Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w10 8/1 p. 18-21
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Kaparehong Materyal
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
w10 8/1 p. 18-21

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

PAANO naihinto ng isang nagsosolong ina sa Russia ang kaniyang pagiging adik sa droga at naayos ang relasyon niya sa kaniyang mga anak? Paano nagkaroon ng lakas ng loob ang isang palaboy sa Kyoto, Japan, para mapagtagumpayan ang mga kahinaan niya na naging dahilan ng kaniyang kahirapan? Ano ang nakatulong sa isang manginginom na cowboy sa Australia na ihinto ang kaniyang bisyo? Narito ang kanilang kuwento.

“Nakita Ko na May Obligasyon Akong Suportahan ang Aking Sarili.”​—NELLY BAYMATOVA

EDAD: 45

BANSANG PINAGMULAN: RUSSIA

DATING ADIK SA DROGA

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Vladikavkaz, ang kabisera ng Republika ng Hilagang Ossetia (Alania ngayon). Maykaya kami, pero hindi ako naging masaya. Sa edad na 34, dalawang beses na akong naging separada. Sampung taon akong adik, at dalawang beses na na-rehab. Nagkaanak ako ng dalawa pero wala akong pakialam sa kanila at hindi rin maganda ang relasyon ko sa aking mga kaibigan at kapamilya.

Naging Saksi ni Jehova si Nanay, at madalas ko siyang naririnig na umiiyak at nananalangin kay Jehova na tulungan ako. Naisip ko: ‘Si Nanay talaga, walang kamuwang-muwang! Paano naman ako matutulungan ni Jehova?’ Sinubukan ko namang ihinto ang aking bisyo. Pero hindi ko ito kayang mag-isa. Minsan, dalawang araw akong hindi gumamit ng droga. Hindi ako mapakali at bigla kong naisip na kailangan kong lumabas ng bahay, kaya tumalon ako sa bintana. Pero nasa ikalawang palapag pala ako. Nabalian ako ng braso at binti at napinsala ang likod ko. Mahigit isang buwan akong naratay sa higaan.

Habang nagpapagaling, inalagaan ako ni Nanay at wala akong narinig na salita sa kaniya. Alam niyang hindi ko makontrol ang aking emosyon at hindi matino ang pag-iisip ko. Pero nag-iwan siya sa tabi ko ng ilang magasing Gumising!a Isa-isa ko itong binasa. Nasiyahan ako at maraming natutuhan dito. Kaya nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Natutuhan ko sa Bibliya na maging responsable. Imbes na umasa kay Nanay, nakita ko na may obligasyon akong suportahan ang aking sarili at ang mga anak ko. Pagkatapos ng mahabang panahon na puro sarili lang ang iniisip ko, mahirap para sa akin na magtrabaho nang regular.

Natulungan din ako ng payo sa Deuteronomio 6:5-7 na dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos. Nalaman kong mananagot ako sa Diyos sa paraan ng pagpapalaki ko sa dalawa kong anak. Iyan ang nag-udyok sa akin na bigyan ng panahon ang aking mga anak at mahalin sila.

Abut-abot ang pasasalamat ko kay Jehova dahil hinayaan niyang makilala ko siya. Kaya inialay ko sa kaniya ang aking buhay at naging isang bautisadong Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Dahil natutuhan kong kontrolin ang aking galit, naging maayos ang relasyon namin ni Nanay. Bumuti rin ang ugnayan namin ng mga anak ko.

Dahil tinalikuran ko ang mga bagay na ayaw ng Diyos, nabawasan ang mga problema ko na resulta ng dati kong pamumuhay. Masayang-masaya ako ngayon sa pagtulong sa iba na malaman ang katotohanan tungkol sa ating maibiging Diyos na Jehova.

