Ang Pagiging Payak ay Tumutulong sa Atin na “Tiyakin ang Higit na Mahahalagang mga Bagay”
1 Sumasang-ayon ba kayo na bilang mga Kristiyano tayo ay “sumasagana sa gawa ng Panginoon”? (1 Cor. 15:58) Tiyak na kayo’y may buong eskedyul para sa mga teokratikong gawain, lakip na ang personal at pampamilyang pag-aaral, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita. Bukod pa sa lahat ng ito, mayroon din kayong inaasikasong materyal na bagay. Kung minsan ang di mahalagang gawain ay kumukuha ng malaking panahon. Ang lumalaking pananagutan ay maaaring lumitaw, na nangangailangan ng higit na mabisang paggamit ng ating panahon at ariarian. Sa gayong mga pagkakatao’y katalinuhan para sa pamilya na isaalang-alang kung ano ang magagawa upang “tiyakin ang higit na mahahalagang mga bagay.”—Fil. 1:10.
2 May gayon ding kalagayan sa sambahayan ng Diyos dahilan sa mabilis na pagsulong ng ating pambuong daigdig na pamilya. (1 Tim. 3:15) Nasumpungan ng Lupong Tagapamahala na kailangang isagawa ang pagiging payak na programa. May mga pamamaraang isinasagawa upang gumawa ng “pagpapalawak” ang organisasyon, wika nga, sa layuning mabigyang dako ang dumadagsang mga baguhan at mapaglaanan din tayong lahat ng mahalagang espirituwal na mga bagay.—Isa. 54:1-3; Mat. 24:45-47.
3 Ang insert ng Setyembre, 1986 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpapaliwanag kung papaanong ang pinaging payak na kaayusan sa pag-uulat ng mga regular payunir ay magpapasimula sa Setyembre 1, 1986. Nagagalak kaming iulat na ito ay nagkaroon ng isang mainam na epekto dito sa tanggapang pansangay. Naalis ng bagong kaayusang ito ang maraming gawain ng ilan sa nagtatrabaho sa opisina upang magampanan nila ang iba pang mahahalagang bagay.
TAUNANG PANSIRKITONG ASAMBLEA
4 Gaya ng ipinatalastas sa huling pahayag sa “Banal na Kapayapaan” na mga Pandistritong Kumbensiyon, pasimula sa Pebrero, 1988 ang bawa’t sirkito ay magkakaroon lamang ng isang pansirkitong asamblea sa isang taon. Ang pagbabagong ito ay magpapangyari sa ilang kapakipakinabang na bagay. Ang mga sirkito ay hindi magkakaroon ng pansirkitong asamblea karakaraka pagkatapos o bago ng kanilang pandistritong kumbensiyon. Magkakaroon ng panahon para idaos ang Pioneer Service School sa pagitan ng mga pansirkitong asamblea at gayundin ang Kingdom Ministry School sa panapanahon. Ang mga tagapangasiwa ng sirkito at ang mga matatanda sa kongregasyon ay magkakaroon ng karagdagang panahon para gampanan ang iba pa nilang mga teokratikong pananagutan. Pagkatapos na maglingkod sa sirkito sa (mga) linggo ng asamblea, ang tagapangasiwa ng distrito ay maaaring gumugol ng isang linggo kasama ng tagapangasiwa ng sirkito habang siya ay dumadalaw sa isang kongregasyon.
PANTANGING ARAW NG ASAMBLEA
5 Sa loob ng ilang mga taon na ngayon sa Estados Unidos, halos kalahati ng mga sirkito ang nagdaos ng isang pantanging okasyon bawa’t taon. Sa gayong mga okasyon dalawa o tatlong oras na programa ang iniharap. Binabago ng Samahan ang kaayusang ito upang pasimula sa Pebrero, 1988, magiging posible para sa bawa’t sirkito o seksiyon ng sirkito na magkaroon ng isang pantanging araw ng asamblea.
6 Pahihiwatigan ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga kongregasyon sa kaniyang sirkito hinggil sa petsa na itinakda ng Samahan para sa okasyong ito. Ito’y panahon sa loob ng taon na hindi masyadong malapit sa petsa ng inyong regular na pansirkitong asamblea o pandistritong kumbensiyon. Ang lahat ng bahagi ng isang sirkito ay maaaring magsamasama para sa isang pantanging araw ng asamblea kung ito ay kumbiniyente para sa lahat ng kongregasyon at kung may magagamit na sapat ang laking bulwagan. Sa ilang malalaking mga lunsod na may magagamit na pasilidad, ang dalawa, o kalakiha’y tatlong sirkito ang maaaring magsamasama sa pagkakataong ito kung nais nila.
7 Ang taunang araw ng pantanging asamblea ay isa na namang mainam na okasyon para sa mga kapatid na tumanggap ng kasiyasiyang espirituwal na tagubilin at magpatibayan sa isa’t isa. (Heb. 10:24, 25) Ang maka-Kasulatang impormasyon na kailangan para sa ating panahon ay ihaharap ng inatasang mga tagapagsalita sa ilalim ng patnubay ng Samahan. Sa ilang mga pagkakataon, maaaring posible para sa kuwalipikadong mga kapatid na lalaki sa Bethel sa Quezon City na makabahagi sa programa kasama ng lokal na mga naglalakbay na tagapangasiwa at iba pang kuwalipikadong mga matatanda sa sirkito. Gayundin, magagalak kayong makaalam na sa okasyong ito magkakaroon ng kaayusan para sa bautismo. Kaya, magkakaroon pa rin ng tatlong pagkakataon sa isang taon ang mga gumawa ng pag-aalay at nakatapos na sa pagrerepaso sa mga katanungan sa aklat na Ating Ministeryo na mabautismuhan.
MAAARI BA NINYONG GAWING PAYAK ANG INYONG BUHAY?
8 Makikita ninyo mula sa impormasyon sa itaas na ang organisasyon ni Jehova ay inihahanda para sa higit pang mabisang pagkilos sa magawaing panahong ito ng katapusan. “Ang panahong natitira ay pinaikli,” at daan daang libo ang nakikisama sa atin sa takbuhin tungo sa buhay na walang hanggan sa matuwid na bagong sistema ng mga bagay. (1 Cor. 7:29) Kung papaanong hinuhubad ng isang mananakbo ang hindi mahahalagang bagay, marapat na isaalang-alang nating lahat kung ano ang magagawa natin bilang mga indibiduwal upang gawing payak ang ating buhay. Nanghihimok si Pablo: “Itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.” (Heb. 12:1) Tungkol sa materyal na mga bagay at sa sekular na tunguhin, maaari nating itanong: ‘Ito ba’y kailangan ko upang manatiling nabubuhay at naglilingkuran kay Jehova? Ito ba’y makatutulong sa akin upang maging lalong mabuting lingkod ni Jehova, o ito ba’y magiging sagabal sa akin?’
9 Kung ating susundin ang mabuting halimbawa ng organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng paggamit ng ating panahon at lakas sa pinakamabuting paraang magpapasulong sa kapakanan ng Kaharian at luluwalhati sa pangalan ni Jehova, may pagtitiwala nating aasahang magwagi sa takbuhin ng buhay at makabahagi sa kamangha-manghang mga pagpapala na inilaan ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod sa malapit na hinaharap at magpakailanman!—Ihambing ang 1 Corinto 9:24-26.