p. 14-19

Pagtulad sa Diyos ng Katotohanan

“Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.”​—EFESO 5:1.

1. Ano ang paniniwala ng ilan tungkol sa katotohanan, at bakit mali ang kanilang pangangatuwiran?

“ANO ang katotohanan?” (Juan 18:38) Ang tanong na iyan, na mapang-uyam na iniharap ni Poncio Pilato halos 2,000 taon na ang nakalilipas, ay nagpapahiwatig na napakailap hanapin ng katotohanan. Marami sa ngayon ang sasang-ayon dito. Ang mismong katotohanan ay sinasalakay. Baka narinig mo nang sinabi na ang bawat isa ang nagpapasiya kung ano ang katotohanan, o na ang katotohanan ay may pasubali, o na ang katotohanan ay laging nagbabago. Ang gayong pangangatuwiran ay mali. Ang mismong tunguhin ng pagsasaliksik at edukasyon ay ang matutuhan ang katotohanan tungkol sa daigdig na kinabubuhayan natin. Ang katotohanan ay hindi nakasalig sa personal na opinyon. Halimbawa, alinman sa ang kaluluwa ng tao ay imortal o hindi. Alinman sa si Satanas ay umiiral o hindi. Alinman sa may layunin ang buhay o wala. Sa bawat isa sa mga ito, may isang tamang sagot lamang. Isa ang tama, at isa naman ang mali; hindi maaaring parehong maging tama.

2. Sa anong mga paraan Diyos ng katotohanan si Jehova, at anong mga tanong ang tatalakayin ngayon?

2 Sa nakaraang artikulo, natalakay natin na si Jehova ang Diyos ng katotohanan. Nalalaman niya ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ibang-iba sa kaniyang mapanlinlang na kaaway na si Satanas na Diyablo, si Jehova ay laging tapat. Bukod dito, saganang isinisiwalat ni Jehova ang katotohanan sa iba. Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Bilang mga Saksi ni Jehova, paano natin siya matutularan sa pagsasalita at pamumuhay ayon sa katotohanan? Bakit mahalagang gawin ito? At anong katiyakan ang taglay natin na sinasang-ayunan ni Jehova ang mga nagtataguyod ng landasin ng pagkamatapat? Tingnan natin.

3, 4. Paano inilarawan nina apostol Pablo at Pedro kung ano ang mangyayari sa “mga huling araw”?

3 Tayo ay nabubuhay sa panahong laganap ang kabulaanan sa relihiyon. Gaya ng inihula ni apostol Pablo sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, maraming tao sa “mga huling araw” na ito ang may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito. Ang ilan ay lumalaban sa katotohanan, palibhasa’y “lubusang napasamâ ang pag-iisip.” Karagdagan pa, ‘ang mga taong balakyot at mga impostor . . . ay nagpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.’ Bagaman ang gayong mga tao ay laging nag-aaral, hindi sila kailanman sumasapit sa “tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—2 Timoteo 3:1, 5, 7, 8, 13.

4 Kinasihan din si apostol Pedro na sumulat tungkol sa mga huling araw. Kagaya ng kaniyang inihula, hindi lamang tinatanggihan ng mga tao ang katotohanan kundi tinutuya rin nila ang Salita ng Diyos at yaong mga naghahayag ng katotohanan nito. “Ayon sa kanilang naisin,” ipinagwawalang-bahala ng gayong mga manunuya ang katotohanan na ang sanlibutan noong panahon ni Noe ay inapawan ng tubig, na nagsisilbing isang halimbawa para sa araw ng paghuhukom sa hinaharap. Ang kanilang pangarap ay mangangahulugan ng kapahamakan para sa kanila kapag sumapit na ang oras ng Diyos upang puksain ang mga di-makadiyos.​—2 Pedro 3:3-7.

Alam ng mga Lingkod ni Jehova ang Katotohanan

5. Ayon kay propeta Daniel, ano ang mangyayari sa “panahon ng kawakasan,” at paano natupad ang hulang ito?

5 Sa isang paglalarawan sa “panahon ng kawakasan,” inihula ni propeta Daniel ang isang naiibang pangyayari sa bayan ng Diyos​—isang pagpapanumbalik ng relihiyosong katotohanan. Siya ay sumulat: “Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Daniel 12:4) Ang bayan ni Jehova ay hindi nalilito o nabubulag ng pangunahing Manlilinlang. Dahil sa pagpaparoo’t parito sa mga pahina ng Bibliya, sila ay nagtamo ng tunay na kaalaman. Noong unang siglo, si Jesus ay nagbigay ng kaliwanagan sa kaniyang mga alagad. “Lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.” (Lucas 24:45) Sa ating panahon, si Jehova ay kumilos din sa katulad na paraan. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon, pinangyari niyang maunawaan ng milyun-milyon sa buong lupa kung ano ang alam niya​—ang katotohanan.

