Hindi Pinababayaan ang Bahay ng Ating Diyos
1 “Ingatan mo ang iyong paa pagka ikaw ay napasasa bahay ng tunay na Diyos; at hayaang lumapit upang makinig.” (Ecles. 5:1) Oo, ang dako ng pagsamba kay Jehova ay natatangi sa atin, anupa’t ang pag-iingat natin sa Kingdom Hall at ang ating paggawi samantalang naroroon ay dapat magpakita na ating kinikilala iyon bilang dako ng ‘pagtuturo ni Jehova.’ (Isa. 54:13) Kayo ba’y nagtataglay ng gayong pagpapahalaga sa inyong Kingdom Hall?
MAHALAGA ANG PAGGAWI
2 Kapag tayo ay nag-aanyaya sa iba na dumalo sa mga pulong, dapat nating gawin iyon taglay ang pagtitiwala na kung ano ang kanilang makikita doon ay magbibigay karangalan sa pangalan at Kaharian ni Jehova. (Awit 148:13) Hindi natin nais na ang ating pananamit, pag-aayos, o paggawi ay makagambala sa ating mga kapatid o makatisod sa sinumang dumadalo.
3 Ang bawa’t isa ay dapat na magpakita ng pag-ibig sa kapuwa at iwasan na magdulot ng pagkagambala. Ang pagbubulungan, pagkain, pagpapatunog sa balat ng kendi, di kinakailangang pagtungo sa palikuran, at laging pagdating nang huli ay mga nakagagambala sa pakikinig ng iba at nag-aalis sa dignidad na nauukol sa dako ng pagsamba kay Jehova. Tandaan, “ang pag-ibig ay hindi nag-uugaling mahalay,” kaya ang di mabuting paggawi ay walang dako sa Kingdom Hall. (1 Cor. 13:4, 5; Gal. 6:10) Ang makasanlibutang dakong tipunan ay kadalasang pangit tingnan dahilan sa kawalang ingat ng mga tao sa pagtatapon ng chewing gum, kendi at pagkain. Tayong lahat, lalo na ang mga magulang ng mga kabataan, ay dapat na mag-ingat na huwag parumihin ang gusali ni Jehova sa ganitong paraan.—Ihambing ang Deuteronomio 23:14.
KAAYUSAN NG PAGLILINIS
4 Ang lupon ng matatanda (at ang Kingdom Hall Operating Committee, kung higit pa sa isa ang gumagamit ng bulwagan) ay nagsasaayos ng palagiang paglilinis at pangangalaga ng gusali. Ang paglilinis ay kadalasang ginagawa nang lingguhan sa pamamagitan ng mga grupo ng pag-aaral sa aklat. Nanaisin nating lahat na maingat na sundin ang inilaang eskedyul upang ang pangangalaga sa bulwagan ay maisagawa ng “may karapatan at may kaayusan.” (1 Cor. 14:40) Karagdagan pa, maaari ding isaayos ang isang pantanging araw ng lubusang paglilinis sa pana-panahon.
5 Kapag ang Kingdom Hall ay ginagamit ng mahigit sa isang kongregasyon, lalo tayong dapat na maging palaisip sa ating pananagutan na mapangalagaan ang bulwagan. Dapat nating markahan ang ating kalendaryo upang mapaalalahanan tayo sa ating atas ng paglilinis. Ang mga konduktor sa pag-aaral ay dapat na maging gising sa pagpapaalaala sa kanilang grupo nang patiuna tungkol sa bawa’t atas.—Tingnan ang Ating Ministeryo, pahina 61, parapo 3.
PAGSASAGAWA NG ATING BAHAGI
6 Tayong lahat ay dapat na makipagtulungan sa ating grupo kapag ito ay naatasan na maglinis ng Kingdom Hall. Sa ganitong paraan ang pananagutan ay hindi lamang babalikatin ng iilan. Subali’t hindi na tayo dapat pang maghintay sa ating atas na maglinis. Maaari tayong makatulong na malinis ang bulwagan pagkatapos ng pulong. Kung may nakita tayong papel sa lapag, maaari nating pulutin iyon; kung ang mga silya ay hindi pantay, maaari tayong tumulong na pantayin iyon.
7 Nakita ni Nehemias ang kahalagahan na ‘hindi pabayaan ang bahay ng ating Diyos.’ (Neh. 10:39; 13:11) Sa pamamagitan ng ating paggawi at pagtataguyod sa kaayusan ng paglilinis, maitataguyod din natin ang dignidad ng dako ng pagsamba kay Jehova.