Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 1/15 p. 10-13
  • Ang Mataas na Saserdote na Humatol kay Jesus

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Mataas na Saserdote na Humatol kay Jesus
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pamilya at Pinagmulan
  • Mga Mataas na Saserdote at mga Punong Saserdote
  • Takot kay Jesus, Takot sa Roma
  • Isang Sabuwatan Upang Pumatay
  • Aral na Matututuhan sa Buhay ni Caifas
  • Caifas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Dinala si Jesus kay Anas, Pagkatapos ay kay Caifas
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Dinala kay Annas, Pagkatapos kay Caifas
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • “Karapat-dapat Siya sa Kamatayan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 1/15 p. 10-13

Ang Mataas na Saserdote na Humatol kay Jesus

NOONG Nobyembre 1990, may kawili-wiling natuklasan ang mga lalaking nagtatrabaho sa isang parke at isang kalsada mga isang kilometro sa timog ng Matandang Lunsod ng Jerusalem. Dahil sa isang traktora, aksidenteng gumuho ang pinakabubong ng isang sinaunang kuwebang libingan. Ang lugar na iyon ay isang malaking sementeryo mula noong unang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Talagang kawili-wili ang nakita ng mga arkeologo sa loob ng libingang iyon.

Ang kuweba ay may 12 kahon ng buto, na pinaglalagyan ng mga buto ng mga patay matapos mamalagi ang mga ito sa mga libingan ng humigit-kumulang sa isang taon at kapag naagnas na ang laman nito. Nakasulat sa tagiliran ng isang kahon ng buto na may magagandang ukit​—isa sa pinakamagandang natagpuan kailanman​—ang pangalang Yehosef bar Caiapha (Jose na anak ni Caifas).

Ipinahihiwatig ng ebidensiya na maaaring ito ang libingan ng mataas na saserdoteng nangasiwa sa pinakamahalagang paglilitis na naganap kailanman​—ang paglilitis kay Jesu-Kristo. Ang mataas na saserdoteng ito ay tinukoy ng Judiong istoryador na si Josephus bilang “Jose, na tinatawag na Caifas.” Sa Kasulatan, tinawag lamang siyang Caifas. Bakit naman tayo magiging interesado sa kaniya? Ano ba ang nag-udyok sa kaniya na hatulan si Jesus?

Pamilya at Pinagmulan

Pinakasalan ni Caifas ang anak ni Anas, isa pang mataas na saserdote. (Juan 18:13) Ang pag-aasawang ito ay malamang na isinaayos maraming taon bago pa ang kasal. Malamang na nais matiyak ng dalawang pamilya na kapaki-pakinabang ang gagawin nilang pag-aalyansa. Nangangahulugan ito ng maingat na pagsusuri sa mga talaangkanan upang matiyak na mananatiling dalisay ang kanilang makasaserdoteng angkan. Maliwanag na mayaman at maharlika ang parehong pamilya, at malamang na yumaman sila dahil sa kanilang malalaking lupain sa Jerusalem. Walang alinlangan na gustong matiyak ni Anas na ang kaniyang magiging manugang ay isang maaasahang kaalyado sa pulitika. Lumilitaw na kabilang sa maimpluwensiyang sekta ng mga Saduceo sina Anas at Caifas.​—Gawa 5:17.

Bilang miyembro ng isang prominenteng pamilya ng mga saserdote, posibleng naturuan si Caifas tungkol sa Hebreong Kasulatan at sa interpretasyon ng mga ito. Malamang na nagsimula siyang maglingkod sa templo noong siya ay 20 taóng gulang, ngunit walang nakaaalam kung anong edad siya naging mataas na saserdote.

Mga Mataas na Saserdote at mga Punong Saserdote

Ang pagiging mataas na saserdote noon ay minamana at isang panghabang-buhay na tungkulin. Pero noong ikalawang siglo B.C.E., inagaw ng mga Hasmoneano ang katungkulan ng mataas na saserdote.a Si Herodes na Dakila ang humihirang at nag-aalis sa mga mataas na saserdote, na nagpapakitang siya talaga ang may awtoridad sa paghirang sa katungkulang ito. Gayundin ang ginawa ng mga Romanong gobernador.

