May Katapangang Ipinangangaral ang Mabuting Balita
1 Taglay natin ang maraming dahilan sa pagkakaroon ng tibay-loob sa pangangaral ng pabalita ng Kaharian. Una sa lahat, tayo ay kumakatawan kay Jehova. Ikalawa, ang kahalagahan ng pabalita mismo ay humihiling na tayo ay magsalita nang may pagtitiwala. Ang katiyakang siya’y sumasa atin ay dapat na magpangyaring ating ipahayag ang katotohanan nang walang takot. (Jer. 1:17, 19) Gayundin, ang halimbawa ng iba na nagtiyaga sa kabila ng mga kahirapan ay nagpapasigla sa atin.
2 Ang mga katotohanan ng Kaharian na inihahayag natin ay hindi nagmula sa tao kundi ‘sa pamamagitan ng banal na kapahayagan.’ (Gal. 1:11, 12) Ang Kaharian ang siyang saligan para sa paghatol sa buong sangkatauhan. Kaya, ipinakita ni Jesus na ang pangangaral ng mabuting balita ay higit na mahalaga kaysa mismong kasalukuyang buhay natin.—Mar. 8:34, 35.
MAGTIWALA KAY JEHOVA
3 Ang pagsalangsang sa pabalita ay nagpapalalim lamang sa ating kapasiyahang mangaral nang may katapangan. (1 Tes. 2:2) Ang pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Salita ay tumutulong sa atin na alisin ang takot sa mga nagtatangkang humadlang sa atin. (1 Ped. 3:13, 14) Hindi ba tayo napasisigla rin ng pangako ni Jesus na siya’y sumasa atin hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay? (Mat. 28:20) Oo, masasabi natin kagaya ng mang-aawit: “Si Jehova ay kakampi ko; hindi ako matatakot. Anong magagawa ng tao sa akin?”—Awit 118:6.
4 Ang pagsasaalang-alang sa rekord ng mga tapat na tao ay makapagbibigay sa atin ng tibay-loob sa paglilingkod sa Diyos. Si Pedro at ang iba pang mga apostol ay naging tahasan sa kanilang pangangaral. (Gawa 4:13; 5:29) Si Pablo ay nangaral nang “may katapangan.” (Gawa 13:46; 14:3) Magtatamo rin tayo ng kalakasan mula sa makabagong panahong halimbawa ng ating mga kapatid sa Malawi, Turkiya, Korea at mga dako sa Silanganang Europa. Ang ulat ng kanilang katapangan ay nagpapasigla sa ating magpatuloy nang may tibay-loob.—Heb. 12:1.
MAG-ALOK NG AKLAT NA KALIGAYAHAN
5 Taglay natin ang mabuting dahilan upang magsalita nang may katapangan sa pag-aalok ng aklat na Kaligayahan sa Setyembre. Walang alinlangan na ang ilang maybahay ay hindi magpapakita ng interes. Ano ang magiging damdamin natin? Magpapangyari ba ito na tayo ay pahintuin sa taimtim na pangangaral? Pahihinain ba nila ang ating sigasig? Kung ating kinikilala ang kahalagahan ng pabalita at nakikita ang pangangailangan na matuto ang sangkatauhan ng tunay na daan tungo sa kaligayahan, hindi tayo uurong.
6 Ang panalangin ay isa pa ring paraan ng pagkakaroon ng katiyagaan sa ministeryo. (Efe. 6:18-20) Sa mga panahon ng kabagabagan, madaling tinugon ni Jehova ang panalangin ng mang-aawit anupa’t kaniyang ‘pinatapang siya ng kalakasan sa kaniyang kaluluwa.’ (Awit 138:3) Ipakita nawa nating lahat na tayo ay “lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”—Fil. 1:14.