Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w12 10/15 p. 3-6
  • Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Brazil

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Brazil
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “HINDI AKO MAKAPANIWALA”
  • PINAG-ISIPAN NIYA ANG KANIYANG MINISTERYO
  • MAESTRO O MINISTRO?
  • “TALAGANG KAILANGAN KONG MANATILI RITO”
  • Nagdudulot ng mga Gantimpala ang Pagtanggap sa mga Paanyaya ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Ecuador
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Nasumpungan Niya ang Lakas Upang Magbago
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Pinagpala ni Jehova ang Aking Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
w12 10/15 p. 3-6

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili​—Sa Brazil

ILANG taon na ang nakararaan, si Rúbia (1), isang sister na 30 anyos na ngayon, ay dumalaw kay Sandra (2), isang payunir sa isang maliit na kongregasyon sa timugang Brazil. Habang naroon siya, may isang bagay na talagang nakaantig at nagpabago sa kaniyang buhay. Ano iyon? Alamin natin.

“HINDI AKO MAKAPANIWALA”

Sina Sandra at Rúbia habang nagba-Bible study

“Isinama ako ni Sandra sa Bible study niya. Habang nag-aaral kami, sinabi ng babae: ‘Sandra, tatlong babaing katrabaho ko ang gustong magpa-Bible study, pero sinabi ko na kailangan nilang maghintay. Alam kong punung-puno na ang iskedyul mo sa taóng ito.’ Hindi ako makapaniwala. Ang mga taong gustong matuto tungkol kay Jehova ay kailangang magpalista at maghintay! Sa kongregasyon namin, hirap na hirap akong makakita ng kahit isang study. Nang mismong sandaling iyon, sa bahay ng Bible study, nadama ko na gusto kong tulungan ang mga kababayan niya. Di-nagtagal, umalis ako sa malaking siyudad na tinitirhan ko at lumipat sa bayan kung saan nagpapayunir si Sandra.”

Ano ang sumunod na nangyari? Sinabi ni Rúbia: “Pagkalipas lang ng dalawang buwan doon, 15 na ang Bible study ko​—at sa maniwala kayo o hindi, di-nagtagal ay mayroon na rin akong listahan ng mga gustong magpa-study, gaya ni Sandra!”

PINAG-ISIPAN NIYA ANG KANIYANG MINISTERYO

Si Diego

Dinalaw ni Diego (3), isang brother na ngayon ay mahigit 20 anyos, ang ilang payunir sa Prudentópolis, isang maliit na bayan sa timugang Brazil. Malaki ang epekto sa kaniya ng pagdalaw na ito; sa katunayan, naudyukan siyang pag-isipan ang kaniyang ministeryo. Paliwanag niya: “Sa aming kongregasyon, gumugugol lang ako ng iilang oras sa ministeryo buwan-buwan. Pero nang dalawin ko ang mga payunir na iyon at marinig ang kanilang mga karanasan, hindi ko maiwasang ikumpara ang kanilang kasiyahan sa aking kawalang-sigla sa ministeryo. Nang makita kong napakasigla at napakaligaya nila, naisip kong sana’y maging makabuluhan din ang buhay ko.” Nagpayunir si Diego pagkatapos ng pagdalaw na iyon.

Ikaw ba ay isang kabataang Saksi katulad ni Diego? Nangangaral ka ba at dumadalo sa pulong pero parang naging rutin na lang at nakababagot ang ministeryo? Kung oo, makagagawa ka ba ng mga pagbabago sa iyong buhay para matikman mo ang kasiyahang dulot ng paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga mamamahayag ng Kaharian? Siyempre pa, baka mahirap iwan ang komportableng buhay. Pero marami nang kabataan ang gumawa niyan. Naglakas-loob silang baguhin ang kanilang mga tunguhin at hangarin para mas makapaglingkod kay Jehova. Tingnan naman natin ang halimbawa ni Bruno.

MAESTRO O MINISTRO?

Si Bruno na nagtuturo ng gitara

Ilang taon na ang nakararaan, si Bruno (4), 28 anyos na ngayon, ay nag-aaral sa isang sikat na paaralan ng musika. Tunguhin niyang maging konduktor ng orkestra. Sa katunayan, napakahusay niya kung kaya ilang beses na siyang inanyayahang maging konduktor ng isang symphony orchestra. Napakagandang karera ang naghihintay sa kaniya. Pero inilahad ni Bruno: “Parang may kulang sa buhay ko. Inialay ko na ang sarili ko kay Jehova, pero alam kong hindi ko naibibigay ang lahat sa kaniya, kaya nakokonsiyensiya ako. Ipinanalangin ko ito kay Jehova, at nakipag-usap din ako sa makaranasang mga brother sa kongregasyon. Matapos pag-isipan ang aking kalagayan, ipinasiya kong unahin ang ministeryo, huminto sa pag-aaral ng musika, at maglingkod kung saan mas kailangan ang mga mangangaral ng Kaharian.” Ano ang naging resulta?