Ang mga pangyayaring ito ang umakay sa pagkakabuo ng isang grupo na tinatawag ng Kasulatan bilang “mga punong saserdote.” (Mateo 26:3, 4) Bukod kay Caifas, kabilang sa grupong ito ang mga dating mataas na saserdote, gaya ni Anas, na kahit inalis na sa puwesto ay gumagamit pa rin ng titulong iyon. Kabilang din sa grupong ito ang malalapít na kapamilya ng kasalukuyan at mga dating mataas na saserdote.

Hinayaan ng mga Romano na pangasiwaan ng aristokrasyang Judio, pati na ng mga punong saserdote, ang pang-araw-araw na pamamahala sa Judea. Sa pamamagitan nito ay nakokontrol ng Roma ang probinsiya at nalilikom ang mga buwis kahit na hindi sila magpadala roon ng maraming sundalo. Inaasahan ng Roma na pananatilihin ng herarkiyang Judio ang kapayapaan at ipagtatanggol nito ang mga kapakanan ng Roma. Hindi nagugustuhan ng Romanong mga gobernador ang mga Judiong lider, na naghihinanakit sa pananakop ng Roma. Ngunit kapuwa sila makikinabang kung magtutulungan sila upang magkaroon ng isang matatag na pamahalaan.

Noong panahon ni Caifas, ang mataas na saserdote ang pulitikal na lider ng mga Judio. Si Anas ay hinirang sa posisyong ito noong 6 o 7 C.E. ni Quirinio, Romanong gobernador ng Sirya. Ipinahihiwatig ng rabinikong tradisyon na kilala sa kasakiman, nepotismo, paniniil, at karahasan ang mga nangungunang maharlikang pamilya ng mga Judio. Ipinalalagay ng isang manunulat na bilang mataas na saserdote, malamang na tiniyak ni Anas na “mabilis na tataas ang tungkulin [ng kaniyang manugang] sa pamunuan ng templo; tutal, miyentras mas mataas ang magiging posisyon ni Caifas, mas lalo siyang kapaki-pakinabang kay Anas.”

Si Valerius Gratus, gobernador ng Judea, ang nag-alis kay Anas sa tungkulin noong mga 15 C.E. Tatlong iba pa, kabilang na ang isa sa mga anak ni Anas, ang sunud-sunod na humawak sa tungkulin bilang mataas na saserdote sa loob lamang ng maiikling panahon. Naging mataas na saserdote si Caifas noong mga 18 C.E. Pinanatili siya ni Poncio Pilato, na hinirang na gobernador ng Judea noong 26 C.E., sa tungkuling iyon sa loob ng sampung taóng panunungkulan niya bilang gobernador. Saklaw ng panunungkulan ni Caifas ang panahon ng ministeryo ni Jesus at ang pasimula ng pangangaral ng kaniyang mga alagad. Subalit tutol si Caifas sa mensahe ni Kristo.

Takot kay Jesus, Takot sa Roma

Itinuring ni Caifas si Jesus na isang mapanganib na tagasulsol ng kaguluhan. Tinutulan ni Jesus ang interpretasyon ng herarkiya hinggil sa mga kautusan sa Sabbath at itinaboy niya mula sa templo ang mga mangangalakal at mga tagapagpalit ng salapi, anupat sinabing ginawa nila itong “yungib ng mga magnanakaw.” (Lucas 19:45, 46) Naniniwala ang ilang istoryador na ang mga pamilihang iyon sa templo ay pag-aari ng sambahayan ni Anas​—marahil isa pang dahilan kung bakit sinikap ni Caifas na patahimikin si Jesus. Nang magsugo ang mga punong saserdote ng mga opisyal upang arestuhin si Jesus, labis na namangha ang mga ito sa kaniyang mga pananalita anupat bumalik sila nang hindi siya kasama.​—Juan 2:13-​17; 5:1-​16; 7:14-49.

