Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w11 1/1 p. 9-11
  • Ang Kahalagahan sa Iyo ng Eden

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahalagahan sa Iyo ng Eden
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Talaga Bang May Hardin ng Eden?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Makatuwiran ang Pag-asa sa Paraiso Bagaman Sumuway ang Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Nawalang Paraiso
    Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
  • Ano ang Layunin ng Diyos sa Lupa?
    Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
w11 1/1 p. 9-11

Ang Kahalagahan sa Iyo ng Eden

IGINIGIIT ng ilang iskolar na hindi sinusuportahan ng iba pang bahagi ng Bibliya ang ulat tungkol sa Eden. Halimbawa, ganito ang isinulat ni Paul Morris, propesor sa pag-aaral hinggil sa relihiyon: “Hindi na muling tuwirang binanggit sa Bibliya ang tungkol sa Eden.” Ang kaniyang opinyon ay maaari ngang sang-ayunan ng diumano’y mga eksperto, pero salungat ito sa katotohanan.

Sa katunayan, madalas banggitin sa Bibliya ang tungkol sa hardin ng Eden, kina Adan at Eva, at sa serpiyente.a Pero ang pagkakamaling ito ng ilang iskolar ay napakaliit kumpara sa nagawa ng mga lider ng relihiyon at mga kritiko sa Bibliya. Nang palabasin nilang di-mapananaligan ang ulat ng Genesis tungkol sa hardin ng Eden, para na rin nilang pinalabas na hindi mapananaligan ang buong Bibliya. Paano?

Napakahalagang maunawaan ang nangyari sa Eden para maunawaan ang iba pang bahagi ng Bibliya. Halimbawa, ang Salita ng Diyos ay dinisenyo para tulungan tayong mahanap ang sagot sa pinakamahahalagang tanong ng tao. Ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na iyon ay madalas na nauugnay sa nangyari sa hardin ng Eden. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

● Bakit tayo tumatanda at namamatay? Sina Adan at Eva ay mabubuhay sana magpakailanman kung patuloy silang magiging masunurin kay Jehova. Mamamatay lamang sila kung maghihimagsik sila. Nang maghimagsik sila, nagsimula na silang tumanda at mamatay. (Genesis 2:16, 17; 3:19) Naiwala nila ang kasakdalan at ang tanging naipamana nila sa kanilang mga anak ay kasalanan at di-kasakdalan. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

● Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang labis na kasamaan? Sa hardin ng Eden, tinawag ni Satanas ang Diyos na isang sinungaling na nagkakait ng mabubuting bagay sa kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:3-5) Sa gayon, kinuwestiyon niya ang pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Pinili nina Adan at Eva na sumunod kay Satanas; kaya tinanggihan din nila ang pamamahala ni Jehova at para na rin nilang sinabi na nasa tao na ang pagpapasiya kung ano ang mabuti at masama. Dahil sa kaniyang sakdal na katarungan at karunungan, alam ni Jehova na isa lamang ang paraan upang masagot ang hamon​—palipasin ang panahon upang ang mga tao ay magkaroon ng pagkakataong pamahalaan ang sarili sa paraang gusto nila. Ang resultang labis na kasamaan, dahil na rin sa impluwensiya ni Satanas, ay unti-unting nagsiwalat ng katotohanang ito: Hindi kayang pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili nang wala ang Diyos.​—Jeremias 10:23.

● Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa? Inatasan ni Jehova sina Adan at Eva na punuin ang lupa ng kanilang mga anak at “supilin iyon,” upang ang buong lupa ay maging kasingganda ng hardin ng Eden. (Genesis 1:28) Kaya layunin ng Diyos na ang lupa ay maging paraiso na tinatahanan ng sakdal at nagkakaisang pamilya ng mga anak nina Adan at Eva. Sinasabi ng maraming teksto sa Bibliya kung paano tutuparin ng Diyos ang orihinal na layuning iyan.

