Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 4/91 p. 3-4
  • Pag-aani na Katumbas ng Ating Personal na Pagsisikap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-aani na Katumbas ng Ating Personal na Pagsisikap
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TULARAN ANG MGA TAONG TAPAT
  • PAGKAKAPIT SA ATING NATUTUHAN
  • KAPAKINABANGAN MULA SA PERSONAL NA PAG-AARAL
  • MAKIBAHAGI SA MGA PULONG
  • MAGHASIK NANG SAGANA SA LARANGAN
  • Ikaw Ba ay Nakikinabang?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • Ang mga Pulong ay Nagdudulot ng Kapakinabangan sa mga Kabataan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • Mga Pamilya, Purihin ang Diyos Bilang Bahagi ng Kaniyang Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Panatilihing Matibay ang Pananampalataya sa Pamamagitan ng Personal na Pag-aaral
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
km 4/91 p. 3-4

Pag-aani na Katumbas ng Ating Personal na Pagsisikap

1 Itinanghal ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan sa maraming paraan. Itinampok ni Jesus ang di mahihigitang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi sa nagkakatipong karamihan na “pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.” (Mat. 5:43-48) Sa isa pang pagkakataon, ipinakilala ni Jesus ang pinakamatinding kapahayagan ng pag-ibig ng kaniyang Ama—ang hain ng kaniyang bugtong na Anak, na ibinigay ng Diyos ukol sa ating kaligtasan. (Juan 3:16) Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na pahalagahan ang pag-ibig ni Jehova. Sinisikap ba nating gawin iyon?

2 Upang maipahayag natin ang ganap na pagpapahalaga at tamuhin ang namamalaging kapakinabangan mula sa pag-ibig ni Jehova, dapat na makilala natin siya. (Juan 17:3) Tayo ay nangangailangan ng payo at patnubay kung papaano paglilingkuran natin siya sa kalugod-lugod na paraan. Itinanghal ni Jehova ang kaniyang pagmamalasakit sa atin sa pagbibigay ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, at sa pagbabangon ng kaniyang kamangha-manghang organisasyon, na sa pamamagitan nito ay tumatanggap tayo ng payo at tagubilin. (Mat. 24:45-47; 2 Tim. 3:16, 17) Bilang naaalay na bayan ni Jehova, tayo’y tinuruan sa kaniyang mga daan. Subali’t ipinakikita ba natin sa pamamagitan ng ating personal na pagsisikap na ating pinahahalagahan ang pag-ibig ni Jehova? Atin bang pinakikinggan ang kaniyang payo upang maging kalugod-lugod sa kaniya at sa gayo’y makinabang mula doon? (Isa. 48:17; Sant. 1:22) Si apostol Pablo ay sumulat sa 1 Corinto 3:8: “Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, nguni’t ang bawa’t isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.”

3 Oo, dapat nating gawin kung ano ang nais ng Diyos na gawin natin. Hindi pare-pareho ang pagsulong sa espirituwal ng bawa’t isa. Marami ang salik na nakakaapekto sa ating pagsulong, anupa’t hindi katalinuhan na gumawa ng pagtutulad na nakasisira ng loob. Gayumpaman, napakahalaga ng ating indibiduwal na pagsisikap. Ano ang magagawa natin upang mapalapit sa organisasyon? May larangan pa ba na doo’y makagagawa tayo ng pagsulong sa pagtanggap ng personal na mga pananagutan bilang mga Kristiyano? Anong pagsisikap ang magagawa upang lalo pang masuportahan ang mga gawain ng kongregasyon? May mga punto ba sa mga tagubiling ibinibigay sa atin ng organisasyon na kailangan nating maikapit?—1 Tim. 4:16.