6. Anong mga katotohanan sa Bibliya ang nauunawaan ng bayan ng Diyos sa ngayon?

6 Bilang bayan ng Diyos, nauunawaan natin ang maraming bagay na hindi sana natin nalaman. Alam natin ang mga sagot sa mga tanong na pinagsisikapang malaman ng matatalinong tao sa sanlibutan sa loob ng libu-libong taon. Halimbawa, alam natin kung bakit may pagdurusa, kung bakit namamatay ang mga tao, at kung bakit hindi matamo ng mga tao ang kapayapaan at pagkakaisa sa buong lupa. Binigyan din tayo ng isang pangitain kung ano ang maaasahan sa hinaharap​—ang Kaharian ng Diyos, paraisong lupa, at walang-katapusang buhay sa kasakdalan. Nakilala natin si Jehova, ang Kadaki-dakilaan. Natutuhan natin ang tungkol sa kaniyang kaakit-akit na personalidad lakip na kung ano ang dapat nating gawin upang tanggapin ang kaniyang pagpapala. Ang pagkaalam ng katotohanan ay nagpapangyari na mabatid natin kung ano ang hindi totoo. Ang pagkakapit sa katotohanan ay nagsasanggalang sa atin mula sa walang-katuturang mga gawain, nagpapangyari na matamo natin ang pinakamabuti sa buhay, at nagbibigay sa atin ng kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap.

7. Sino ang madaling makaunawa ng mga katotohanan sa Bibliya, at sino ang hindi?

7 Nauunawaan mo ba ang katotohanan sa Bibliya? Kung oo, sagana kang pinagpala. Kapag ang isang awtor ay sumusulat ng aklat, kadalasan ay ginagawa niya ito sa paraang makaaakit sa isang espesipikong grupo ng mga tao. Ang ilang aklat ay isinulat para sa mga may mataas na pinag-aralan, ang iba ay para sa mga bata, at ang iba naman ay para sa mga nasa pantanging mga larangan. Bagaman ang Bibliya ay madaling makuha ng lahat, ito ay nilayong maunawaan at mapahalagahan ng isang partikular na grupo ng mga tao. Dinisenyo ito ni Jehova para sa mga mapagpakumbaba, sa maaamong tao sa lupa. Maiintindihan ng gayong mga tao ang diwa ng Bibliya, anuman ang kanilang edukasyon, kultura, kalagayan sa buhay, o etnikong grupo. (1 Timoteo 2:3, 4) Sa kabilang panig, ipinagkait ang kaunawaan sa katotohanan sa Bibliya sa mga hindi wastong nakaayon, gaano man sila katalino o kaedukado. Ang palalo, ang mapagmapuri, ay hindi makaiintindi sa mahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos. (Mateo 13:11-15; Lucas 10:21; Gawa 13:48) Ang Diyos lamang ang makagagawa ng gayong aklat.

Ang mga Lingkod ni Jehova ay Tapat

8. Bakit si Jesus ang pinakalarawan ng katotohanan?

8 Tulad ni Jehova, ang kaniyang mga Saksi ay tapat. Ang katotohanan ay pinagtibay ni Jesu-Kristo, ang pangunahing Saksi ni Jehova, sa pamamagitan ng mga bagay na itinuro niya at sa paraan ng kaniyang pamumuhay at kamatayan. Itinaguyod niya ang katotohanan ng salita at mga pangako ni Jehova. Dahil dito, si Jesus ang pinakalarawan ng katotohanan, tulad ng mismong sinabi niya.​—Juan 14:6; Apocalipsis 3:14; 19:10.

9. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagsasalita ng katotohanan?

