Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 10/15 p. 18-23
  • Mga Kasalang Marangal sa Paningin ng Diyos at ng Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kasalang Marangal sa Paningin ng Diyos at ng Tao
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Marangal na Pag-aasawa​—Legal na Pag-aasawa
  • Kasal Ayon sa Kaugalian at Kasal sa Huwes
  • Panatilihing Marangal ang Pag-aasawa
  • Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ano ang Nangyayari sa Kasalan ng mga Saksi ni Jehova?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Mga Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Maliligayang Kasalan na Nagpaparangal kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 10/15 p. 18-23

Mga Kasalang Marangal sa Paningin ng Diyos at ng Tao

“May piging ng kasalang naganap sa Cana . . . Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa piging ng kasalan.”​—JUAN 2:1, 2.

1. Ano ang gustong ipabatid sa atin ng ulat hinggil kay Jesus sa Cana?

ALAM ni Jesus, ng kaniyang ina, at ng iba niyang mga alagad ang kasiyahang idinudulot ng marangal na kasalan sa gitna ng bayan ng Diyos. Ginawa pa nga ni Kristo na katangi-tangi at lalong kasiya-siya ang isang kasalan sa pamamagitan ng isang himala. Iyon ang iniulat na unang himalang ginawa niya roon. (Juan 2:1-11) Marahil ay nakadalo ka na at nasiyahan din naman sa mga kasalan ng mga Kristiyano na nagnanais maglingkod kay Jehova bilang maligayang mag-asawa. O baka inaasam-asam mo na maging masaya rin ang iyo mismong kasal sa hinaharap o na matulungan mo ang isang kaibigan na maging matagumpay ang kaniyang kasal. Ano ang makatutulong para maging matagumpay ang kasalan?

2. Anong impormasyon hinggil sa mga kasalan ang binabanggit ng Bibliya?

2 Napatunayan ng mga Kristiyano na malaking tulong ang payo ng kinasihang Salita ng Diyos para sa mga nagpaplanong magpakasal. (2 Timoteo 3:16, 17) Totoo, walang sinasabi ang Bibliya hinggil sa detalyadong pamamaraan para sa isang kasalang Kristiyano. Mauunawaan naman ito dahil ang mga kaugalian at maging ang mga kahilingan ng batas ay magkakaiba depende sa lugar at panahon. Halimbawa, sa sinaunang Israel, walang pormal na seremonya ng kasal. Sa araw ng kasal, dinadala ng kasintahang lalaki ang kaniyang kasintahang babae sa sarili niyang bahay o sa bahay ng kaniyang ama. (Genesis 24:67; Isaias 61:10; Mateo 1:24) Ang hakbang na ito na nakikita ng madla ang siyang itinuturing na kasalan. Wala itong pormal na seremonya na karaniwang ginagawa sa maraming kasalan sa ngayon.

3. Anong okasyon sa Cana ang lalo pang naging masaya dahil kay Jesus?

3 Kinikilala ng mga Israelita ang hakbang na iyon bilang ang kasalan. Pagkatapos nito, maaari nila itong ipagdiwang sa pamamagitan ng isang piging gaya ng binabanggit sa Juan 2:1. Ganito ang pagkakasalin ng maraming bersiyon ng Bibliya sa tekstong iyan: “Nagkaroon ng kasalan sa Cana.” Subalit sa orihinal na wika, ito ay angkop na isinaling “piging ng kasalan.”a (Mateo 22:2-10; 25:10; Lucas 14:8) Malinaw na ipinakikita ng ulat na dumalo si Jesus sa piging na iniuugnay sa isang kasalang Judio at lalo pang naging masaya ang piging dahil sa kaniya. Gayunman, ang pangunahing punto ay na magkaiba ang ginagawa sa mga kasalan noon sa karaniwang mga kasalan ngayon.