TULARAN ANG MGA TAONG TAPAT

4 Ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral ng mga tapat na kapatid na lalake at babae sa mahabang panahon na. Ang mga tapat na tao, gaya ni Pablo, ay karapatdapat na tularan. (1 Cor. 11:1) Sila’y tumugon sa pag-ibig ng Diyos at nag-ani ng maraming kapakinabangan dahilan sa masikap na paggawa at personal na pagsisikap na sundin ang payo ng Bibliya. Sila ang nagsisilbing saligan ng mga aktibong manggagawa sa kongregasyon, na hindi nagpapabaya sa kanilang personal na pananagutan. Nakikita natin ang bunga ng kanilang indibiduwal na pagsisikap.—Roma 1:13; 2 Cor. 3:1-3.

5 Ngayon, sampu-sampung libong mga baguhan ang dumaragsa sa organisasyon bawa’t taon. (Isa. 60:8) Sila man ay taimtim na nagsisikap na gumulang bilang mga espirituwal na persona, at ang kanilang sigasig sa pangangaral ay karapatdapat na papurihan. Sila’y nakikinabang kapag nakita kung papaano pinagpapala ni Jehova ang mga lubusang gumagawa ng paglilingkod sa kaniya. Ang halimbawa ng maygulang na mga kapatid na lalake at babae ay nakatutulong sa mga baguhan na kilalaning hindi ito panahon upang manghina ang mga kamay o maglubay sa ating paglilingkuran sa Diyos. Mga baguhan o may karanasan mang mga mamamahayag, tayo ba ay patuloy na lumalaki sa espirituwal, na tinatanggap ang ating personal na mga pananagutang Kristiyano at sinasamantala ang mga paglalaang teokratiko?

PAGKAKAPIT SA ATING NATUTUHAN

6 Matagal pa bago sumulat si Santiago na tayo’y dapat na maging ‘tagatupad na gumagawa,’ sinabi na ni Moises sa mga Judio: “Inyong ikapit ang mga salitang ito.” (Sant. 1:25; Deut. 11:18) Kaya hindi sapat ang kaalaman lamang. Kailangang ikapit ng mga Judio ang mga salita ng Kautusan sa pagsunod kay Jehova. Ang saligang simulaing ito ay nananatili pa rin ngayon. Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay tiyak na nakababatid sa kahalagahan ng pagsunod. (Juan 8:28) Sinabi niya sa Mateo 7:24: “Ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap ay matutulad sa isang taong matalino.”

7 Atin bang ikinakapit ang ating natutuhan sa mga pansirkitong asamblea? Atin bang pinahahalagahan kung bakit napakahalaga sa panahong ito na manatiling gising at ingatan ang ating pandamdam? Tayo ba’y alisto sa tusong mga pagsalakay at patibong ng Diyablo? Atin bang pinahahalagahan ang payo at mga babala na paulit-ulit na ibinibigay sa atin ng organisasyon hinggil sa pangangailangan ng moral at espirituwal na kalinisan sa kongregasyon? Anong antas ng pagkakapit ang ating ginagawa bilang mga indibiduwal sa ating napapakinggan?—Sant. 1:23-25.

8 Ang kasalukuyang programa ng pantanging araw ng asamblea ay nagdiriin sa pangangailangang tayo’y maging banal, kung papaanong si Jehova ay banal. (1 Ped. 1:14-16) Ang kabanalan ay nangangahulugan ng kalinisan o kadalisayan, pagiging sagrado sa paraang relihiyoso. Ito’y tumutukoy sa kalagayang nakalaan sa paglilingkod sa Diyos. Tayo ay pinagkatiwalaan ng ministeryo ng mabuting balita. Kaya, dapat tayong maging malinis sa espirituwal, moral at pisikal upang maging karapatdapat na magdala ng banal na Salita ng katotohanan. Ito’y humihiling ng pagbibigay ng higit sa karaniwang pansin sa ating sarili. (Heb. 2:1) Sa paggawa natin nito, ating aanihin ang mga pagpapala na katumbas ng ating personal na pagsisikap.