Isaalang-alang ang nangyari nang mabalitaan ng herarkiyang Judio na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro. Ganito ang ulat ng Ebanghelyo ni Juan: “Tinipon ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang Sanedrin at nagsimulang magsabi: ‘Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.’ ” (Juan 11:47, 48) Itinuring ng Sanedrin na banta si Jesus sa awtoridad ng kanilang relihiyosong organisasyon at sa kapayapaan ng madla, na siyang pananagutan nila kay Pilato. Anumang pagkilos ng madla na maaaring ituring ng mga Romano na mapaghimagsik ay posibleng mag-udyok sa kanila na panghimasukan ang mga gawain ng mga Judio​—isang bagay na nais iwasan ng Sanedrin anuman ang maging kapalit.

Bagaman hindi maikakaila ni Caifas na nagsagawa si Jesus ng makapangyarihang mga gawa, hindi pa rin siya nanampalataya, sa halip ay sinikap niyang mapanatili ang kaniyang reputasyon at awtoridad. Paano naman niya matatanggap na binuhay-muli si Lazaro? Bilang isang Saduceo, hindi naniniwala si Caifas sa pagkabuhay-muli!​—Gawa 23:8.

Nabunyag ang labis na kasamaan ni Caifas nang sabihin niya sa mga kasama niyang tagapamahala: “Hindi kayo nangangatuwiran na para sa inyong kapakinabangan na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan at upang hindi mapuksa ang buong bansa.” Nagpatuloy pa ang ulat: “Gayunman, hindi niya ito sinabi mula sa kaniyang sarili; kundi dahil sa siya ang mataas na saserdote nang taóng iyon, inihula niya na si Jesus ay itinalagang mamatay para sa bansa, at hindi lamang para sa bansa, kundi upang ang mga anak ng Diyos na nakapangalat ay matipon din niya sa isa. Sa gayon mula nang araw na iyon ay nagsanggunian silang patayin [si Jesus].”​—Juan 11:49-53.

Hindi alam ni Caifas ang ganap na kahulugan ng kaniyang mga sinabi. Dahil sa kaniyang katungkulan bilang mataas na saserdote, nakapanghula siya.b Ang kamatayan ni Jesus ay magiging kapaki-pakinabang​—ngunit hindi lamang para sa mga Judio. Ang kaniyang haing pantubos ay maglalaan ng daan upang mapalaya ang buong sangkatauhan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan.

Isang Sabuwatan Upang Pumatay

Nagtipon ang mga punong saserdoteng Judio at matatandang lalaki sa tahanan ni Caifas upang pag-usapan kung paano darakpin at papatayin si Jesus. Malamang na tumulong ang mataas na saserdote sa pagtatanong kay Judas Iscariote kung magkano ang ibabayad sa kaniya kapalit ng pagkakanulo kay Jesus. (Mateo 26:3, 4, 14, 15) Gayunman, hindi sapat ang kamatayan ng isa upang maisakatuparan ni Caifas ang kaniyang masamang pakana. “Ang mga punong saserdote ngayon ay nagsangguniang patayin din si Lazaro, sapagkat dahil sa kaniya ay marami sa mga Judio ang . . . nananampalataya kay Jesus.”​—Juan 12:10, 11.

Si Malco, isang alipin ni Caifas, ay kasama sa mga mang-uumog na inutusan upang arestuhin si Jesus. Dinala muna ang bilanggo kay Anas para pagtatanungin at pagkatapos ay kay Caifas, na nauna nang nagpatawag sa mga Judiong matatandang lalaki para sa isang ilegal na paglilitis sa gabi.​—Mateo 26:57; Juan 18:10, 13, 19-​24.

Hindi nahadlangan si Caifas sa nais niyang gawin kahit hindi magkakatugma ang patotoo ng mga huwad na saksi laban kay Jesus. Batid ng mataas na saserdote ang pangmalas ng kaniyang mga kasabuwat hinggil sa sinumang nag-aangking Mesiyas. Kaya gusto niyang marinig kung inaangkin nga ba ni Jesus ang titulong iyan. Tumugon si Jesus na makikita siya ng mga tagapag-akusa niya na “nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap sa langit.” Sa kaniyang pagbabanal-banalan, “hinapak ng mataas na saserdote ang kaniyang mga panlabas na kasuutan, na sinasabi: ‘Siya ay namusong! Ano’t nangangailangan pa tayo ng mga saksi?’ ” Sumang-ayon ang Sanedrin na karapat-dapat mamatay si Jesus.​—Mateo 26:64-66.

