Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w12 1/15 p. 21-25
  • Maghandog kay Jehova ng Buong-Kaluluwang mga Hain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maghandog kay Jehova ng Buong-Kaluluwang mga Hain
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SA PANG-ARAW-ARAW NA BUHAY
  • KUNG PAANO NAAAPEKTUHAN ANG IYONG BUHAY
  • MGA HAIN SA PAGSAMBA
  • PAGBIBIGAY AT PAGTANGGAP
  • IPAKITA ANG IYONG PAGPAPAHALAGA
  • Matuto Mula sa ‘Balangkas ng Katotohanan’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Mga Hain ng Papuri na Nakalulugod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Paghahandog ng mga Haing Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Magsasakripisyo Ka ba Para sa Kaharian?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
w12 1/15 p. 21-25

Maghandog kay Jehova ng Buong-Kaluluwang mga Hain

“Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova.”​—COL. 3:23.

TINGNAN KUNG MASASAGOT MO:

  • Paano natin mapararangalan si Jehova sa ating pang-araw-araw na mga gawain?

  • Anong mga hain ang inihahandog natin sa pagsamba sa Diyos?

  • Paano natin maihahandog kay Jehova ang ating materyal na mga bagay?

1-3. (a) Yamang ibinigay na ni Jesus ang kaniyang buhay bilang hain, nangangahulugan ba ito na hindi na kahilingan ni Jehova na maghandog tayo ng anumang hain? Ipaliwanag. (b) Anong tanong hinggil sa ating mga hain ang tatalakayin natin?

NOONG unang siglo C.E., isiniwalat ni Jehova sa kaniyang bayan na pinawalang-bisa na ng haing pantubos ni Jesus ang Kautusang Mosaiko. (Col. 2:13, 14) Ang lahat ng hain na inihahandog ng mga Judio sa loob ng daan-daang taon ay hindi na kailangan at wala nang halaga. Natupad na ng Kautusan ang papel nito bilang “tagapagturo . . . na umaakay tungo kay Kristo.”​—Gal. 3:24.

2 Hindi ito nangangahulugan na wala nang interes sa paghahandog ang mga Kristiyano. Sa katunayan, sinabi ni apostol Pedro na kailangan nating “maghandog ng espirituwal na mga haing kaayaaya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1 Ped. 2:5) Bukod diyan, nilinaw ni apostol Pablo na ang bawat aspekto ng buhay ng isang nakaalay na Kristiyano ay gaya ng ‘isang hain’ para sa Diyos.​—Roma 12:1.

3 Naghahain tayo kay Jehova sa pamamagitan ng paghahandog sa Kaniya ng ilang bagay o kaya naman ay pagsasakripisyo ng ilang bagay para sa Kaniya. Batay sa natutuhan natin sa mga haing inihandog ng mga Israelita, paano natin matitiyak na katanggap-tanggap kay Jehova ang ating mga hain?

SA PANG-ARAW-ARAW NA BUHAY

4. Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa pang-araw-araw na mga gawain natin?

4 Baka nagtataka tayo kung paano magsisilbing hain para kay Jehova ang pang-araw-araw na mga gawain natin. Parang wala namang kaugnayan sa espirituwal na mga bagay ang mga gawain sa bahay, sekular na trabaho, pamimili, at iba pang tulad nito. Pero kung inialay mo na ang iyong buhay kay Jehova o may plano kang gawin ito sa hinaharap, mahalagang tandaan na ang mga gawaing ito ay makaaapekto sa iyong kaugnayan sa Diyos. Mga Kristiyano tayo 24 oras sa isang araw, at kailangan nating ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Kaya hinimok tayo ni Pablo: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.”​—Basahin ang Colosas 3:18-24.

5, 6. Ano ang dapat nating isaalang-alang pagdating sa ating pananamit at paggawi sa araw-araw?

5 Hindi bahagi ng sagradong paglilingkod ng isang Kristiyano ang kaniyang pang-araw-araw na gawain. Pero yamang hinimok tayo ni Pablo na gumawa nang “buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova,” makabubuting pag-isipan natin kung paano tayo namumuhay sa araw-araw. Tanungin ang ating sarili: Ang atin bang pananamit at paggawi ay laging angkop para sa isang Kristiyano? O nahihiya tayong magpakilalang Saksi ni Jehova dahil sa ating pagkilos at pananamit? Huwag sanang magkagayon! Ayaw nating gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng upasala sa pangalan ng Diyos.​—Isa. 43:10; 2 Cor. 6:3, 4, 9.

6 Suriin natin kung paano nakaaapekto sa iba’t ibang pitak ng ating buhay ang pagnanais nating gumawa nang “buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova.” Habang tinatalakay natin ito, tandaan natin na ang lahat ng haing inihahandog noon ng mga Israelita kay Jehova ay kailangang ang pinakamainam nila.​—Ex. 23:19.

KUNG PAANO NAAAPEKTUHAN ANG IYONG BUHAY

7. Ano ang nasasangkot sa Kristiyanong pag-aalay?

7 Hindi ka nag-atubiling ialay ang iyong sarili kay Jehova. Sa diwa, nangako kang uunahin mo si Jehova sa bawat aspekto ng iyong buhay. (Basahin ang Hebreo 10:7.) Tama ang desisyon mo. Napatunayan mong maganda ang resulta kapag inaalam mo ang kalooban ni Jehova sa isang bagay at kumikilos ka ayon dito. (Isa. 48:17, 18) Banal at maligaya ang bayan ng Diyos dahil tinutularan nila ang mga katangian ng Isa na nagtuturo sa kanila.​—Lev. 11:44; 1 Tim. 1:11.

8. Bakit mahalagang tandaan natin na banal sa pangmalas ni Jehova ang mga haing inihandog ng mga Israelita?

8 Sa pangmalas ni Jehova, banal ang mga haing inihandog ng mga Israelita. (Lev. 6:25; 7:1) Ang terminong Hebreo na isinaling “kabanalan” ay nangangahulugang hiwalay, bukod-tangi, o pinabanal sa Diyos. Para maging katanggap-tanggap kay Jehova ang ating mga hain, kailangang hiwalay ito sa sanlibutan at walang bahid ng impluwensiya nito. Hindi natin puwedeng ibigin ang anumang bagay na kinapopootan ni Jehova. (Basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Ibig sabihin, iniiwasan natin ang sinuman o anuman na makapagpaparumi sa atin sa paningin ng Diyos. (Isa. 2:4; Apoc. 18:4) Nangangahulugan din ito na hindi tayo titingin sa mga bagay na imoral o magpapantasya ng gayong mga bagay.​—Col. 3:5, 6.

9. Gaano kahalaga ang paraan ng pakikitungo natin sa iba?

9 Pinayuhan ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Heb. 13:16) Kaya kung lagi tayong gumagawa ng mabuti at tumutulong sa iba, ituturing ito ni Jehova bilang katanggap-tanggap na hain. Ang pag-ibig at pagmamalasakit sa iba ay isang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano.​—Juan 13:34, 35; Col. 1:10.

MGA HAIN SA PAGSAMBA

10, 11. Ano ang pangmalas ni Jehova sa ating ministeryo at pagsamba, at paano ito dapat makaapekto sa atin?

10 Ang isang paraan ng paggawa ng mabuti sa iba ay ang “pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa.” Sinasamantala mo ba ang bawat pagkakataong magpatotoo? Ang mahalagang gawaing ito ng mga Kristiyano ay tinawag ni Pablo na “hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa . . . pangalan [ng Diyos].” (Heb. 10:23; 13:15; Os. 14:2) Makabubuting pag-isipan natin ang dami at kalidad ng panahong ginagamit natin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Tinutulungan tayo ng mga bahagi sa Pulong sa Paglilingkod na magawa ito. Pero ito ang dapat nating tandaan: Ang ating paglilingkod sa larangan at di-pormal na pagpapatotoo ay “hain ng papuri,” isang bahagi ng ating pagsamba, kaya dapat na ito ang pinakamainam na maibibigay natin. Iba-iba ang kalagayan sa buhay ng bawat isa. Pero karaniwan na, makikita sa dami ng panahong ginugugol natin sa paghahayag ng mabuting balita ang ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.

