Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Bahay-Bahay
1 Ang ating gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay ipinag-utos ng pinakadakilang mga awtoridad sa sansinukob, si Jehova at ang kaniyang nakaluklok na Anak, si Jesu-Kristo.—Mat. 28:18; Apoc. 14:6, 7.
2 Si Jesus ay nagbigay ng huwaran sa “paglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at inihahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 8:1) Ang kaniyang mga alagad, kahit na pagkatapos paluin, ay hindi tumigil kundi nangaral sa araw-araw at sa bahay-bahay. (Gawa 5:41, 42; 20:20) Sa makabagong panahon ang gawaing ito ay isinasagawa lamang ng mga Saksi ni Jehova, na gumugol ng mahigit sa 739 milyong oras sa gawaing pangangaral noong nakaraang taon.—Hag. 2:7; Isa. 60:22.
KUNG ANO ANG NAISASAGAWA NG GAWAIN SA BAHAY-BAHAY
3 Gaya ng ipinakikita sa Ezekiel 33:33 at 38:23, ang ating gawain sa bahay-bahay ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Ang mabuting balita ng Kaharian ay inilalagay nang tahasan sa harapan ng mga maybahay na nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na ipakita kung saan sila pumapanig.—2 Tes. 1:8-10.
4 Ang regular na pagbabahay-bahay ay nagpapatibay ng ating pag-asa sa mga pangako ng Diyos. Ang ating kakayahang gamitin nang mabisa ang Bibliya ay napasusulong. Tayo ay natutulungang mapagtagumpayan ang takot sa tao. Ang higit na empatiya ay nalilinang habang personal nating namamalas ang pagdurusa ng mga tao dahilan sa hindi pagkilala kay Jehova at pamumuhay sa kaniyang matutuwid na mga pamantayan. Tayo ay natutulungan ding mapasulong sa ating pamumuhay ang bunga ng espiritu ng Diyos.—Gal. 5:22, 23.
PANANAGUMPAY SA MGA PAGHADLANG
5 Nasusumpungan ba ninyo na marami ang hindi interesado sa pabalita, lalo na sa mga teritoryong madalas gawin? Huwag pahintulutan itong magpahina sa inyo. Manalangin kay Jehova, at siya’y tutulong sa inyo na magtungo sa teritoryo taglay ang wastong kalagayan ng isipan. Malasin ang bawa’t tahanan na doo’y maaaring may tulad-tupang tao. Gaya ng tagubilin ni Jesus, hayaang ipamalas ng bawa’t isa kung siya ay karapatdapat.—Mat. 10:11-14.
6 Kahit na sa mga teritoryo na malimit gawin, maaaring marami pa ang hindi napangangaralan dahilan sa sila’y bihirang masumpungan sa tahanan. Ang pagdalaw sa iba’t ibang panahon at pag-iingat ng tumpak na house-to-house record ay makatutulong sa higit na pagkubre sa teritoryo nang lubusan.
7 Nais nating makapag-ulat kay Jehova sa katapusan ng gawaing ito: “Aking ginawa gaya ng iniutos mo sa akin.” (Ezek. 9:11) Ang masigasig na paggawa sa bahay-bahay ay magpapangyari sa atin na maisagawa ito.