Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Magasin
1 Ang Eclesiastes 12:12 ay nagsasabi, “Sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas.” Ang mga salitang ito ay totoo sa ngayon habang bilyun-bilyong mga pahina ng nailathalang materyal ang nakikipag-agawan sa atensiyon ng mga mambabasa. Ito ay naghaharap ng hamon sa mga mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Papaano nating makukumbinsi ang mga tao na Ang Bantayan at Gumising! ang siyang pinakamahusay na magasing inilalathala ngayon?
MAHAHALAGANG MGA MAGASIN
2 Makabubuting suriin ang ating sariling saloobin sa mga magasin. Minamalas ba natin na napakahalaga ang mga magasin at pinananabikan ang bawa’t bagong isyu nito? Nag-eeskedyul ba kayo ng panahon upang basahin ang lahat ng mga artikulo nito? Kung personal nating pinahahalagahan ang mga magasin, ang ating kasiglahan at taus-pusong kombiksiyon ay makatutulong sa atin na maialok ang mga ito sa iba nang matagumpay.
3 Ang mga tao sa ating teritoryo ay nangangailangan ng mahalagang impormasyong taglay ng Ang Bantayan at Gumising! kagaya natin. Sa Setyembre 15, 1989 ng Bantayan, ang paksang “Ano ang Kailangang Gawin Natin Upang Maligtas?” ay nagbibigay ng praktikal na pampatibay-loob hinggil sa ating paggawi at landasin ng buhay. Ang mga artikulo sa Gumising! kamakailan lamang ay tumalakay sa hindi angkop na pangangasiwa ng tao sa kapaligiran ng lupa at sa mga pangako ng Diyos ukol sa pagbabalik ng paraiso sa lupa. Anong saganang espirituwal na pagkain ang inilalaan ng mga magasing ito upang gisingin ang tao sa kanilang espirituwal na pangangailangan!
ALAMIN ANG INYONG MGA MAGASIN
4 Ang pinakamabuting paraan upang makumbinsi ang mga tao na sila’y makikinabang mula sa pagbabasa ng mga magasin ay ang ipakita sa kanila ang isang espesipikong punto na angkop sa kanila. Ito’y humihiling na tayo’y maging lubusang pamilyar sa mga magasin at ihanda ang mga ito nang patiuna. Samantalang binabasa ninyo ang mga ito, maging alisto sa mga punto na maaari ninyong gamitin sa ministeryo. Bakit hindi markahan ang mga puntong ito sa inyong personal na kopya at pagkatapos ay repasuhin ang inyong mga nota kapag kayo ay naghahanda para sa paglilingkod sa larangan taglay ang isyung iyon?
5 Samantalang kayo’y personal na nagbabasa, tanungin ang inyong sarili: May mga artikulo bang makatatawag-pansin sa mga doktor, abogado, o mga guro? Ang paggawa ng listahan ng mga indibiduwal na maaari ninyong alukan ng mga magasing ito ay maaaring lubos na makatulong.
6 Pagkatapos na magsalita tungkol sa paggawa ng maraming mga aklat, ang Eclesiastes 12:12 ay nagsasabi na “ang maraming pag-aaral ay kapaguran ng katawan.” Ang pagbabasa ng makasanlibutang mga literatura ay maaaring maging kapaguran dahilan sa hindi ito nagbibigay ng espirituwal na kaginhawahan. Sa kabaligtaran, anong laking pasasalamat natin na maipamahagi ang Bantayan at Gumising!, na nagbibigay karangalan kay Jehova at naghahayag ng kaniyang Kaharian!—Kaw. 3:9.