Tanong ng mga Mambabasa
Lahat Ba ng Makahimalang Pagpapagaling ay Mula sa Diyos?
Tiyak na may kapangyarihang magpagaling ang Diyos na Jehova. Tiyak ding kaya niyang bigyan ng gayong kapangyarihan ang kaniyang mga mananamba. Halimbawa, nang panahon ng mga apostol, ang makahimalang pagpapagaling ay isa sa mga pantanging kaloob ng kaniyang banal na espiritu. Isinulat ni apostol Pablo: “Ang paghahayag ng espiritu ay ibinibigay sa bawat isa ukol sa isang kapaki-pakinabang na layunin. Halimbawa, sa isa ay ibinibigay ang pagsasalita ng karunungan sa pamamagitan ng espiritu, . . . sa isa pa ay mga kaloob na pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang espiritung iyon, . . . sa isa pa ay panghuhula, . . . sa isa pa ay iba’t ibang wika.”—1 Corinto 12:4-11.
Pero isinulat din ni Pablo sa liham na iyon sa mga taga-Corinto na ang makahimalang mga kaloob ng banal na espiritu ng Diyos ay magwawakas. Sinabi niya: “Kahit may mga kaloob na panghuhula, ang mga ito ay aalisin; kahit may mga wika man, ang mga ito ay maglalaho; kahit may kaalaman man, ito ay aalisin.”—1 Corinto 13:8.
Noong unang siglo, makahimalang nagpagaling si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga apostol. Noong mga panahong iyon, ang mga kaloob ng espiritu, kasama na ang pagpapagaling, ay para sa kaluwalhatian ng Diyos at tanda ng pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova sa bagong tatag na kongregasyong Kristiyano. Pero nang matatag na ang kongregasyong Kristiyano, ang tanda ng pagsang-ayon ng Diyos ay makikita na sa kanilang di-kumukupas na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, sa halip na sa pamamagitan ng pantanging mga kaloob. (Juan 13:35; 1 Corinto 13:13) Kaya noong mga 100 C.E., huminto na ang makahimalang pagpapagaling bilang tanda ng pagsang-ayon ng Diyos.a
Gayunman, baka itanong mo, ‘Bakit may nababalitaan pa rin akong makahimalang mga pagpapagaling?’ Halimbawa, iniulat ng isang diyaryo ang tungkol sa isang lalaki na diumano’y may kanser. May mga tumor siya sa ulo, sa kaniyang mga bato, at hanggang sa kaniyang mga buto. Parang wala na siyang pag-asa hanggang sa “nakipag-usap” daw sa kaniya ang Diyos. Makalipas ang ilang araw, nawala na ang kanser niya, ang sabi ng ulat.
Kapag nakarinig ka ng ganiyang kuwento, bakit hindi tanungin ang iyong sarili: ‘Totoo kaya iyon? May medikal na mga katibayan ba siya na magpapatunay sa kaniyang sinasabi? At kahit pa nga waring napagaling siya, itinuturo ba ng Bibliya na ang Diyos ang dahilan ng lahat ng makahimalang pagpapagaling?’
Mahalaga ang sagot sa huling tanong na iyan. Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta . . . Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa [mga himala] sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:15, 21-23.
Maliwanag, ang sinasabing makahimalang pagpapagaling ay maaaring may ibang pinagmumulan maliban sa Diyos. Upang hindi tayo malinlang ng mga nagsasabing naghihimala sila sa pangalan ng Diyos, kailangang magkaroon tayo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, gamitin natin ang ating bigay-Diyos na kakayahan sa pangangatuwiran, at makilala natin kung sino ang mga gumagawa ng kaniyang kalooban.—Mateo 7:16-19; Juan 17:3; Roma 12:1, 2.
[Talababa]
a Lumilitaw na nang mamatay ang mga apostol, huminto na ang pagpapasa ng mga kaloob, at naglaho na rin ang makahimalang mga kaloob ng espiritu kasabay ng pagkamatay ng mga tumanggap nito.