9 Si Jesus ay ‘puspos ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan’ at “walang panlilinlang sa kaniyang bibig.” (Juan 1:14; Isaias 53:9) Sinusunod ng tunay na mga Kristiyano ang halimbawa ni Jesus sa pagiging tapat sa iba. Pinayuhan ni Pablo ang mga kapananampalataya niya: “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” (Efeso 4:25) Mas maaga rito, si propeta Zacarias ay sumulat: “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zacarias 8:16) Ang mga Kristiyano ay tapat dahil gusto nilang paluguran ang Diyos. Si Jehova ay tapat at nalalaman niya ang pinsalang idinudulot ng kabulaanan. Kaya, makatuwirang asahan niya na ang kaniyang mga lingkod ay magsasabi ng katotohanan.

10. Bakit nagsisinungaling ang mga tao, at ano ang masamang idinudulot nito?

10 Para sa marami, ang pagsisinungaling ay waring isang maalwang paraan upang magtamo ng ilang kapakinabangan. Nagsisinungaling ang mga tao upang makaiwas sa kaparusahan, upang makinabang sa ilang kaparaanan, o upang matamo ang papuri ng iba. Subalit ang nakaugaliang pagsisinungaling ay isang bisyo. Bukod dito, ang isang sinungaling ay hindi magtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. (Apocalipsis 21:8, 27; 22:15) Kapag tayo ay kilalá bilang tapat, ang iba ay naniniwala sa ating sinasabi; nagtitiwala sila sa atin. Gayunman, kapag tayo ay nahuling nagsasabi ng kahit isang kasinungalingan, maaaring magduda ang iba kung talagang totoo nga ang anumang sasabihin natin sa hinaharap. Isang kawikaan sa Aprika ang nagsasabi: “Ang isang kabulaanan ay sumisira sa isang libong katotohanan.” Isa pang kawikaan ang nagsasabi: “Ang isang sinungaling ay hindi paniniwalaan, kahit na siya’y nagsasalita ng katotohanan.”

11. Sa anong paraan ang pagkamatapat ay higit pa sa pagsasabi lamang ng katotohanan?

11 Ang pagkamatapat ay nangangahulugan ng higit pa sa pagsasabi lamang ng katotohanan. Ito ay isang paraan ng pamumuhay. Ipinakikita nito kung sino tayo. Ipinababatid natin ang katotohanan sa iba hindi lamang sa pamamagitan ng ating sinasabi kundi sa pamamagitan din ng ating ginagawa. “Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?” ang tanong ni Pablo. “Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnanakaw,’ nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangalunya,’ nangangalunya ka ba?” (Roma 2:21, 22) Upang maibahagi natin sa iba ang katotohanan, dapat tayong maging tapat sa lahat ng ating daan. Ang ating reputasyon sa pagkamatapat at pagiging totoo ay may matinding epekto sa pagtugon ng mga tao sa ating itinuturo.

12, 13. Ano ang isinulat ng isang kabataan tungkol sa pagkamatapat, at ano ang dahilan ng kaniyang mataas na pamantayang moral?

12 Ang mga kabataang kabilang sa mga lingkod ni Jehova ay nakauunawa rin sa kahalagahan ng pagiging tapat. Sa isang sanaysay sa paaralan, si Jenny na 13 taóng gulang noon ay sumulat: “Ang pagiging matapat ay isang bagay na tunay ngang pinahahalagahan ko. Nakalulungkot, kakaunti lamang ang mga tao na lubos na matapat sa ngayon. Nangako ako sa aking sarili na lagi akong magiging matapat sa buong buhay ko. Ako rin ay magiging matapat kahit na ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi kaagad magdudulot ng kapakinabangan sa akin o sa aking mga kaibigan. Titiyakin ko na ang aking mga kaibigan ay yaong mga nagsasabi ng katotohanan at matatapat na tao.”

13 Sa pagkokomento sa sanaysay na ito, ganito ang sabi ng guro ni Jenny: “Kahit na napakabata mo pa ay nagkaroon ka na ng ganiyang katibay na moral at etikong pamantayan. Alam ko na patuloy mong itataguyod ang iyong pamantayan sapagkat ikaw ay may matibay na moral.” Ano ang naging dahilan upang magkaroon ng matibay na moral ang mág-aarál na batang babaing ito? Sa pambungad ng kaniyang sanaysay, binanggit ni Jenny na ang kaniyang relihiyon ang “nagtatakda ng mga pamantayan para sa [kaniyang] buhay.” Pitong taon na ang nakalilipas mula nang isulat ni Jenny ang sanaysay na iyon. Gaya ng hinuha ng kaniyang guro, si Jenny ay nagpapatuloy sa pagpapamalas ng mataas na pamantayang moral sa kaniyang buhay bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.

Isinisiwalat ng mga Lingkod ni Jehova ang Katotohanan

14. Bakit ang mga lingkod ng Diyos ay may lalo nang malaking pananagutan na itaguyod kung ano ang totoo?

14 Mangyari pa, ang iba pa bukod sa mga Saksi ni Jehova ay maaaring magsabi rin ng katotohanan at magsikap na maging matapat. Gayunman, bilang mga lingkod ng Diyos, tayo ay may lalo nang malaking pananagutan na itaguyod kung ano ang totoo. Ipinagkatiwala sa atin ang mga katotohanan sa Bibliya​—mga katotohanan na maaaring umakay sa isa sa buhay na walang hanggan. Kaya, mayroon tayong obligasyon na ibahagi ang kaalamang iyan sa iba. “Bawat isa na binigyan ng marami,” sabi ni Jesus, “marami ang hihingin sa kaniya.” (Lucas 12:48) Tiyak na ‘marami ang hinihingi’ sa mga pinagkalooban ng mahalagang kaalaman sa Diyos.

15. Anong kaligayahan ang iyong nasusumpungan sa pagsasabi sa iba ng katotohanan sa Bibliya?

15 May kaligayahan sa pagsasabi sa iba ng katotohanan sa Bibliya. Kagaya ng unang-siglong mga alagad ni Jesus, ating ipinahahayag ang mabuting balita​—isang nakaaaliw na mensahe ng pag-asa​—sa mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol” at sa mga binulag at nilito ng “mga turo ng mga demonyo.” (Mateo 9:36; 1 Timoteo 4:1) Si apostol Juan ay sumulat: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang katapatan ng “mga anak” ni Juan​—marahil yaong mga naakay niya sa katotohanan​—ay nagdulot sa kaniya ng malaking kagalakan. Nagagalak tayo kapag nakikita nating tumutugon nang may pagpapahalaga ang mga tao sa Salita ng Diyos.

16, 17. (a) Bakit hindi lahat ay tatanggap sa katotohanan? (b) Anong kagalakan ang madarama mo habang ipinahahayag mo ang katotohanan sa Bibliya?

16 Totoo, hindi lahat ay tatanggap ng katotohanan. Si Jesus ay nagsalita ng katotohanan tungkol sa Diyos, kahit na di-popular na gawin iyon. Sa mga sumasalansang na Judio ay sinabi niya: “Bakit nga hindi kayo naniniwala sa akin? Siya na mula sa Diyos ay nakikinig sa mga pananalita ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi kayo nakikinig, sapagkat kayo ay hindi mula sa Diyos.”​—Juan 8:46, 47.

17 Tayo, gaya ni Jesus, ay hindi nag-aatubiling magsabi ng mahalagang katotohanan tungkol kay Jehova. Hindi natin inaasahan na tatanggapin ng lahat ang ating sinasabi sa kanila, sapagkat hindi lahat ay tumanggap sa sinabi ni Jesus. Gayunman, taglay natin ang kagalakan ng pagkaalam na ginagawa natin ang tama. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, nais ni Jehova na maisiwalat ang katotohanan sa mga tao. Bilang mga nagtataglay ng katotohanan, ang mga Kristiyano ay naging mga tagapagdala ng liwanag sa isang madilim na sanlibutan. Kung hahayaan nating suminag ang liwanag ng katotohanan sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, matutulungan natin ang iba na magbigay ng kaluwalhatian sa ating makalangit na Ama. (Mateo 5:14, 16) Hayagan nating ipinababatid na tinatanggihan natin ang huwad na bersiyon ng katotohanan ni Satanas at itinataguyod ang dalisay at di-nabantuang Salita ng Diyos. Ang katotohanan na ating alam at ibinabahagi ay maaaring magbigay ng tunay na kalayaan sa mga tatanggap nito.​—Juan 8:32.

Itaguyod ang Landasin ng Pagkamatapat

18. Bakit at paano sinang-ayunan ni Jesus si Natanael?

18 Inibig at sinalita ni Jesus ang katotohanan. Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, ipinakita niya ang pagsang-ayon sa mga tapat. Tungkol kay Natanael, sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.” (Juan 1:47) Pagkatapos, si Natanael, na malamang na tinawag ding Bartolome, ay pinili bilang isa sa 12 apostol. (Mateo 10:2-4) Anong laking karangalan!

