Tanong
● Papaano natin maipamamalas ang pag-uugaling Kristiyano kapag dumadalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat?
Tayo ay kadalasang pinagmamasdan ng ating mga kapitbahay, at may mga panahon na sila’y nagkokomento sa ating paggawi. (Ihambing ang 1 Corinto 4:9.) Bilang mga lingkod ni Jehova, nanaisin nating ang kanilang komento ay maging kaayaaya. (1 Ped. 2:12) Ito ay totoo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Yamang karamihan sa mga ito ay idinaraos sa mga pribadong tahanan, kailangang magsagawa ng pantanging pag-iingat upang ang ating mga pag-uugali ay masinag na mabuti sa lahat ng ating ginagawa. Kapag limitado ang paradahan, pagsikapang huwag masuya ang ating mga kapitbahay sa pamamagitan ng hindi pagpaparada ng ating mga sasakyan sa lugar na makagigipit sa ating mga kapitbahay.
Tayo ay maliligaya kapag nagkikita at kung minsan ay nagiging sanhi ito ng masisiglang pag-uusap. (Mik. 2:12) Ang mabuting pag-uugali at konsiderasyon sa iba ay humihiling na panatilihin ang ating pag-uusap sa katamtamang lakas. (Mat. 7:12; Gal. 6:10) Ang Kristiyanong pag-ibig ay mag-uudyok din sa atin na pigilin ang ating mga anak sa pagtatakbuhan sa labas at pagpinsala sa ariarian ng iba. (Kaw. 29:15; 1 Cor. 13:4, 5) Naglalakip ito ng magalang na paggawi sa tahanan na doo’y idinadaos ang pag-aaral sa aklat. Kung may nakitang di wastong paggawi, dapat na magbigay ang mga matatanda ng maibigin at matatag na payo upang maiwasan ang suliranin na nagdudulot ng mga reklamo mula sa mga kapitbahay o kahirapan sa maybahay na pinagdarausan ng pag-aaral sa aklat.