“Nadama Kong Talagang Nailigtas ang Buhay Ko.”​—MINORU TAKEDA

EDAD: 54

BANSANG PINAGMULAN: JAPAN

DATING PALABOY

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa lunsod ng Yamaguchi kasama sina Tatay at Lola. Hindi ko na nakilala ang nanay ko. Noong 19 anyos ako, namatay si Lola at naiwan ako kay Tatay. Pareho kaming kusinero ni Tatay. Pero magkaiba ang oras ng trabaho namin kaya halos hindi kami nagkikita. Wala akong inatupag kundi magtrabaho at makipag-inuman sa mga kabarkada ko.

Di-nagtagal, nagsawa na ako sa trabaho. Inaway ko ang amo ko at lalo akong nalulong sa alak. Nang halos 30 anyos na ako, umalis ako sa amin at nagpunta kung saan-saan. Nang mawalan na ako ng pera, nagtrabaho ako sa pasugalan. Doon ko nakilala ang asawa ko, pero naghiwalay rin kami pagkalipas lang ng dalawa at kalahating taon.

Nadepres ako at nabaon sa utang. Tinakbuhan ko ang mga pinagkakautangan ko at nakitira muna kay Tatay. Pero hindi ko sinabi sa kaniya ang totoo kaya nagkagalit kami. Lumayas ako tangay ang pera ni Tatay, at naging isang sugarol. Nang maglaon, naghirap ako at may panahong tumira sa istasyon ng tren. Lumipat ako sa Hakata, pagkatapos ay sa Himeji, at nang bandang huli, sa lunsod ng Kyoto. Ilang taon din akong naging palaboy.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 1999, habang nasa isang parke ako malapit sa Ilog Kamogawa sa Kyoto, nilapitan ako ng dalawang babae. Tinanong ako ng isa sa kanila, “Gusto mo bang mag-aral ng Bibliya?” Pumayag ako. Matatagal nang Kristiyanong Saksi ni Jehova sa lugar na iyon ang nagturo sa akin. Tinulungan nila akong makita ang kahalagahan ng pagsunod sa mga simulain sa Bibliya. Iminungkahi nilang humanap ako ng trabaho at ng matitirhan. Para pagbigyan sila, nag-aplay-aplay ako, pero hindi ko ito masyadong sineryoso. Ngunit nang bandang huli, ipinanalangin ko na ito at nagsikap ako nang husto. Sa wakas, nagkatrabaho rin ako.

Natulungan din ako ng panalangin na malampasan ang isang mabigat na pagsubok. Natunton ako ng mga pinagkakautangan ko at sinisingil na ako. Problemadung-problemado ako. Sa pagbabasa ko ng Bibliya araw-araw, nadaanan ko ang Isaias 41:10. Ipinangangako roon ng Diyos sa kaniyang tapat na mga lingkod: “Talagang tutulungan kita.” Pinalakas nito ang loob ko. Nagsikap ako at nabayaran ang lahat ng utang ko. Noong 2000, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Dahil sa mga natutuhan ko sa Bibliya, nakipag-ayos ako kay Tatay at pinatawad naman niya ako. Tuwang-tuwa siya na natuto akong mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Nadama kong talagang nailigtas ang buhay ko dahil sa pagsunod ko sa mga simulain sa Bibliya.

May trabaho na rin ako at nasusuportahan ko na ang aking sarili. (Efeso 4:28; 2 Tesalonica 3:12) Nagkaroon din ako ng tunay na mga kaibigan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Marcos 10:29, 30) Taos-puso akong nagpapasalamat sa mga itinuro sa akin ni Jehova.

“Hindi Naging Madali sa Akin ang Magbago.”​—DAVID HUDSON

EDAD: 72

BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA

DATING MANGINGINOM

ANG AKING NAKARAAN: Ako ang pang-11 anak ng aking mga magulang na sina Willie at Lucy. Nakatira kami sa Aurukun, isang pamayanan ng mga Aborigine sa dulong hilaga ng Queensland. Matatagpuan ang Aurukun sa pampang ng magandang Ilog Archer, malapit sa dagat. Tinuruan kami ng aming mga magulang na mangaso at mangisda para mabuhay. Nang panahong iyon, kaming mga Aborigine ay pinagbabawalan ng gobyerno na humawak ng pera at tumira sa mga lugar na hindi naman itinalaga para sa kanila.