● Bakit pumarito si Jesu-Kristo sa lupa? Ang paghihimagsik sa hardin ng Eden ay nagbunga ng kamatayan kina Adan at Eva at sa lahat ng kanilang anak, ngunit maibiging naglaan ang Diyos ng pag-asa. Isinugo niya ang kaniyang Anak sa lupa bilang pantubos. (Mateo 20:28) Ano ang ibig sabihin niyan? Si Jesus “ang huling Adan”; nagtagumpay siya kung saan nabigo si Adan. Naingatan ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao sa pananatiling masunurin kay Jehova. Pagkatapos, kusa niyang ibinigay ang kaniyang buhay bilang isang handog, o pantubos, na nagsilbing daan para ang lahat ng taong tapat ay mapatawad sa kanilang mga kasalanan at sa dakong huli ay magtamo ng buhay na tinamasa nina Adan at Eva sa Eden bago sila nagkasala. (1 Corinto 15:22, 45; Juan 3:16) Kaya ginarantiyahan ni Jesus na matutupad ang layunin ni Jehova na gawing paraisong gaya ng Eden ang lupang ito.b

Ang layunin ng Diyos ay hindi malabo, ni isang relihiyosong turo na walang malinaw na basehan. Totoo ito. Kung paanong ang hardin ng Eden ay totoong lugar dito sa lupa, na may tunay na mga hayop at tao, ang pangako ng Diyos sa hinaharap ay tiyak​—at malapit na itong matupad. Ito kaya ang magiging kinabukasan mo? Depende iyan sa iyo. Iyan ang kinabukasan na gusto ng Diyos para sa mga tao, pati na sa mga taong naligaw ng landas.​—1 Timoteo 2:3, 4.

Habang naghihingalo si Jesus, kinausap niya ang isang makasalanang lalaki. Ang lalaking ito ay isang kriminal; alam niya na karapat-dapat siyang mamatay. Pero bumaling siya kay Jesus para sa kaaliwan at pag-asa. Ano ang naging tugon ni Jesus? “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Kung gusto ni Jesus na makita roon ang dating kriminal na iyon​—na binuhay-muli at binigyan ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong gaya ng Eden​—hindi kaya ganiyan din ang gusto niya para sa iyo? Siyempre! At gusto rin iyan ng kaniyang Ama! Kung gusto mo rin ang kinabukasang iyan, gawin ang lahat ng magagawa mo para matuto tungkol sa Diyos na gumawa ng hardin ng Eden.

[Mga talababa]

a Halimbawa, tingnan ang Genesis 13:10; Deuteronomio 32:8; 2 Samuel 7:14; 1 Cronica 1:1; Isaias 51:3; Ezekiel 28:13; 31:8, 9; Lucas 3:38; Roma 5:12-14; 1 Corinto 15:22, 45; 2 Corinto 11:3; 1 Timoteo 2:13, 14; Judas 14; at Apocalipsis 12:9.

b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa haing pantubos ni Kristo, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 10]

ISANG HULA NA NAG-UUGNAY SA BUONG BIBLIYA

“Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo [ang serpiyente] at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”​—Genesis 3:15.

Iyan ang unang hula sa Bibliya na binigkas ng Diyos sa Eden. Kanino tumutukoy ang apat na tauhan: ang babae, ang kaniyang binhi, ang serpiyente, at ang binhi nito? Paano nagkaroon ng “alitan” sa pagitan ng mga ito?

ANG SERPIYENTE

Si Satanas na Diyablo.​—Apocalipsis 12:9.

ANG BABAE

Ang organisasyon ni Jehova sa langit. (Galacia 4:26, 27) Inihula ni Isaias na ang “babae” ay magsisilang ng isang espirituwal na bansa.​—Isaias 54:1; 66:8.

ANG BINHI NG SERPIYENTE

Ang lahat ng sumusunod kay Satanas.​—Juan 8:44.

ANG BINHI NG BABAE

Pangunahin na, si Jesu-Kristo, na mula sa organisasyon ni Jehova sa langit. Kabilang din sa “binhi” ang espirituwal na mga kapatid ni Kristo na naghaharing kasama niya sa langit. Ang mga Kristiyanong ito na pinahiran ng banal na espiritu ang bumubuo sa espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.”​—Galacia 3:16, 29; 6:16; Genesis 22:18.

ANG SUGAT SA SAKONG

Isang masakit na pagsugat sa Mesiyas ngunit hindi permanente ang mga epekto. Naipapatay ni Satanas si Jesus sa lupa. Pero si Jesus ay binuhay-muli.

ANG SUGAT SA ULO

Ang lubusang pagdurog kay Satanas. Pupuksain ni Jesus si Satanas. Pero bago iyan, papawiin ni Jesus ang kasamaang sinimulan ni Satanas sa Eden.​—1 Juan 3:8; Apocalipsis 20:10.

Para sa maikling sumaryo ng pangunahing tema ng Bibliya, tingnan ang brosyur na Ang Bibliya​—Ano ang Mensahe Nito? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 11]

Pinagdusahan nina Adan at Eva ang kapaha-pahamak na mga epekto ng kanilang kasalanan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share