4. Anong uri ng kasalan ang pinipili ng ilang Kristiyano, at bakit?

4 Sa maraming bansa sa ngayon, dapat matugunan ng mga Kristiyanong nagnanais magpakasal ang espesipikong mga kahilingan ng batas. Kapag natugunan nila ito, maaari na silang magpakasal sa anumang paraan na pinapayagan ng batas. Maaari itong gawin sa isang simpleng seremonya na pinangangasiwaan ng isang huwes, alkalde, o ministro ng relihiyon na awtorisado ng Estado. Pinipili ng ilan na magpakasal sa gayong paraan, marahil ay inaanyayahang dumalo ang ilang kamag-anak o Kristiyanong mga kaibigan bilang legal na mga saksi o para lamang makisaya sa mahalagang okasyong ito. (Jeremias 33:11; Juan 3:29) Sa katulad na paraan, maaaring ipasiya ng ibang mga Kristiyano na huwag nang magkaroon ng malaking piging ng kasalan o handaan na mangangailangan ng marami-raming pagpaplano at malaki-laking gastusin. Sa halip, maaari silang maghanda ng simpleng salu-salo kasama ang ilang malalapít na kaibigan. Anuman ang piliin natin hinggil sa bagay na ito, dapat nating tandaan na maaaring iba ang pananaw ng ibang may-gulang na mga Kristiyano.​—Roma 14:3, 4.

5. Bakit nais ng maraming Kristiyano na magkaroon ng pahayag sa kasal kapag ikinasal sila, at ano ang itinatampok nito?

5 Pinipili ng karamihan ng magkasintahang Kristiyano na magkaroon ng salig-Bibliyang pahayag sa kanilang kasal.b Kinikilala nila na si Jehova ang nagpasimula ng pag-aasawa at naglalaan siya sa kaniyang Salita ng matalinong payo kung paano magtatagumpay ang pag-aasawa at kung paano ito magdudulot ng kaligayahan. (Genesis 2:22-24; Marcos 10:6-9; Efeso 5:22-33) At nais ng maraming magkasintahan na makasama ang mga kaibigang Kristiyano at mga kamag-anak sa masayang okasyong ito. Gayunman, ano ang dapat na maging pangmalas natin sa iba’t ibang kahilingan ng batas, pamamaraan, at maging sa sinusunod na lokal na mga kaugalian? Isasaalang-alang ng artikulong ito ang mga situwasyon sa iba’t ibang rehiyon. Posibleng ang ilan ay ibang-iba sa alam mo o sa ginagawa sa inyong lugar. Gayunpaman, maaaring may mapansin kang mga pagkakatulad sa simulain o aspekto na mahalaga sa mga lingkod ng Diyos.

Marangal na Pag-aasawa​—Legal na Pag-aasawa

6, 7. Bakit tayo dapat maging interesado sa hinihiling ng batas tungkol sa pagpapakasal, at paano natin ito maipakikita?

6 Bagaman si Jehova ang nagpasimula ng pag-aasawa, may kontrol pa rin ang mga pamahalaan ng tao sa mga dapat gawin ng ikakasal. Angkop naman ito. Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Sa katulad na paraan, ipinag-utos ni apostol Pablo: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.”​—Roma 13:1; Tito 3:1.

7 Sa maraming lupain, si Cesar, o ang awtoridad ng pamahalaan, ang nagpapasiya kung sino ang puwedeng ikasal. Kaya kapag ang dalawang Kristiyano na malayang magpakasal ayon sa Kasulatan ay nagpasiyang magpakasal, buong-katapatan silang sumusunod sa batas sa kanilang lugar. Maaaring kasama rito ang pagkuha ng lisensiya, pagpapakasal sa pamamagitan ng isa na awtorisado ng Estado, at marahil ay pagpaparehistro ng kasal. Nang hilingin ni Cesar Augusto ang ‘pagpaparehistro,’ sumunod sina Maria at Jose, anupat naglakbay sila patungong Betlehem ‘upang magparehistro.’​—Lucas 2:1-5.