Sinikap ng mga magulang ko na palakihin ako nang tama at tinuruan nila kaming magkakapatid na maging bukas-palad at igalang ang mga may-edad sa pamayanan. Kaya itinuring naming mga ama, ina, tiyo, at tiya ang lahat ng may-edad.

Noong pitong taóng gulang ako, namatay si Tatay at lumipat kami sa isa pang pamayanan ng mga Aborigine. Naroon iyon sa Mapoon, na mga 150 kilometro sa hilaga ng Aurukun. Nang 12 anyos na ako, natuto akong mag-alaga ng mga kabayo at baka, at nagtrabaho ako bilang cowboy sa mga rantso hanggang noong halos 50 anyos na ako. Mahirap ang buhay ng cowboy. Madalas at malakas akong uminom. Dahil diyan, nagkaroon ako ng maraming problema.

Noong minsang nakipag-inuman ako, susuray-suray akong lumabas ng hotel at nabundol ng isang humaharurot na kotse. Dalawang taon akong nagpagaling at nagpa-physiotherapy​—tapós na ang mga araw ko bilang cowboy.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Habang nagpapagaling, dinalhan ako ng isang kaibigan kong babae ng mga magasing Bantayan at Gumising! Pero dahil hindi ako gaanong nakapag-aral, hindi ako masyadong makabasa. Isang araw, may dumalaw sa aking isang 83-anyos na lalaki. Napakainit sa labas kaya pinapasok ko siya at inalok ng malamig na tubig. Binigyan niya ako ng ilang literatura sa Bibliya at tinanong kung puwede siyang bumalik para ipaliwanag ito. Di-nagtagal, regular na kaming nag-aaral ng Bibliya. Nakita ko na kailangan kong baguhin ang aking personalidad at pamumuhay para palugdan ang Diyos.

Hindi naging madali sa akin ang magbago. Pero dahil sa itinuro ng aking ina, iginalang ko ang may-edad na lalaking nagturo sa akin ng Bibliya at pinahalagahan ang kaalamang ibinahagi niya mula rito. Kaya lang, parang ayaw ko pa ring ialay ang aking buhay sa Diyos. Iniisip ko kasi na kaunti pa lang ang alam ko sa Bibliya.

Tinulungan ako ng isang katrabaho na maitama ang iniisip ko. Isa siyang Saksi ni Jehova, at itinuro niya sa akin ang Colosas 1:9, 10. Sinasabi roon na kailangan nating patuloy na ‘lumago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.’ Sa tulong ng katrabaho ko, nakumbinsi ako na lagi akong may matututuhang bagong mga bagay, kaya hindi talaga dahilan ang kaunti kong kaalaman para hindi ako mag-alay sa Diyos.

Humanga ako sa mga Saksi ni Jehova nang makasama ko sila. Nakita ko mismo ang mga taong iba’t iba ang pinagmulan at katayuan sa buhay na nagkakaisa sa pagsamba sa Diyos. Iyan ang nakakumbinsi sa akin na natagpuan ko na ang tunay na relihiyon. Kaya noong 1985, nagpabautismo ako bilang isang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Mas mahusay na akong bumasa, at linggu-linggo, gumugugol ako ng maraming oras sa pagtulong sa iba na matutong bumasa at mag-aral ng Bibliya. Bukod diyan, ang kaibigan kong babae na unang nagdala sa akin ng mga magasing Bantayan at Gumising! ay nakipag-aral din sa mga Saksi, nabautismuhan, at naging aking maibiging asawa. Masayang-masaya kami sa pagtulong sa iba pa sa pamayanan ng mga Aborigine na matuto tungkol sa Diyos na Jehova.

[Talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 21]

Masayang-masaya kaming mag-asawa sa pagtulong sa iba pa sa pamayanan ng mga Aborigine na matuto tungkol sa Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share