Pagpapanatili ng Kagalakan sa Ating Ministeryo
1 Noong una, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magagalak . . . Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisiawit dahil sa kagalakan.” (Isa. 65:13, 14) Bakit nagagalak ang bayan ni Jehova at umaawit dahil sa kagalakan ngayon? Dahilan sa kanilang espirituwal na kasaganaan samantalang sila’y naninirahan sa espirituwal na paraiso. Ang kagalakang ito ay nagpapasigla sa kanilang makibahagi sa gawain ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova.
2 Ang pagkakaalam ng hinggil sa mga pagsulong na nasa Yearbook ay nagdadala ng malaking kagalakan. Ito’y totoo rin sa unang siglo. Ang mga balita hinggil sa pagpapala ni Jehova sa gawaing pangangaral ay isang bukal na pampatibay-loob. (Gawa 15:3, 4) Habang ang pagtitipon ay bumibilis sa ngayon, tayo ay pinasisiglang maging abala sa ministeryo.
MAGING KUMBINSIDO
3 Ang buong pusong kombiksiyon ay gumaganyak sa atin na magsalita sa iba tungkol sa ating pag-asa. (Luk. 6:45) Ito ay tumutulong sa atin maging sa mga teritoryong tila hindi mabunga. Tayo ay kailangang magtiyaga, lubusang umasa kay Jehova kagaya ng ginawa ni David, na nagsabi: “O Jehova, bukhin mo ang aking mga labi.”—Awit 51:15; 63:5.
4 Ang gayong kombiksiyon ay bunga ng matibay na pananampalataya, tunay na pag-asa at Kristiyanong pag-ibig. (1 Cor. 13:13) Ang mga katangiang ito ay nililinang sa pamamagitan ng masigasig na personal na pag-aaral, pagkakapit sa ating mga natutuhan at patuloy na pananalangin. (Roma 12:12) Sa pamamagitan ng maibiging tulong mula kay Jehova, maaaring magkaroon ng isang positibong saloobin sa ating paglilingkod. Sa ganitong paraan ang ating kagalakan sa ministeryo ay mapananatili.
5 Sa Hunyo tayo ay mag-aalok ng aklat na mga Kuwento sa Bibliya sa mga tao sa ating teritoryo. Gayumpaman, kapag ang mga tao ay mayroon ng aklat na ito o sa palagay ninyo ay higit na makatutulong ang iba pang publikasyon, ating iaalok ang brochure na “Narito!” Ang brochure na ito ay lalong mabisa sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa unang pagdalaw, kaya hinihimok namin ang lahat na maging palaisip sa pagsasagawa nito sa Hunyo. Kaya kung hindi pa kayo nakapagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya at may pagnanais na magsagawa niyaon, bakit hindi gawin ninyong tunguhin sa Hunyo na makapagsimula ng isang bagong pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng brochure na “Narito!” o ng aklat na mga Kuwento sa Bibliya, depende sa uri ng tao na inyong dinadalaw.
6 Nalalaman natin na ang pagsasagawa ng kalooban ni Jehova ay nagdadala ng walang hanggang kagalakan hindi lamang sa atin kundi sa mga nakikinig at nagsasagawa ng kanilang napakinggan. (Fil. 4:4) Habang ang mabuting balita ng Kaharian ay umaabot sa puso ng marami pang indibiduwal na nakahilig sa katuwiran, maaari tayong patuloy na magalak kay Jehova, at nawa’y ang pagpapala ni Jehova ay sumaating pagsisikap sa ministeryo.—Awit 32:11.