KAPAKINABANGAN MULA SA PERSONAL NA PAG-AARAL

9 Ang personal na pag-aaral ay tumutulong sa atin na magkaroon ng matibay na pananampalataya, at ito’y nagpapalalim sa ating pagpapahalaga sa katotohanan. Ito’y nagbibigay sa atin ng pagtitiwala at nagsasangkap sa atin na magsalita na may awtoridad. Ito’y nagbibigay sa atin ng maliwanag na pagkaunawa at pagkakilala at tumutulong sa atin na magsuot ng bagong pagkatao. (Col. 1:9-11) Gayumpaman, ang mabungang pag-aaral ay humihiling ng panahon at pagsisikap, at wala nang iba pang paraan sa pagtatamo ng tumpak na kaalaman at espirituwal na pagkaunawa. Kung ano ang ating inilalagay sa pag-aaral ang siya rin naman nating tatamuhin mula roon.—2 Cor. 9:6, 7; Gal. 6:7.

10 Naglalaan ba tayo ng sapat na panahon bawa’t linggo upang maghanda para sa mga pulong ng kongregasyon? Ito ay isang paraan upang magpakita ng pagpapahalaga sa espirituwal na pagkain na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng tapat at matalinong alipin. Ang wastong paghahanda sa mga pulong ay tutulong sa atin na manatili sa eskedyul ng pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos. Tayo ba ay naglalaan ng panahon bawa’t linggo sa pagbabasa ng Bibliya na nasa programa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Nangangailangan lamang ito ng ilang minuto bawa’t araw sa pagbabasa at pagbubulaybulay ng materyal. Ang Pulong Ukol sa Paglilingkod ay tutulong sa atin na maging alisto sa mga pamamaraan na magpapangyaring maging mabisa ang ating pangmadlang ministeryo. Tayo ba ay naghahanda, nagbibigay ng pantanging pansin kung papaano natin magagamit ito sa ministeryo? At nagsisikap ba tayong gamitin kaagad iyon? Dapat gumawa ng tiyak na mga kaayusan upang maging handa para sa Pag-aaral ng Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ginagawa ba natin iyon?

MAKIBAHAGI SA MGA PULONG

11 Tayo ay maaaring makinabang mula sa mga pulong kapag tayo’y nakikibahagi dito. Ang paghahanda para sa mga pulong at ang pagsasagawa ng pagsisikap na makibahagi ay nagpapangyaring tayo’y laging makapagbigay-pansin sa panahon ng pulong at nagiging madali para sa atin na makinabang mula sa mga komento ng iba. Natatandaan pa ng marami ang pagsisikap na ginawa nila sa pagbibigay ng kanilang unang komento sa pulong o ang kanilang unang pahayag ng estudiyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Bagaman hindi na tayo nagkakaroon ng matinding nerbiyos, patuloy ba tayong nagsisikap upang ang ating espirituwal na pagsulong ay mahayag sa lahat? (1 Tim. 4:15) Ang iba ay nakikinabang at napasisigla sa ating mga komento. Kung tayo ay maghahandang mabuti, pinag-aaralan ang materyal na isasaalang-alang sa mga pulong, ang ating makabuluhang pakikibahagi dito ay mag-uudyok sa iba sa pag-ibig at mabubuting gawa.—Heb. 10:23-25.

12 Hindi dapat na maging mahaba at masalimuot ang ating mga komento. Kadalasa’y pinakamabuti na ang gumawa ng maikling mga komento na tuwirang sumasagot sa mga inihaharap na katanungan o tumutulong upang liwanagin ang pagkakapit ng isang kasulatan. Kung tayo ay naghandang mabuti, makapagkokomento tayo sa ating sariling pananalita. Kapag ginawa natin iyon, malaki ang kapakinabangan natin at ng iba pa. Bakit? Sapagka’t kinakailangan nating isipin ang ating sinasabi at ipaliwanag ang punto gaya ng ating pagkakaunawa doon. Ginagawa nitong madali para sa iba pa na maunawaan ang materyal. Gayundin, ito’y tutulong sa ating matandaan ang impormasyon upang magamit sa ibang pagkakataon.