8. Anong kaugalian ang hindi ginagawa ng mga Saksi ni Jehova, at bakit?

8 Kapag ang dalawang Kristiyano ay nagpakasal sa legal at kinikilalang paraan, ang pagsasamang iyon ay may bisa sa paningin ng Diyos. Kaya hindi inuulit ng mga Saksi ni Jehova ang kasal sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming legal na seremonya, at hindi rin nila inuulit ang mga panata sa kasal, halimbawa sa ika-25 o ika-50 anibersaryo ng kasal ng mag-asawa. (Mateo 5:37) (Hindi kinikilala ng ilang simbahan ang legal na seremonya ng kasal sa huwes, anupat sinasabing wala talaga itong bisa malibang isang pari o isang klerigo ang magsagawa ng ritwal o ang magdeklarang mag-asawa na ang dalawa.) Sa maraming lupain, binibigyan ng awtorisasyon ng pamahalaan ang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova na magkasal. Kung posible iyan, malamang na naisin niyang samahan ito ng isang pahayag sa kasal sa Kingdom Hall. Iyon ang dako para sa tunay na pagsamba at angkop na lokasyon iyon para sa pahayag hinggil sa ganitong kaayusan, na Diyos na Jehova ang nagpasimula.

9. (a) Tungkol sa kasal sa huwes, ano ang maaaring naising gawin ng magkasintahang Kristiyano? (b) Paano nasasangkot ang mga elder sa mga plano sa kasal?

9 Sa ibang bansa, hinihiling ng batas na magpakasal ang magkasintahan sa isang tanggapan ng pamahalaan, gaya ng munisipyo, o sa harap ng itinalagang kinatawan ng pamahalaan. Karaniwan nang pinipili ng mga Kristiyano na sundan ang legal na hakbang na iyon ng isang pahayag sa kasal sa Kingdom Hall sa mismong araw ding iyon o kinabukasan. (Hindi nila nais na palipasin pa ang maraming araw pagkatapos ng kasal sa huwes bago magkaroon ng pahayag salig sa Bibliya, sapagkat kasal na sila sa harap ng Diyos at ng tao, pati na sa kongregasyong Kristiyano.) Kung ang magkasintahan na ikakasal sa huwes ay nagnanais na magkaroon ng pahayag sa isang Kingdom Hall, dapat muna silang humingi ng permiso sa mga elder na bumubuo sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Bukod sa pagtiyak ng mga tagapangasiwa na may mabuting reputasyon ang magkasintahan, titiyakin din ng mga tagapangasiwang ito na hindi maaapektuhan ng oras ng kasal ang mga pagpupulong at iba pang nakaiskedyul na mga programa sa Kingdom Hall. (1 Corinto 14:33, 40) Aalamin din nila kung ano ang plano ng magkasintahan sa pag-aayos sa bulwagan at pagpapasiyahan nila kung papayagan ito at kung ipatatalastas ba ang paggamit dito.

10. Kung hinihiling na magkaroon ng kasal sa huwes, paano nito maaapektuhan ang pahayag sa kasal?

10 Sisikapin ng elder na magpapahayag sa kasal na ang kaniyang pahayag ay magiliw, nakapagpapatibay sa espirituwal, at marangal. Kung ang mag-asawa ay kasal na sa huwes, lilinawin ng elder na sila ay ikinasal na ayon sa batas ni Cesar. Kung walang naganap na sumpaan sa kasal sa huwes, maaaring naisin ng mag-asawa na gawin ang sumpaan sa panahon ng pahayag.c Kung ang kasalang iyon sa huwes ay may kasamang sumpaan ngunit nais pa rin ng mag-asawa na magsumpaan sa harap ni Jehova at ng kongregasyon, maaari nila itong gawin gamit ang panata na nasa talababa. Subalit sa halip na pasimulan ito sa pananalitang “Ako si ___ ay kumukuha sa iyo ___ upang maging . . . ,” pasisimulan nila ito sa pagsasabing “Ako si ___ ay sumumpa at kumuha sa iyo ___ upang maging . . . ,” anupat ipinakikita na sila ay “pinagtuwang” na.​—Mateo 19:6; 22:21.

