Maghanda para sa Pagdiriwang ng Memoryal
1 Sa Huwebes, Abril 4, pagkatapos lumubog ang araw, ang bayan ni Jehova ay magtitipon para sa isang napakabanal na okasyon. Ito ay ang pag-alaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo, ang ating Panginoon. Ang masayang pagdiriwang na ito na kilala bilang ang Hapunan ng Panginoon ay nagsisilbing isang tagapagpaalaala sa bawa’t isa sa atin sa nagpapalayang epekto ng hain ni Kristo. Tayo ay nagagalak sa dakilang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa pagbibigay sa kaniyang sariling anak upang maglaan ng halagang pantubos para sa atin. (Roma 5:6-8) Maipakikita nating muli ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga kaayusan sa pagdiriwang ng Memoryal sa taong ito.
2 Ang pangunahing kailangan ay tiyaking makagawa ng mga plano upang makadalo tayo mismo. Gayundin, sa pinakamaagang panahon, nanaisin nating magpasimulang mag-anyaya sa mga estudiyante ng Bibliya, kamag-anak at iba pang mga taong interesado. Makakaasa tayo ng mabuting pagtugon kapag sila ay naanyayahan ng mga ilang linggo ang aga at muling napaalalahanan kapag malapit na ang aktuwal na petsa.
3 Ang mga matatanda ay maraming patiunang paghahanda na dapat gawin para sa Memoryal. Ang mga ito ay naglalakip sa kaayusan hinggil sa tagapagsalita, pamamahagi ng nakalimbag na paanyaya, paghahanda para sa wastong emblema, pag-oorganisa ng mga attendant at tagapagsilbi, paglilinis at pag-aayos ng Kingdom Hall, abp. Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay lubusang naisaayos nang patiuna, ang pagdiriwang ay magiging isang ganap na tagumpay.
MGA KAPAKINABANGAN SA MAGSISIDALO
4 Sa banal na okasyong ito ang mga pinahiran ay nakikibahagi sa mga emblema na kinikilalang sila ay dinala sa bagong tipan at sila’y umaasa na makibahagi kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Roma 8:16, 17) Ang kanilang masunuring pakikibahagi ay nagpapakita na malaki ang kanilang pagkilala sa hain ni Kristo na sa pamamagitan nito ay pinagiging banal sila bilang mga kasama sa bagong tipan.
5 Milyun-milyong iba pa na may makalupang pag-asa ang dumadalo subali’t hindi nakikibahagi sa mga emblema. Gayumpaman, sila’y tumatanggap ng maraming kapakinabangan mula sa hain ni Jesus lakip na ang pagpapatawad ng Diyos sa kanilang mga kasalanan. Kinikilala nilang ang kanilang kaligtasan ay utang din nila sa Diyos at sa Kordero. (Apoc. 7:9, 10) Kaya ang lubhang karamihang ito ay nakakasumpong ng kaligayahan sa pakikisama sa mga nalabi sa pantanging gabing ito.
6 Ang lahat ng dadalo ay makikinabang nang malaki. Ito ay isang okasyon para alalahanin ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa pagbibigay sa kaniyang Anak bilang isang pantubos. Ang lahat ay napaaalalahanan sa taus na pag-ibig mismo ni Jesus sa pagbibigay ng kaniyang buhay para sa atin, at sa mabuting halimbawa na kaniyang ibinigay para sa kaniyang mga tagasunod. (Juan 15:12, 13; 1 Cor. 15:3; 1 Ped. 2:21) Tayong lahat ay makikinabang sa pamamagitan ng paghahanda na ngayon at sa pagiging naroroon sa Abril 4 para sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo.