Maging Malapít sa Diyos
“Tumitingin Siya sa Kung Ano ang Nasa Puso”
ANG panlabas na anyo ay mapandaya. Hindi nito naipakikita kung ano talaga ang kalooban ng isang tao, ang nilalaman ng kaniyang puso. Ang mga tao ay may tendensiyang humusga depende sa hitsura. Mabuti na lamang, hindi ganiyan ang Diyos na Jehova. Maliwanag na mababasa ito sa 1 Samuel 16:1-12.
Isipin ang eksena. Hihirang si Jehova ng isang bagong hari para sa bansang Israel. Sinabi ng Diyos kay propeta Samuel: “Isusugo kita kay Jesse na Betlehemita, sapagkat naglaan ako mula sa kaniyang mga anak ng isang hari para sa akin.” (Talata 1) Hindi binanggit ni Jehova ang pangalan pero sinabi niyang ang kaniyang pinili ay mula sa mga anak ni Jesse. Habang papunta si Samuel sa Betlehem, malamang na iniisip niya, ‘Paano ko kaya malalaman kung sino sa mga anak ni Jesse ang pinili ni Jehova?’
Pagdating sa Betlehem, nagsaayos si Samuel ng isang kainan ukol sa paghahain para kay Jesse at sa mga anak nito. Nang pumasok ang panganay na si Eliab, napansin agad ni Samuel ang makisig na anyo nito. Inisip ni Samuel na bagay maging hari si Eliab dahil sa tindig nito, at sinabi niya sa kaniyang sarili: “Tiyak na ang kaniyang pinahiran ay nasa harap ni Jehova.”—Talata 6.
Pero iba ang pangmalas ni Jehova. Sinabi niya kay Samuel: “Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat itinakwil ko siya.” (Talata 7) Hindi humanga si Jehova sa taas at kisig ni Eliab. Higit pa sa panlabas na anyo ang nakikita ni Jehova, nakikita niya kung ano talaga ang nasa puso ng isang tao.
Sinabi pa ni Jehova kay Samuel: “Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (Talata 7) Oo, mahalaga kay Jehova ang puso—ang panloob na pagkatao kung saan nagmumula ang kaisipan, saloobin, at damdamin ng isang tao. Itinakwil ng “tagasuri ng mga puso” si Eliab—gayundin ang anim pang anak ni Jesse na humarap kay Samuel.—Kawikaan 17:3.
May isa pang anak si Jesse, ang bunsong si David na ‘nagpapastol ng mga tupa.’ (Talata 11) Kaya ipinatawag si David mula sa bukid at humarap kay Samuel. Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Samuel: “Tumindig ka, pahiran mo siya, sapagkat siya na nga!” (Talata 12) Sabihin pa, si David ay “isang kabataang lalaki na may magagandang mata at makisig ang anyo.” Pero ang kaniyang puso ang talagang naging kaayaaya sa paningin ng Diyos.—1 Samuel 13:14.
Sa daigdig na ito na labis na nagpapahalaga sa panlabas na kagandahan, nakaaaliw malaman na ang Diyos na Jehova ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo. Hindi mahalaga sa kaniya kung ikaw ay matangkad o kung ang tingin sa iyo ng iba ay maganda o guwapo. Ang mahalaga kay Jehova ay ang iyong pagkatao, kung ano ang nasa iyong puso. Hindi ka ba napakikilos nito na linangin ang mga katangiang tutulong sa iyo na maging maganda sa paningin ng Diyos?