11. Sa ilang lugar, paano nagpapakasal ang magkasintahan, at ano ang epekto nito sa pahayag sa kasal?

11 Sa ibang lugar, maaaring hindi hinihilingan ng batas ang magkasintahan na magkaroon ng anumang seremonya ng kasal, kahit sa harap ng isang kinatawan ng pamahalaan. Ituturing na kasal na ang magkasintahan kapag ipinakita na nila sa isang opisyal ng pamahalaan ang isang pirmadong form ng rehistro ng kasal. Sa gayon, narerehistro ang sertipiko ng kasal. Sa ganitong paraan, ang magkasintahan ay itinuturing nang mag-asawa. Ang petsa na nasa sertipiko ang araw ng kanilang kasal. Gaya ng nabanggit, maaaring naisin ng mag-asawang ikinasal sa gayong paraan na magkaroon ng salig-Bibliyang pahayag sa Kingdom Hall pagkatapos na pagkatapos ng pagpaparehistrong iyon. Ang may-gulang sa espirituwal na kapatid na napiling magpahayag ang magsasabi sa lahat ng dumalo na ang dalawa ay kasal na dahil nakapagparehistro na sila. Anumang panatang bibigkasin ng mag-asawa ay isasagawa kaayon ng binabanggit sa parapo 10 at sa talababa nito. Ang lahat ng dumalo sa Kingdom Hall ay makikigalak sa mag-asawa at makikinabang sa ibibigay na payo mula sa Salita ng Diyos.​—Awit ni Solomon 3:11.

Kasal Ayon sa Kaugalian at Kasal sa Huwes

12. Ano ang kasal ayon sa kaugalian, at ano ang iminumungkahi pagkatapos ng gayong kasal?

12 Sa ilang bansa, ang magkasintahan ay ikinakasal ayon sa kaugalian (o, sa kaugalian ng tribo). Hindi ito tumutukoy sa dalawang indibiduwal na basta nagsasama lamang, ni tumutukoy man ito sa pakikipagrelasyon na maaaring tinatanggap sa ilang lugar ngunit hindi talaga kinikilala ng batas.d Ang tinutukoy natin dito ay ang kasal ayon sa kinikilalang kaugalian ng tribo o ng isang lugar. Maaaring kasangkot dito ang pagbabayad at pagtanggap ng kabuuang halaga ng dote, na kapag ginawa ito, ang magkasintahan ay ituturing nang kasal alinsunod sa batas at sa Kasulatan. Itinuturing ng pamahalaan na lehitimo, legal, at may bisa ang gayong kasal ayon sa kaugalian. Pagkatapos nito, karaniwan nang puwedeng ipatala o iparehistro ang ginanap na kasal ayon sa kaugalian, at sa paggawa nito, makatatanggap ang mag-asawa ng opisyal na sertipiko. Ang pagrerehistro ay proteksiyon sa mag-asawa o sa asawang babae kung sakaling mabalo siya at sa magiging mga anak nila. Hihimukin ng kongregasyon ang sinumang ikinasal ayon sa kaugalian na irehistro ang kanilang kasal sa lalong madaling panahon. Kapansin-pansin, waring sa Kautusang Mosaiko, ang mga kasal at kapanganakan ay opisyal na itinatala.​—Mateo 1:1-16.

13. Pagkatapos ng kasal ayon sa kaugalian, ano ang naaangkop na gawin may kaugnayan sa pahayag sa kasal?

13 Ang magkasintahan na legal na pinagtuwang sa gayong kasal ayon sa kaugalian ay nagiging mag-asawa na kapag naganap ang kasal na iyon. Gaya ng binanggit sa itaas, ang mga Kristiyano na dumaan sa gayong legal na pagpapakasal ay maaaring magnais na magkaroon ng pahayag sa kasal, na may kasamang mga panata sa kasal, sa Kingdom Hall. Kung gagawin ito, ipababatid ng tagapagsalita na ang dalawa ay ikinasal na alinsunod sa mga batas ni Cesar. Isang pahayag lamang ang gagawin. Isang kasal lamang ang magaganap, sa kasong ito, ang legal at may-bisang kasal ayon sa kaugalian (sa tribo), at isang pahayag salig sa Bibliya. Kapag magkasunod na ginanap ang dalawang aspektong ito ng kasal, lalong mabuti kung sa iisang araw, napararangalan ang Kristiyanong pag-aasawa sa komunidad.