Kailangang may pagsang-ayon ang mga Romano sa ilalapat na parusang kamatayan. Bilang tagapamagitan sa mga Romano at mga Judio, posibleng si Caifas ang nagharap ng kasong ito kay Pilato. Nang sikapin ni Pilato na palayain si Jesus, malamang na isa si Caifas sa mga punong saserdote na sumigaw: “Ibayubay siya! Ibayubay siya!” (Juan 19:4-6) Malamang na sinulsulan ni Caifas ang mga pulutong na igiit na pawalan ang isang mamatay-tao sa halip na si Jesus at malamang na kasama siya ng mga punong saserdote na paimbabaw na nagsabi: “Wala kaming hari kundi si Cesar.”​—Juan 19:15; Marcos 15:7-11.

Tinanggihan ni Caifas ang patotoo na binuhay-muli si Jesus. Sinalansang niya sina Pedro at Juan at pagkatapos ay si Esteban. Binigyan din ni Caifas ng awtorisasyon si Saul para arestuhin ang sinumang Kristiyanong matatagpuan nito sa Damasco. (Mateo 28:11-​13; Gawa 4:1-​17; 6:8–7:60; 9:1, 2) Gayunman, pagsapit nang mga 36 C.E., si Caifas ay inalis sa puwesto ni Vitellius, ang Romanong gobernador ng Sirya.

Hindi maganda ang ulat na makikita sa mga akdang Judio hinggil sa pamilya ni Caifas. Halimbawa, ganito ang panaghoy ng Babilonyong Talmud: “Sa aba ko dahil sa sambahayan ni Hanin [Anas], sa aba ko dahil sa kaniyang mga bulong,” o “mga paninirang-puri.” Ang daing na ito ay sinasabing tumutukoy sa “lihim na mga pagpupulong ng mga lider ng relihiyon upang kumatha ng mapaniil na mga hakbang.”

Aral na Matututuhan sa Buhay ni Caifas

Inilarawan ng isang iskolar ang mga mataas na saserdote bilang mga lalaking “istrikto, tuso at may-kakayahan​—at malamang ay arogante.” Ang pagiging arogante ang dahilan kaya hindi tinanggap ni Caifas ang Mesiyas. Kaya hindi tayo dapat masiraan ng loob kapag tinatanggihan ng mga tao sa ngayon ang mensahe ng Bibliya. Hindi sapat ang interes ng iba sa katotohanang nasa Kasulatan kaya hindi nila maiwan ang mga paniniwalang pinakamamahal nila. Maaaring madama ng iba na nakapagpapababa sa kanilang dignidad ang pagiging hamak na mga mangangaral ng mabuting balita. Inaayawan naman ng mga di-tapat at sakim ang mga pamantayang Kristiyano.

Bilang mataas na saserdote, matutulungan sana ni Caifas ang kaniyang mga kapuwa Judio na tanggapin ang Mesiyas, ngunit dahil sa pagkauhaw niya sa kapangyarihan ay hinatulan niya si Jesus. Malamang na nagpatuloy ang pagsalansang na iyan hanggang sa mamatay si Caifas. Ipinakikita ng ulat hinggil sa kaniyang iginawi na hindi lamang mga buto ang naiiwan natin kapag tayo ay namatay. Sa pamamagitan ng ating mga pagkilos, nag-iiwan tayo ng isang namamalaging reputasyon sa harap ng Diyos, masama man ito o mabuti.

[Mga talababa]

a Hinggil sa kasaysayan ng mga Hasmoneano, pakisuyong tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 15, 2001, pahina 27-30.

b Ginamit noon ni Jehova ang napakasamang si Balaam upang bumigkas ng totoong mga hula hinggil sa mga Israelita.​—Bilang 23:1–24:24.

[Larawan sa pahina 10]

Jose na anak ni Caifas

[Larawan sa pahina 10]

Ang kahon ng buto na natuklasan kamakailan

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Kahon ng buto, inskripsiyon, at kuweba sa likuran: Courtesy of Israel Antiquities Authority

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share