Sanayin ang mga Baguhan na Maging Kuwalipikado Bilang mga Mamamahayag
1 Noong buwan ng Abril, maraming mga bagong pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan ng malaking hukbo ng mga auxiliary at regular payunir na gumawa sa larangan. Ang ilan sa mga ito ay maaaring sumulong na ngayon hanggang sa punto na sila’y nagnanais na ibahagi sa iba ang kanilang kaalaman.
2 Sinasanay ba ninyo ang inyong mga tinuturuan sa Bibliya para sa ministeryo habang nakikipag-aral sa kanila? Ito ay dapat na gawin nang pasulong. Nasumpungan ng ilang mamamahayag na nakatutulong na repasuhin ang leksiyon kung hahayaan ang estudiyante na iharap ang materyal kagaya ng gagawin niya sa ministeryo sa bahay-bahay. Tinalakay na ba ninyo sa inyong tinuturuan sa Bibliya kung ano ang ginagawa sa paglilingkod sa larangan at kung bakit gayon? Kapag sumapit ang estudiyante sa tumpak na kaalaman sa katotohanan, kapag ang kaniyang puso ay nasaling ng kaniyang natutuhan, at kapag ang kaniyang buhay ay iniayon niya sa mga simulaing Kristiyano, maaari na ninyong anyayahan siya na samahan kayo sa ministeryo sa larangan.
PAG-ABOT SA MGA KAHILINGAN
3 Kailan maaaring anyayahan ang isang baguhan na makisama sa atin sa paglilingkod sa larangan at ipakilala niya ang sarili nang hayagan na kasama ng kongregasyon? Makatutulong na repasuhin ang mga pahina 98 at 99 ng aklat na Ating Ministeryo. Ipinahayag na ba ng estudiyante ang kaniyang pagnanais na makibahagi sa gawaing pangangaral? Kung gayon, naaabot ba niya ang mga kahilingan ng Kasulatan at ng organisasyon? Walang alinlangan na nakikita ninyo ang kapakinabangan na makatuwirang tiyakin na ang isa ay tunay na kuwalipikado bago anyayahan siyang makibahagi sa pangmadlang gawain ng pangangaral.—2 Tim. 2:15.
4 Dapat na gumawa ng kaayusan na ang isang baguhang nakikibahagi sa ministeryo ay sumama sa isang may karanasang mamamahayag, na kadalasa’y sa isa na nakikipag-aral sa kaniya. Nagpapangyari ito na maisagawa ang pagsasanay. (Gal. 6:6) Kapag ang isa ay nag-ulat ng paglilingkod sa larangan sa unang pagkakataon, susundin ng kalihim ang kaayusang nakabalangkas sa pahina 105 ng aklat na Ating Ministeryo. Ang kalihim o ang iba pang miyembro ng Congregation Service Committee ay makikipag-usap sa mamamahayag na nagdaraos ng pag-aaral, at pagkatapos ay makikipag-usap sa indibiduwal na tinuturuan. Kung siya’y kuwalipikado na maging sinang-ayunang kasamahan, isang Congregation’s Publisher Record card ang gagawin.
PAGSASANAY SA TAHANAN
5 Ang pagsasanay sa mga kabataan para sa paglilingkod kay Jehova ay pananagutan ng mga magulang. Ang pagsasanay na ito ay dapat na magpasimula sa pagkasanggol. (2 Tim. 3:14, 15) Pinasisigla ang mga sambahayan na mag-aral at magbasang sama-sama upang mapanatili ang isang matibay na pagnanais na ibahagi ang katotohanan sa iba nang palagian. Maraming sambahayan ang nag-uusap sa teksto at komento mula sa Yearbook araw-araw. Ang mga anak ay dapat na mapasigla na magkomento sa materyal. (Ihambing ang Eclesiastes 12:9-11.) Sikaping makipag-usap sa inyong pamilya araw-araw tungkol sa mga katotohanan ng Kasulatan. Kung gayon, sila man ay magnanais na makibahagi sa paggawa ng alagad.—Isa. 54:13.
6 Kapag ang isang bata ay nagnais na makibahagi sa paglilingkod at may mainam na paggawi, lalapit ang mga magulang sa isa sa mga matatanda sa Congregation Service Committee at makikipag-usap kung baga siya’y kuwalipikado na ibilang na isang mamamahayag. (Tingnan ang aklat na om, pahina 100, parapo 1.) Ang gayong pagsulong ay tunay na sanhi ng kagalakan!—Kaw. 23:15.
7 Dahilan sa limitadong panahong nalalabi, ang lahat ay pinasisiglang magkaroon ng lubusang bahagi sa gawaing pag-aani at sanayin ang mga baguhan na maging kuwalipikado sa ganito ring gawain.—Mat. 9:37, 38; Apoc. 22:17.