Mga Anghel—Kung Paano Nila Tayo Naaapektuhan
SA PAGLALARAWAN sa pamilya ng mga anghel ng Diyos na nakita niya sa pangitain, isinulat ni propeta Daniel: “May isang libong libu-libo [na mga anghel] na patuloy na naglilingkod sa [Diyos], at sampung libong tigsasampung libo na patuloy na nakatayo sa mismong harap niya.” (Daniel 7:10) Isinisiwalat ng talatang ito kung bakit nilalang ng Diyos ang mga anghel. Sila ay maglilingkod sa kaniya at laging handang magsagawa ng kaniyang mga tagubilin.
Ginagamit ng Diyos ang mga anghel para gawin ang ilang bagay na may kaugnayan sa mga tao. Isasaalang-alang natin kung paano sila ginagamit ng Diyos upang palakasin at ipagsanggalang ang kaniyang bayan, upang ihatid ang mga mensahe sa mga tao, at upang ilapat ang kaniyang hatol sa masasama.
Pinalalakas at Ipinagsasanggalang ng mga Anghel
Mula nang masaksihan ng mga espiritung nilalang ang paglalang sa lupa at sa unang mga tao, nagpakita na sila ng masidhing interes sa sangkatauhan. Bilang personipikasyon ng karunungan, sinabi ni Jesu-Kristo bago siya umiral bilang tao: “Ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao.” (Kawikaan 8:31) At sinasabi sa atin ng Bibliya na “nagnanasang magmasid ang mga anghel” sa mga pangyayari tungkol kay Kristo at hinggil sa hinaharap na isiniwalat sa mga propeta ng Diyos.—1 Pedro 1:11, 12.
Sa paglipas ng panahon, napansin ng mga anghel na ang karamihan sa mga tao ay hindi naglilingkod sa kanilang maibiging Maylalang. Tiyak ngang ikinalungkot ito ng tapat na mga anghel! Sa kabilang dako naman, kapag ang isang makasalanan ay nagsisi at nanumbalik kay Jehova, “nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel.” (Lucas 15:10) Lubhang nababahala ang mga anghel sa kapakanan ng mga naglilingkod sa Diyos, at paulit-ulit silang ginagamit ni Jehova upang palakasin at ipagsanggalang ang kaniyang tapat na mga lingkod sa lupa. (Hebreo 1:14) Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Dalawang anghel ang tumulong sa matuwid na si Lot at sa kaniyang mga anak na babae upang makaligtas sa pagkawasak ng ubod-samang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila palabas sa lugar na iyon.a (Genesis 19:1, 15-26) Ilang siglo pagkatapos nito, hindi napinsala ang propetang si Daniel bagaman inihagis siya sa yungib ng mga leon. Bakit? “Isinugo ng aking Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon,” ang sabi niya. (Daniel 6:22) Sa simula pa lamang ng ministeryo ni Jesus sa lupa, tinulungan na siya ng mga anghel. (Marcos 1:13) At nang malapit nang mamatay si Jesus, isang anghel ang nagpakita sa kaniya at “pinalakas siya.” (Lucas 22:43) Tiyak na nakapagpatibay kay Jesus ang suportang iyon ng anghel sa napakahalagang yugtong iyon sa kaniyang buhay! Isang anghel din ang nagpalaya kay apostol Pedro mula sa bilangguan.—Gawa 12:6-11.
Ipinagsasanggalang ba tayo ng mga anghel sa ngayon? Kung sinasamba natin si Jehova kasuwato ng kaniyang Salita, maaasahan natin na ipagsasanggalang tayo ng kaniyang makapangyarihan at di-nakikitang mga anghel. Nangangako ang Bibliya: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.”—Awit 34:7.
Gayunman, dapat nating tandaan na ang pangunahing pinaglilingkuran ng mga anghel ay ang Diyos, hindi ang mga tao. (Awit 103:20, 21) Sumusunod sila sa tagubilin ng Diyos, hindi sa mga utos o mga kahilingan ng tao. Kaya ang Diyos na Jehova ang dapat nating hingan ng tulong, hindi ang mga anghel. (Mateo 26:53) Sabihin pa, yamang hindi natin nakikita ang mga anghel, hindi natin matiyak kung hanggang sa anong antas sila ginagamit ng Diyos sa pagtulong sa mga tao sa iba’t ibang bagay. Pero alam natin na ‘ipinakikita ni Jehova ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.’ (2 Cronica 16:9; Awit 91:11) At nakatitiyak tayo na “anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya [ng Diyos].”—1 Juan 5:14.
Sinasabi rin sa atin ng Kasulatan na ang ating mga panalangin at pagsamba ay dapat iukol lamang sa Diyos. (Exodo 20:3-5; Awit 5:1, 2; Mateo 6:9) Hinihimok tayo ng tapat na mga anghel na gawin iyan. Halimbawa, nang tangkain ni apostol Juan na sambahin ang isang anghel, sinaway siya ng espiritung nilalang na iyon, na sinasabi: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! . . . Sambahin mo ang Diyos.”—Apocalipsis 19:10.
Inihahatid ng mga Anghel ang Mensahe ng Diyos
Ang salitang “anghel” ay nangangahulugang “mensahero,” at iyan ang isa pang paraan ng paglilingkod ng mga anghel sa Diyos—bilang kaniyang mga mensahero sa mga tao. Halimbawa, “ang anghel na si Gabriel ay isinugo mula sa Diyos sa isang lunsod ng Galilea na pinanganlang Nazaret.” Bakit? Upang ipabatid sa dalagang si Maria na bagaman isa siyang birhen, maglilihi siya sa kaniyang bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki na tatawaging Jesus. (Lucas 1:26-31) Isang anghel din ang isinugo sa mga pastol sa parang upang ibalita sa kanila na isinilang na ang “Kristo na Panginoon.” (Lucas 2:8-11) Mga anghel din ang naghatid ng mga mensahe ng Diyos kina Abraham, Moises, Jesus, at sa iba pa na binanggit sa Bibliya.—Genesis 18:1-5, 10; Exodo 3:1, 2; Lucas 22:39-43.
Paano nagsisilbing mga mensahero ng Diyos ang mga anghel sa ngayon? Isaalang-alang ang inihula ni Jesus na gagawin ng kaniyang mga tagasunod bago ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14) Taun-taon, mahigit isang bilyong oras ang ginugugol ng mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Subalit alam mo ba na may bahagi rin ang mga anghel sa gawaing ito? Binanggit ni apostol Juan ang nakita niya sa isang pangitain, na sinasabi: “Nakakita ako ng isa pang anghel . . . , at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6, 7) Itinatampok ng tekstong ito ang pinakamahalagang gawain ng mga anghel para sa mga tao sa ngayon.
Nakikita ng mga Saksi ni Jehova ang patotoo na pinapatnubayan sila ng mga anghel sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay. Madalas nilang matagpuan ang mga indibiduwal na katatapos pa lamang manalangin na may tumulong sana sa kanila upang maunawaan nila ang mga layunin ng Diyos. Dahil sa patnubay ng mga anghel at pagkukusa ng mga Saksi, daan-daang libo ang natututo tungkol kay Jehova taun-taon. Sana’y makinabang ka rin mula sa nagliligtas-buhay na gawaing ito na pinapatnubayan ng mga anghel.
Inilalapat ng mga Anghel ang Hatol ng Diyos
Bagaman hindi sila binigyan ng awtoridad para humatol sa mga tao, hindi lamang basta tagapagmasid ang mga anghel. (Juan 5:22; Hebreo 12:22, 23) Bilang mga tagapuksa, inilapat nila ang mga hatol ng Diyos noon. Halimbawa, gumamit ang Diyos ng mga anghel sa pakikipaglaban niya sa sinaunang mga Ehipsiyo, na umalipin sa mga Israelita. (Awit 78:49) At sa isang gabi, “ang anghel ni Jehova” ay pumatay ng isang daan at walumpu’t limang libong kawal sa kampo ng mga kaaway ng bayan ng Diyos.—2 Hari 19:35.
Sa hinaharap, ilalapat din ng mga anghel ang hatol ng Diyos. Darating si Jesus “kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.” (2 Tesalonica 1:7, 8) Gayunman, ang pagpuksang iyon ay para lamang sa mga hindi tumutugon sa mensaheng ipinangangaral ngayon sa buong lupa sa tulong ng mga anghel. Ang mga humahanap sa Diyos at sumusunod sa mga turo ng Kasulatan ay hindi mapapahamak.—Zefanias 2:3.
Malaki nga ang dapat nating ipagpasalamat sa tapat na mga anghel, na laging nagsasagawa ng mga tagubilin ng Diyos! Ginagamit sila ni Jehova para tulungan at ipagsanggalang ang kaniyang matapat na mga lingkod sa lupa. Lalo itong nakaaaliw sa atin sapagkat may mapanganib na mga espiritung nilalang na tinatawag na mga demonyo na gustong puminsala sa atin.
Mga Demonyo—Sino Sila?
Sa loob ng 15 siglo matapos malinlang ni Satanas si Eva sa Eden, napansin ng pamilya ng mga anghel ng Diyos na nagtagumpay si Satanas na Diyablo na italikod sa Diyos ang lahat ng tao maliban sa ilang tapat na mga indibiduwal, tulad nina Abel, Enoc, at Noe. (Genesis 3:1-7; Hebreo 11:4, 5, 7) Ang ilan sa mga anghel ay sumunod din kay Satanas. Tinutukoy sila sa Bibliya bilang mga espiritung naging masuwayin “noong mga araw ni Noe.” (1 Pedro 3:19, 20) Paano nahayag ang kanilang pagsuway?