Lumipat si Bruno sa bayan ng Guapiara (may populasyon na mga 7,000), mga 260 kilometro mula sa lunsod ng São Paulo. Napakalaking pagbabago nito. Ikinuwento niya: “Lumipat ako sa isang maliit na bahay na walang ref, TV, o Internet connection. Pero may mga bagay rito na wala sa akin noon​—mga taniman ng gulay at prutas!” Habang naglilingkod sa isang maliit na kongregasyon doon, minsan sa isang linggo ay nagbabaon si Bruno ng pagkain, tubig, at literatura at nagmomotorsiklo para mangaral sa liblib na mga lugar. Maraming tagaroon ang hindi pa napapangaralan ng mabuting balita. “Umabot sa 18 ang Bible study ko,” ang sabi niya. “Tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko ang mga pagbabago sa buhay ng mga inaaralan ko!” Dagdag pa niya: “Nang pagkakataong iyon, naunawaan ko kung ano’ng kulang sa buhay ko​—ang matinding kasiyahang dulot ng pag-una sa Kaharian. Hindi ko mararanasan ito kung materyalistikong mga tunguhin ang itinaguyod ko.” Paano sinuportahan ni Bruno ang sarili niya sa Guapiara? Napangiti siya at nagsabi: “Nagtuturo ako ng gitara.” Maestro pa rin siya​—kahit paano.

“TALAGANG KAILANGAN KONG MANATILI RITO”

Sina Bianca at Juliana habang nangangaral

Halos ganito rin ang sitwasyon ni Mariana (5), mahigit 25 anyos na ngayon. Abogada siya at malaki ang suweldo niya. Pero hindi siya masaya. Sinabi niya: “Para akong ‘naghahabol sa hangin.’” (Ecles. 1:17) Pinasigla siya ng maraming kapatid na magpayunir. Matapos pag-isipan ito, si Mariana, kasama ang mga kaibigan niyang sina Bianca (6), Caroline (7), at Juliana (8), ay nagpasiyang tumulong sa isang kongregasyon sa Barra do Bugres, isang liblib na bayan malapit sa Bolivia at libu-libong kilometro ang layo mula sa kanilang lugar. Ano ang sumunod na nangyari?

Sina Mariana at Caroline habang ipinapakipag-usap ang Bibliya

Sinabi ni Mariana: “Tatlong buwan lang sana ako rito. Pero pagkatapos niyan, 15 na ang Bible study ko! Siyempre nangangailangan ng tulong ang mga inaaralan kong ito para sumulong sila sa katotohanan. Kaya naman wala akong lakas ng loob na sabihin sa kanila na aalis na ako. Talagang kailangan kong manatili rito.” Ganiyan nga ang ginawa ng apat na sister. Mas makabuluhan na ba ang buhay ni Mariana ngayon? Sinabi niya: “Napakasarap ng pakiramdam na ginagamit ka ni Jehova para tulungan ang mga tao na magbago. Masaya rin ako dahil ginagamit ko na ang aking panahon at lakas sa paggawa ng bagay na talagang kapaki-pakinabang.” Inilarawan ni Caroline ang damdamin nilang apat: “Sa gabi, kapag nakahiga na ako, nasisiyahan ako dahil ginamit ko ang sarili ko sa pagtataguyod ng Kaharian. Ang buhay ko ay umiikot sa pagtulong sa aking mga inaaralan sa Bibliya. Napakagandang makita ang pagsulong nila. Nararanasan ko ang katuparan ng mga salitang ito: ‘Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.’”​—Awit 34:8.

Tiyak na natutuwa si Jehova na makita ang parami nang paraming kabataan sa buong daigdig na ‘kusang-loob na naghahandog ng kanilang sarili’ para mangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa liblib na mga lugar! (Awit 110:3; Kaw. 27:11) Saganang pinagpapala ni Jehova ang kusang-loob na mga manggagawang ito.​—Kaw. 10:22.

“Hindi Kami Nagkulang ng Anuman”

Sina João Paulo at Noemi habang nagba-Bible study

Nang sabihin nina João Paulo at ng asawa niyang si Noemi na gusto nilang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, nakarinig sila ng ilang negatibong komento. Sinabi ng ilang kakongregasyon nila: “Makikipagsapalaran kayo kung lilipat kayo sa maliit na bayan.” “Bakit pa kayo aalis? Marami pang gawain sa kongregasyon natin.” Sinabi ni João Paulo: “Maganda naman ang intensiyon nila, pero talagang nakapanghihina ang mga sinabi nila.” Pero matapos maglingkod nang ilang taon sa isang lugar na nangangailangan ng mga mamamahayag, natutuwa sina João Paulo at Noemi na nanindigan sila sa pasiya nilang magpalawak ng kanilang ministeryo. Paliwanag ni João Paulo: “Mula nang dumating kami rito ng asawa ko, hindi kami nagkulang ng anuman. At kung ang pag-uusapan ay ang mga bagay na talagang mahalaga, mas marami kaming taglay ngayon kaysa noon.” Dagdag pa ni Noemi: “Sulit ang aming pagsisikap.”

Mahirap humanap ng ikabubuhay sa maliliit na bayan. Kaya paano sinusuportahan ng mga lumipat sa liblib na lugar ang kanilang sarili? Mapamaraan sila. Ang ilan ay nagtuturo ng Ingles o iba pang wika, nagtu-tutor sa mga bata, nananahi, nagpipintura ng bahay, o kumukuha ng iba pang part-time na trabaho. At ano ang masasabi ng mga naglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan? Sulit na sulit ang kanilang pagsisikap sa dami ng mga pagpapala!

Ang Hamon ng Homesickness

Si Tiago habang nasa pampublikong pagpapatotoo

Tiago: “Kararating ko pa lang sa bago kong kongregasyon, nalulungkot na ako. Konti lang ang mamamahayag sa bayan at halos walang mapaglibangan. Na-homesick ako. Alam kong kailangan kong gumawa ng paraan para maging masaya. Kaya sinikap kong kilalanin ang mga kapatid sa kongregasyon​—at nakatulong ito sa akin! Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Di-nagtagal ay masayang-masaya na ako at palagay na ang loob ko rito.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share