Isang Sinaunang Balumbon ang “Nabuksan”
Hindi mabasa ang nilalaman ng sunóg na balumbon sa Ein Gedi mula nang matuklasan ito noong 1970. Dahil sa 3-D scanner, nakitang ang nakasulat dito ay bahagi ng Levitico, at nandito ang personal na pangalan ng Diyos
NOONG 1970, nakahukay ang mga arkeologo ng isang sunóg na balumbon sa Ein Gedi, Israel, malapit sa kanlurang baybayin ng Dagat na Patay. Natagpuan nila ang balumbon habang hinuhukay ang isang sinagogang nasunog nang mawasak ang pamayanan kung saan ito nakatayo, malamang noong ikaanim na siglo C.E. Dahil sunóg ang balumbon, hindi na mabasa ang nilalaman nito, at masisira ito kapag inalis sa pagkakarolyo. Pero sa pamamagitan ng 3-D scanner, “nabuksan” ang balumbong ito. At sa tulong ng bagong digital imaging software, puwede nang mabasa ang nakasulat dito.
Ano ang nasa balumbon? Naglalaman ito ng mga teksto sa Bibliya. Nakasulat sa natitirang bahagi ng balumbon ang ilang teksto sa umpisa ng aklat ng Levitico. At naroon ang personal na pangalan ng Diyos sa Hebreo, ang Tetragrammaton. Ang balumbon ay posibleng isinulat sa pagitan ng 50 C.E. at 400 C.E. Dahil diyan, ito na ang sumunod sa pinakamatandang natuklasang balumbon ng Bibliya sa Hebreo, ang mga Dead Sea Scroll (Qumran). Sinabi ni Gil Zohar sa The Jerusalem Post na noong hindi pa natutuklasan ang balumbon sa Ein Gedi, mga 1,000 taon ang pagitan ng pinakalumang mga manuskrito ng Bibliya na Dead Sea Scroll (mula pa noong mga 100 B.C.E) at ng sumunod dito na Aleppo Codex (mula pa noong mga 930 C.E.). Ayon sa mga eksperto, ipinapakita ng balumbong ito na ang tekstong Masoretiko ng Torah ay “naingatang mabuti sa loob ng libo-libong taon, at walang nabago sa nilalaman nito.”