MAGHASIK NANG SAGANA SA LARANGAN

13 Ang ating Kristiyanong ministeryo ay kayamanan sa paglilingkod. (2 Cor. 4:7) Gayon ba ang pangmalas natin dito? Sa pamamagitan ng ministeryo, may pribilehiyo tayo na ipahayag ang ating pananampalataya sa iba. Sinabi ni Jesus na sa kasaganaan ng puso, nagsasalita ang bibig. (Luc. 6:45) Sa pamamagitan ng personal na pagsisikap nating magkaroon ng ganap na bahagi sa ministeryo sa larangan umaani tayo ng maraming kapakinabangan. Ang ating kaunawaan sa katotohanan ay napatatalas, at napasusulong natin ang kakayahang gamitin ang Bibliya. Taglay natin ang kagalakan na dalhin ang katotohanan sa iba at tulungan silang matuto hinggil sa kanilang Dakilang Maylikha. Tayo’y nagsisilbing mga saksi sa pagiging tama ng pamamahala at soberanya ng Diyos. Tayo’y maligaya dahilan sa nalalaman natin na ating napaluluguran si Jehova, na tayo’y ginawang kawangis niya upang gawin ang kaniyang kalooban.—Mat. 5:48.

14 Kung patuloy nating susukatin ang ating personal na pagsisikap, ang ating pagsamba kay Jehova ay hindi magiging basta paglilingkod upang makaraos lamang. Ano ang ibig sabihin nito? Ito’y nangangahulugang hindi tayo mawawalan ng sigla sa pagganap ng kalooban ng Diyos, na gumagawa ng pakitang-tao o kakaunting paglilingkod na walang tunay na taus-pusong debosyon o pagsisikap. Ang ating paglilingkod kay Jehova ay dapat na buong puso. May maka-Kasulatan tayong pananagutan na ibigay ang lahat ng ating makakaya sa paglilingkod. (Col. 3:23, 24) Totoo, nagkakaiba-iba ang mga kalagayan, at hindi tayo hinihilingan ni Jehova nang higit sa ating makakaya. Gayumpaman, inaasahan niyang gagawin natin yaong ating makakaya! (Mat. 22:37) Yamang ang makasalanang tao ay may hilig na umiwas sa paggawa, makabubuting suriin natin ang sarili sa pana-panahon upang makita kung saan tayo makagagawa ng pagsulong sa ating paglilingkod sa Diyos. Nakagawian ba natin ang gayon?

15 Kailangan ang pagbabantay kung nais nating maiwasan ang personal na tunguhin at mga pita na hahadlang sa atin sa paggawa ng pinakamabuti sa paglilingkod kay Jehova. Ang mga kalayawan, kinagigiliwang gawain, at mga paglilibang ay dapat na ingatan sa kanilang dako. Dapat din nating bantayan ang hilig na masyadong masangkot sa sekular na gawain. Sa pagsunod sa payo ni Jesus sa Mateo 6:22, 23, walang pagsalang makagagawa tayo ng higit na pagsisikap sa pagtataguyod sa mga espirituwal na interes at mag-aani ng katumbas niyaon.

16 Habang tayo ay patuloy na nagsisikap sa pagsusuot ng bagong pagkatao, babalikatin natin ang ating sariling mga pananagutan sa pagkakapit sa payo at mga mungkahi na ating tinatanggap sa mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, mga kombensiyon, at sa pamamagitan ng mga publikasyon. Nawa’y masikap na mag-aral ang bawa’t isa sa atin, aktibong makibahagi sa mga pulong, at makibahagi sa dakilang gawaing ito ng paggawa ng mga alagad ayon sa ipinahihintulot ng ating personal na kalagayan. Sa pamamagitan ng pagtugon taglay ang pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos, tiyak na aanihin nating sagana ngayon ang mga gantimpalang espirituwal at mapananatiling matatag ang pag-asa sa buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ni Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share