Ang Bawa’t Isa ay Maaaring Makabahagi
1 Narinig ni apostol Juan ang 24 na mga matatanda sa langit na pumupuri sa Diyos, na nagsasabi: “Marapat ka, Jehova, . . . na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan.” (Apoc. 4:11) Ang lahat ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay maaaring pumuri sa Diyos sa gayong mga salita ng papuri. (Awit 148:1, 12, 13) Maaari nating gawin ito sa Agosto at Setyembre sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang Paksang Mapag-uusapan at pag-aalok ng isa sa mga iminumungkahing brochure, gaya ng sumusunod:
ANG BROCHURE NA PAMAHALAAN
2 Pagkatapos na ipakilala ang inyong sarili, maaari kayong magsabi: “Ang sangkatauhan ay malaki na ang ipinagdusa sa buong kasaysayan. Ano sa palagay ninyo ang sanhi nito? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagpapakita na ang tao ay walang kakayahan na pamahalaang mabuti ang ganang sarili. [Basahin ang Eclesiastes 8:9.] Kaya imposible para sa mga tao na magtatag ng isang pamahalaan na magdudulot ng namamalaging kaligayahan. Diyos lamang ang makagagawa nito. Pansinin kung paano gagawin ito ng pamahalaan ng Diyos.” [Basahin ang Mikas 4:3, 4.] Magtapos sa pagsasabing: “Upang matulungan kayong maunawaan kung paano pangyayarihin ng pamahalaan ng Diyos ang paraiso, maaaring magkaroon kayo ng brochure na ito sa abuloy na ₱4.20. Tingnan kung ano ang sinasabi nito sa pahina 3.” Basahin ang parapo.
ANG BROCHURE NA BANAL NA PANGALAN
3 Ang isang mainam na paraan upang purihin ang Diyos ay sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kaniyang pangalang Jehova. Pagkatapos na sabihin ang inyong pangalan, maaari ninyong sabihin: “Nakikipag-usap ako sa inyong mga kapitbahay tungkol sa kahalagahan ng paggamit sa pangalan ng Diyos. Napansin ba ninyo na ang maraming tao sa ngayon ay hindi gumagamit sa pangalan ng Diyos? [Hayaang sumagot.] Subali’t nang si Jesus ay nasa lupa ipinahayag niya ang pangalan ng Diyos. [Basahin ang Juan 17:26.] Ang Bibliya sa Awit 83:18 ay nagsasabi na ang pangalan ng Diyos ay Jehova.” Basahin ang teksto at buksan ang brochure sa pahina 31 at sabihing: “Pansinin ang mga komentong ito tungkol sa kahalagahan ng pagkaalam sa pangalan ng Diyos. [Basahin ang parapo 1.] Maaari kayong magkaroon ng kopyang ito sa abuloy na ₱4.20.”
4 Kapag tayo ay nakikipag-usap sa tao kailangan nating alamin kung ano ang kaniyang interes at ialok sa kaniya ang angkop na brochure, na iniaangkop ang ating presentasyon doon. Maging matagumpay nawa tayong lahat sa pag-aalok ng brochure sa Agosto at Setyembre.