14. Ano ang maaaring gawin ng isang Kristiyano kung parehong kinikilala sa kanilang lugar ang kasal ayon sa kaugalian at ang kasal sa huwes?

14 Sa ilang lupain kung saan kinikilalang legal ang kasal ayon sa kaugalian, mayroon ding mga probisyon para sa kasal sa huwes. Ang kasal sa huwes ay karaniwan nang ginaganap sa harap ng isang kinatawan ng pamahalaan, at maaaring kasama rito ang panata sa kasal at pagpaparehistro ng kasal. Mas pinipili ng ilang Kristiyanong magkasintahan ang kasal sa huwes kaysa sa kasal ayon sa kaugalian. Hindi naman kailangang parehong gawin ang dalawang ito; bawat pamamaraan ay legal at may bisa. Ang binanggit sa parapo 9 at 10 hinggil sa pahayag at panata sa kasal ay kapit din sa kasal na ito. Ang mahalaga ay na makasal ang magkasintahan sa paraang marangal sa harap ng Diyos at ng tao.​—Lucas 20:25; 1 Pedro 2:13, 14.

Panatilihing Marangal ang Pag-aasawa

15, 16. Paano nagiging mahalagang bahagi ng pag-aasawa ang karangalan?

15 Nang may bumangong suliranin sa pag-aasawa ng isang haring Persiano, ang punong tagapayo na nagngangalang Memucan ay nagbigay ng payo na maaaring magdulot ng kapakinabangan​—‘na lahat ng mga asawang babae ay magbibigay ng karangalan sa kani-kanilang asawa.’ (Esther 1:20) Sa Kristiyanong pag-aasawa, hindi na kailangang ipag-utos pa ito ng sinumang taong hari; nais ng mga asawang babae na parangalan ang kanilang asawa. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyanong asawang lalaki ay nag-uukol ng karangalan sa kanilang kabiyak at pinapupurihan sila. (Kawikaan 31:11, 30; 1 Pedro 3:7) Ang pag-uukol ng karangalan sa ating pag-aasawa ay hindi dapat ipagpaliban hanggang sa makalipas ang maraming taon. Dapat itong ipakita sa simula pa lamang ng pag-aasawa, oo, sa mismong araw ng kasal patuloy.

16 Hindi lamang ang lalaki at babae​—ang asawang lalaki at asawang babae​—​ang dapat magpakita ng karangalan sa araw ng kasal. Kung ang isang elder ay magbibigay ng pahayag sa kasal, iyon ay dapat ding kakitaan ng karangalan. Ang pahayag ay dapat ipatungkol sa magkasintahan. Bilang pagbibigay-parangal sa kanila, hindi magtatampok ang tagapagsalita ng pagpapatawa o mga kasabihan. Hindi niya ito dapat haluan ng mga obserbasyon na masyadong personal na maaaring maging dahilan ng pagkapahiya ng ikinakasal at ng mga dumalo. Sa halip, sisikapin niyang maging magiliw at nakapagpapatibay ang kaniyang pahayag, anupat itinatampok ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa at ang Kaniyang namumukod-tanging payo. Oo, ang marangal na pahayag ng elder sa kasal ay isang paraan upang ang kasal ay magdulot ng karangalan sa Diyos na Jehova.

