Paghaharap ng Mabuting Balita—Higit na Magkakabisa sa Pamamagitan ng Pakikinig
1 Upang maging mabisa sa ating ministeryo, dapat nating kilalanin na walang dalawang tao ang magkatulad. Ang bawa’t isa ay may kaniyang personal na pinagkakaabalahan at mga karanasan. Isang hamon na ipakita sa taong ating kausap kung ano ang kahalagahan nito sa kaniya nang personal. Upang mabisang magawa ito, kailangan tayong matamang makinig.
2 Maraming mamamahayag ang gumagamit ng mga tanong sa kanilang mga pambungad, at ito’y nakatutulong para madala sa usapan ang maybahay. Subali’t kapag nagsasalita ang maybahay, mahalaga na tayo’y makinig sa kaniyang sinasabi. Ang pakikinig ay nagpapamalas ng pag-ibig at paggalang sa kapuwa, at sa paggawa nito ating nalalaman ang iniisip ng tao. Ang pagkakaroon ng kaalaman sa kaniyang kalagayan ay tumutulong sa atin na magkaroon ng impatiya, upang ilagay ang ating sarili sa kaniyang katayuan.
MAKIBAGAY
3 Nagpayo si apostol Pablo: “Pag-aralang mabuti kung papaano makikipag-usap sa bawa’t taong inyong nasusumpungan.” (Col. 4:6, New English Bible) Bagaman hindi natin natitiyak kung ano ang sasabihin ng maybahay, pamilyar tayo sa mga suliraning napapaharap sa mga tao ngayon. Kaya, maaari nating “pag-aralan” at paghandaan ang iba’t ibang kalagayan.
4 Halimbawa, maaaring kayo’y handang magsalita hinggil sa kapayapaan, subali’t binanggit ng maybahay na siya’y nawalan ng trabaho. Di ba natin papansinin ang kaniyang sinabi? Maliwanag na ikinababahala niya ito, anupa’t maaari kayong magkaroon ng impatiya, na nagpapakita ng tunay ng pagkabahala sa kaniyang kalagayan. Pagkatapos ay may kabaitang akayin ang kaniyang atensiyon sa mga kasulatan na nagpapakita kung papaano maglalaan ng kasiyasiyang trabaho ang pamahalaan ng Diyos.—Isa. 65:17, 21, 22, 24.
5 Marahil ay nalaman natin na ang tao ay naging biktima ng krimen kamakailan o nagdurusa dahilan sa kawalan ng katarungan. Ang ating madamdaming pagkabahala ay maaaring magpalambot ng kaniyang puso, anupa’t maaaring maipakita sa kaniya kung papaanong si Jehova ay lubusang nakababatid sa ganitong makirot na suliranin at kikilos kaagad upang alisin ang lahat ng kabalakyutan.—Tingnan ang aklat na Nangangatuwiran, mga pahina 11, 14, 90-3 (mga pahina 10, 12, 229-31 sa Ingles).
6 Sa pamamagitan ng paglinang sa mabuting ugali ng pakikinig, maaari tayong maging higit na mabisa sa paghaharap ng mabuting balita, na ipinakikita ang walang pag-iimbot na interes ni Jehova sa iba, at matulungan pa ang iba na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa ating maibiging Maylikha at sa kaniyang bayan.—Sant. 1:19; g74 11/22 p. 21-3