Noong panahon ni Noe, iniwan ng di-tiyak na bilang ng rebelyosong mga anghel ang kanilang dako sa makalangit na pamilya ng Diyos, bumaba sila sa lupa, at nagkatawang-tao. Bakit? Nagkaroon sila ng pagnanasang makipagtalik sa mga babae. Humantong ito sa pagkakaroon nila ng mga supling na tinatawag na Nefilim, na naging mararahas na higante. Bukod diyan, “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” Gayunman, hindi hinayaan ng Diyos na Jehova na magpatuloy ang katiwaliang ito ng mga tao. Nagpasapit siya ng pangglobong Baha, na tumangay sa lahat ng napakasasamang tao pati na sa mga Nefilim. Ang tapat na mga taong lingkod lamang ng Diyos ang nakaligtas.—Genesis 6:1-7, 17; 7:23.
Naiwasan ng mga rebelyosong anghel ang pagkapuksa noong panahon ng Baha. Iniwan nila ang kanilang katawang laman at nagbalik sa dako ng mga espiritu bilang mga espiritung nilalang. Mula noon, tinawag na silang mga demonyo. Pumanig sila kay Satanas na Diyablo, na tinatawag na “tagapamahala ng mga demonyo.” (Mateo 12:24-27) Tulad ng kanilang tagapamahala, hangad din ng mga demonyo na sambahin sila ng mga tao.
Mapanganib ang mga demonyo, pero hindi tayo dapat matakot sa kanila. Limitado lamang ang kanilang kapangyarihan. Nang bumalik sa langit ang masuwaying mga anghel, hindi na sila tinanggap sa pamilya ng tapat na mga anghel ng Diyos. Sa halip, inihiwalay sila sa lahat ng espirituwal na kaliwanagan na nagmumula sa Diyos, anupat wala na silang pag-asa sa hinaharap. Sa katunayan, ikinulong sila sa espirituwal na kadiliman na tinatawag na Tartaro. (2 Pedro 2:4) Pinipigilan sila ni Jehova sa pamamagitan ng “mga gapos na walang hanggan,” anupat nasa espirituwal na kadiliman sila. Bukod diyan, hindi na sila makapagkatawang-tao ngayon.—Judas 6.
Ano ang Dapat Mong Gawin?
Naiimpluwensiyahan pa rin ba ng mga demonyo ang mga tao? Oo, gumagamit sila ng “mga pakana,” katulad ng ginagamit ng kanilang tagapamahala, si Satanas na Diyablo. (Efeso 6:11, 12) Gayunman, kapag sinusunod natin ang payo ng Salita ng Diyos, makatatayo tayong matatag laban sa mga demonyo. Bukod diyan, ang mga umiibig sa Diyos ay nasa ilalim ng proteksiyon ng makapangyarihang mga anghel.
Napakahalaga ngang matutuhan mo ang mga kahilingan ng Diyos na nakasaad sa Kasulatan at kumilos ayon sa iyong natututuhan! Maaari ka pang matuto nang higit tungkol sa mga turo ng Bibliya sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na pagdausan ka ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa panahong kumbinyente sa iyo.
[Talababa]
a Sa Bibliya, ang mga anghel ay inilalarawan bilang mga adultong lalaki. Laging lalaki ang anyo nila kapag nagpapakita sila sa mga tao.
[Kahon sa pahina 6]
MGA ANGHEL—KUNG PAANO SILA INORGANISA
Inorganisa ni Jehova ang kaniyang malaking pamilya ng mga anghel ayon sa sumusunod:
Ang pangunahing anghel, kapuwa sa kapangyarihan at sa awtoridad, ay si Miguel na arkanghel, o Jesu-Kristo. (1 Tesalonica 4:16; Judas 9) Sakop niya ang mga serapin, kerubin, at iba pang mga anghel.
Napakataas ng posisyon ng mga serapin sa kaayusan ng Diyos. Sila ay mga tagapaglingkod sa trono ng Diyos. Bilang bahagi ng kanilang atas, inihahayag nila ang kabanalan ng Diyos at pinananatili nilang malinis sa espirituwal ang kaniyang bayan.—Isaias 6:1-3, 6, 7.
Ang mga kerubin ay iniuugnay sa trono ng Diyos at itinataguyod nila ang karingalan ni Jehova.—Awit 80:1; 99:1; Ezekiel 10:1, 2.
Ang iba pang mga anghel ay mga kinatawan ni Jehova, at isinasagawa nila ang kaniyang kalooban.
[Larawan sa pahina 4]
Mga anghel ang umakay kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae tungo sa ligtas na dako
[Larawan sa pahina 5]
Nang tangkain ni apostol Juan na sambahin ang anghel, sinabi nito sa kaniya: “Huwag mong gawin iyan!”
[Larawan sa pahina 6]
Inilalapat ng mga anghel ang hatol ng Diyos
[Larawan sa pahina 7]
Nakikinabang ka ba sa gawaing pangangaral na pinapatnubayan ng mga anghel?