11 Regular nating sinasamba si Jehova sa bahay man o sa kongregasyon. Kahilingan ito ni Jehova. Totoo, hindi na tayo kailangang mangilin ng Sabbath o pumunta sa mga kapistahan sa Jerusalem, pero may matututuhan tayo sa mga kahilingang iyan. Inaasahan ng Diyos na iwawaksi natin ang patay na mga gawa at maglalaan tayo ng panahon sa pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pagdalo sa mga pulong. At ang mga ulo ng pamilyang Kristiyano ay kailangang manguna sa kanilang pampamilyang pagsamba. (1 Tes. 5:17; Heb. 10:24, 25) Kaya makabubuting itanong natin, ‘Mapasusulong ko ba ang kalidad ng aking pagsamba?’

12. (a) Sa ano maihahalintulad ang paghahandog ng insenso ng sinaunang Israel? (b) Paano magiging gaya ng insenso ang ating mga panalangin?

12 Umawit si Haring David kay Jehova: “Maihanda nawa ang aking panalangin sa harap mo na gaya ng insenso.” (Awit 141:2) Makabubuting pag-isipan natin ang kalidad at dalas ng ating mga panalangin. Sa aklat ng Apocalipsis, inihalintulad sa insenso ang “mga panalangin ng mga banal” dahil ang katanggap-tanggap na mga panalangin ay pumapailanlang kay Jehova gaya ng mabangong amoy. (Apoc. 5:8) Sa sinaunang Israel, ang insenso na regular na inihahandog sa altar ni Jehova ay kailangang maingat na ihanda ayon sa espesipikong timpla nito. Katanggap-tanggap lang ito kay Jehova kung ihahandog ayon sa kaniyang mga tagubilin. (Ex. 30:34-37; Lev. 10:1, 2) Sa katulad na paraan, kung mananalangin tayo kay Jehova sa paraang itinagubilin niya, makatitiyak tayong tatanggapin niya ang ating mga panalangin.

PAGBIBIGAY AT PAGTANGGAP

13, 14. (a) Ano ang ginawa ni Epafrodito at ng kongregasyon ng Filipos para kay Pablo, at ano ang nadama rito ng apostol? (b) Paano natin matutularan si Epafrodito at ang mga taga-Filipos?

13 Ang ating pinansiyal na abuloy sa pambuong-daigdig na gawain ay isang hain, malaki man ito o maliit. (Mar. 12:41-44) Noong unang siglo C.E., isinugo ng kongregasyon ng Filipos si Epafrodito para asikasuhin ang mga pangangailangan ni Pablo sa Roma. Maliwanag na may dalang kaloob na salapi si Epafrodito mula sa kongregasyon. Bago pa nito, naging bukas-palad na ang mga taga-Filipos kay Pablo. Ipinadala nila ang kaloob na ito para maituon ni Pablo ang kaniyang pansin sa ministeryo at huwag nang mag-alala sa pinansiyal. Paano itinuring ni Pablo ang kaloob na ito? Tinawag niya itong “isang mabangong amoy, isang kaayaayang hain, na lubhang kalugud-lugod sa Diyos.” (Basahin ang Filipos 4:15-19.) Talagang pinahalagahan ni Pablo, pati na ni Jehova, ang kabaitan ng mga taga-Filipos.

14 Sa ngayon, lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga kontribusyon sa pambuong-daigdig na gawain. Nangangako rin siya na kung uunahin natin ang Kaharian, ilalaan niya ang lahat ng ating pangangailangan sa espirituwal at pisikal.​—Mat. 6:33; Luc. 6:38.

IPAKITA ANG IYONG PAGPAPAHALAGA

15. Ano ang ilang bagay na ipinagpapasalamat mo kay Jehova?

15 Napakarami nating dahilan para pasalamatan si Jehova. Hindi ba dapat natin siyang pasalamatan araw-araw sa kaloob na buhay? Ibinibigay niya ang lahat ng kailangan natin para mabuhay​—pagkain, pananamit, at tirahan, pati na ang hanging nilalanghap natin. Nagpapasalamat din tayo sa tumpak na kaalaman na saligan ng ating pananampalataya at pag-asa sa hinaharap. Angkop lang na sambahin natin si Jehova at maghandog ng mga hain ng papuri dahil siya ang Maylalang at tagapaglaan ng ating mga pangangailangan.​—Basahin ang Apocalipsis 4:11.