19-21. Paano pinagpala ang isang dating bulag na lalaki dahil sa kaniyang may-lakas-ng-loob na pagkamatapat?

19 Isang buong kabanata sa aklat ng Juan sa Bibliya ang naglalahad ng ulat hinggil sa isang matapat na tao na pinagpala ni Jesus. Hindi natin alam ang kaniyang pangalan. Ang alam lang natin ay pulubi at bulag ang lalaki mula sa kaniyang pagsilang. Namangha ang mga tao nang ibalik ni Jesus ang kaniyang paningin. Ang balita ng makahimalang pagpapagaling na ito ay nakaabot sa pandinig ng ilang Pariseo, mga napopoot sa katotohanan, na nagsabuwatan na ang sinumang sasampalataya kay Jesus ay itataboy mula sa sinagoga. Palibhasa’y alam ang kanilang maitim na balak, ang nahihintakutang mga magulang ng dating bulag na lalaki ay nagsinungaling sa mga Pariseo, na sinasabing hindi nila alam kung paanong ang kanilang anak ay nakakakita na ngayon o kung sino ang nagpangyari nito.​—Juan 9:1-23.

20 Ang pinagaling na lalaki ay muling ipinatawag sa harapan ng mga Pariseo. May-katapangan niyang sinabi ang katotohanan, anupat ipinagwalang-bahala ang anumang maaaring mangyari. Ipinaliwanag niya kung paano siya gumaling at na si Jesus ang gumawa niyaon. Palibhasa’y namangha nang lubha dahil ang kilala at edukadong mga lalaking ito ay hindi naniwala na si Jesus ay mula sa Diyos, ang pinagaling na lalaki ay walang-takot na humimok sa kanila na tanggapin ang isang di-mapag-aalinlanganang bagay: “Kung ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, wala siyang magagawang anuman.” Dahil wala na silang maipangatuwiran, ang lalaki ay pinaratangan ng mga Pariseo ng kawalang-pakundangan at pinalayas siya.​—Juan 9:24-34.

21 Nang malaman ito ni Jesus, maibiging gumugol siya ng panahon upang hanapin ang lalaki. Nang masumpungan niya ito, higit pa niyang pinatibay ang pananampalatayang ipinakita ng dating bulag na lalaki. Hayagang ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Mesiyas. Tunay na pinagpala ang lalaking iyon sa pagsasabi ng katotohanan! Tiyak na ang pagsang-ayon ng Diyos ay nasa mga taong nagsasalita ng katotohanan.​—Juan 9:35-37.

22. Bakit dapat nating itaguyod ang landasin ng pagkamatapat?

22 Ang pamumuhay ayon sa katotohanan ay isang tunguhin na dapat nating dibdibin. Mahalagang bagay ito sa pagkakaroon at pagpapanatili ng mabuting kaugnayan sa mga tao at sa Diyos. Ang pagiging tapat ay ang pagiging totoo, tunay, madaling lapitan, at mapagkakatiwalaan, at nagdudulot ito ng pagsang-ayon ni Jehova. (Awit 15:1, 2) Ang pagiging di-tapat ay nangangahulugan ng pagiging mapandaya, di-maaasahan, at huwad, at nag-aalis ito ng pagsang-ayon ni Jehova. (Kawikaan 6:16-19) Kaya, maging determinado na itaguyod ang landasin ng pagkamatapat. Sa katunayan, upang matularan ang Diyos ng katotohanan, kailangang alam natin ang katotohanan, nagsasalita tayo ng katotohanan, at namumuhay ayon sa katotohanan.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit tayo makapagpapasalamat na alam natin ang katotohanan?

• Paano natin matutularan si Jehova sa pagiging tapat?

• Ano ang mga kapakinabangan sa pagsasabi sa iba ng katotohanan sa Bibliya?

• Bakit mahalaga na itaguyod ang landasin ng pagkamatapat?

[Mga larawan sa pahina 17]

Palibhasa’y pinagkatiwalaan ng katotohanan sa Bibliya, masigasig na ibinabahagi ito ng mga Kristiyano sa iba

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang bulag na lalaking pinagaling ni Jesus ay lubos na pinagpala dahil sa pagsasabi ng katotohanan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share