17. Bakit kailangang isaalang-alang ang legal na aspekto sa mga kasalang Kristiyano?

17 Marahil ay napansin mo sa artikulong ito ang maraming punto hinggil sa legal na mga detalye ng pag-aasawa. Baka ang ilang aspekto ay hindi kapit sa inyong lugar. Subalit dapat na batid nating lahat kung gaano kahalaga sa mga Saksi ni Jehova ang paggalang sa mga batas sa kanilang lugar, sa mga kahilingan ni Cesar pagdating sa mga kaayusan sa pag-aasawa. (Lucas 20:25) Hinihimok tayo ni Pablo: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; . . . sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Roma 13:7) Oo, angkop para sa mga Kristiyano, mula sa mismong araw ng kasal, na parangalan ang kasalukuyang kaayusan ng Diyos.

18. Anong opsyonal na bahagi ng kasalan ang dapat pagtuunan ng pansin, at saan tayo makasusumpong ng impormasyon hinggil dito?

18 Maraming kasalang Kristiyano ang sinusundan ng isang piging, salu-salo, o handaan. Pansinin na minsan ay dumalo si Jesus sa gayong piging. Kung may gayong handaan, paano makatutulong sa atin ang payo ng Bibliya para matiyak na ito rin ay magpaparangal sa Diyos at magdudulot ng mabuting impresyon sa bagong kasal at sa kongregasyong Kristiyano? Ang susunod na artikulo ang tatalakay sa mismong paksang iyan.e

[Mga talababa]

a Ang salitang ginamit sa orihinal na wika ay maaari ding tumukoy sa isang piging na walang kaugnayan sa kasalan.​—Esther 9:22, Septuagint.

b Isang balangkas para sa 30-minutong pahayag sa kasal na pinamagatang “Marangal na Pag-aasawa sa Paningin ng Diyos” ang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Salig ito sa maiinam na payo ng Kasulatan na masusumpungan sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya at iba pang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Makikinabang sa pahayag kapuwa ang ikinakasal at ang lahat ng dumalo sa kasal.

c Malibang iba ang hinihiling ng batas sa inyong lugar, ang sumusunod na panata na nagpaparangal sa Diyos ang ginagamit. Para sa kasintahang lalaki: “Ako si [pangalan ng kasintahang lalaki] ay kumukuha sa iyo [pangalan ng kasintahang babae] upang maging aking pinakasalang asawa, upang ibigin at pakamahalin alinsunod sa batas ng Diyos na nakasaad sa Banal na Kasulatan para sa mga Kristiyanong asawang lalaki, habang tayo ay kapuwa magkasamang nabubuhay sa lupa ayon sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.” Para sa kasintahang babae: “Ako si [pangalan ng kasintahang babae] ay kumukuha sa iyo [pangalan ng kasintahang lalaki] upang maging aking pinakasalang asawa, upang ibigin at pakamahalin at matinding igalang, alinsunod sa batas ng Diyos na nakasaad sa Banal na Kasulatan para sa mga Kristiyanong asawang babae, habang tayo ay kapuwa magkasamang nabubuhay sa lupa ayon sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.”

d Ang Mayo 1, 1962 ng The Watchtower, pahina 287, ay nagbibigay ng mga komento hinggil sa pagsasama nang di-kasal.

e Tingnan din ang artikulong “Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal,” sa pahina 28.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit tayo dapat maging interesado kapuwa sa legal at espirituwal na aspekto ng mga kasalan?

• Kapag ang dalawang Kristiyano ay nagpakasal sa huwes, ano marahil ang pagpasiyahan nilang magkaroon karaka-raka pagkatapos ng kasal?

• Bakit sa Kingdom Hall ginaganap ang mga pahayag sa kasal?

[Larawan sa pahina 18]

Sa sinaunang kasalan sa Israel, dinadala ng kasintahang lalaki ang kasintahang babae sa kaniyang sariling bahay o sa bahay ng kaniyang ama

[Larawan sa pahina 21]

Pagkatapos ng kasal ayon sa kaugalian, maaaring naisin ng mga Kristiyano na magkaroon ng pahayag sa Kingdom Hall

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share