16. Paano natin maipakikita ang pasasalamat sa haing pantubos ni Kristo?

16 Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang haing pantubos ni Kristo ay isang napakahalagang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ipinakikita nito kung gaano kalaki ang pag-ibig ng Diyos sa atin. (1 Juan 4:10) Paano natin maipakikita ang pasasalamat natin sa pantubos? Sinabi ni Pablo: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa [atin], sapagkat ito ang aming inihahatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; . . . at namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Cor. 5:14, 15) Sa diwa, sinasabi ni Pablo na kung pinahahalagahan natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, gagamitin natin ang ating buhay para maparangalan si Jehova at ang Kaniyang Anak. Maipakikita natin ang pag-ibig at pasasalamat sa Diyos at kay Kristo sa pamamagitan ng pagkamasunurin, pangangaral, at paggawa ng mga alagad.​—1 Tim. 2:3, 4; 1 Juan 5:3.

17, 18. Paano pinasulong ng ilan ang kanilang hain ng papuri kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.

17 Mapasusulong mo ba ang iyong hain ng papuri sa Diyos? Matapos bulay-bulayin ang lahat ng kabutihan ni Jehova, marami ang napakilos na gumawa ng mga pagbabago para makibahagi nang higit sa pangangaral at iba pang teokratikong gawain. Ang ilan ay nakapag-o-auxiliary pioneer nang isa o ilang buwan bawat taon, samantalang ang iba ay naglilingkod bilang regular pioneer. Ang iba ay tumutulong sa mga proyekto sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa pagsamba kay Jehova. Hindi ba mahuhusay na paraan ang mga ito para ipakita ang pasasalamat? Kung ginagawa nang may tamang motibo​—para maipakita ang pasasalamat at pagpapahalaga​—ang mga sagradong paglilingkod na ito ay katanggap-tanggap sa Diyos.

18 Maraming Kristiyano ang napakikilos na tumanaw ng malaking utang na loob kay Jehova. Isa na rito si Morena. Pinalaki siyang Katoliko pero napakarami niyang tanong tungkol sa Diyos at sa kahulugan ng buhay. Hinanap niya ang mga sagot sa Katolisismo at sa pilosopiyang Asiano. Pero nasagot lang ang mga tanong niya nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nagpapasalamat si Morena na nasumpungan niya ang tunay na kaligayahan dahil sa Bibliya, kaya naman gusto niyang gamitin ang buong lakas niya sa paglilingkod kay Jehova. Matapos siyang mabautismuhan, tuluy-tuloy siyang nag-auxiliary pioneer. Nang ipahintulot ng kaniyang kalagayan, nag-regular pioneer siya. Pagkalipas ng 30 taon, naglilingkod pa rin nang buong panahon si Morena.

19. Paano mo mapasusulong ang iyong mga hain kay Jehova?

19 Marami sa mga tapat na lingkod ni Jehova ang wala sa kalagayang magpayunir. Pero lahat tayo ay makapaghahandog ng katanggap-tanggap na espirituwal na mga hain habang naglilingkod kay Jehova. Sa ating paggawi, maingat nating sundin ang mga simulain ng Bibliya at tandaang kumakatawan tayo kay Jehova sa lahat ng panahon. Magpakita tayo ng pananampalataya at lubos na magtiwala sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. Managana tayo sa maiinam na gawa at tumulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Udyok ng taos-pusong pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin, patuloy nawa tayong maghandog kay Jehova ng buong-kaluluwang mga hain.

[Blurb sa pahina 25]

Napakikilos ka ba ng kabutihan ni Jehova na pasulungin ang iyong hain ng papuri?

[Larawan sa pahina 23]

Sinasamantala mo ba ang bawat pagkakataong magpatotoo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share