Mga Pambungad Upang Mahikayat ang mga Maybahay na Makinig
1 Ano ang pinakamahalagang bahagi ng inyong presentasyon sa bahay-bahay? Karamihan sa atin ay sasang-ayon na ito ay ang pambungad. Kung ikaw ay nabigong antigin ang interes ng maybahay sa unang 30 segundo o higit pa, malamang na tapusin na niya ang usapan.
2 Anong mga salik ang dapat ninyong isaalang-alang sa paghahanda ng isang mabisang pambungad? Isaalang-alang ang mga kostumbre ng mga taong malamang na masumpungan ninyo. Kaugalian ba ang pagbabatian, o ang inaasahan ay ang pagiging tuwiran sa punto? Ang mga tao ba sa inyong kapaligiran ay nakababatid sa mga suliraning napapaharap sa sangkatauhan?
Mahihimok ninyo silang makinig sa pagsasabi ng gaya nito:
◼ “Magandang umaga po. Ang pangalan ko’y ————. Nakapanlulumong mabasa ang tungkol sa pagdaranas ng mga tao ng matinding gutom at pagkamatay sa mga digmaan. Gayon din ba ang nadarama ninyo?” Ang iba pang mga tanong na makatutulong sa pagpapasimula ng usapan ay: “Sa palagay kaya ninyo’y may makapag-aalis sa lupa ng mga suliranin sa ngayon?” “Halimbawa ang tagapamahala’y may mga katangiang gaya ng binabanggit sa Isaias 9:6, 7? [Basahin at magkomento sa kasulatan.]”
3 Sa ilang mga teritoryo, ang mga tao ay may mas malaking pagkabahala sa kanilang tahanan at pamilya kaysa pandaigdig na kapayapaan.
Maaari ninyong antigin ang interes sa pagtatanong ng:
◼ “Anong uri ng buhay ang nakikini-kinita ninyo para sa inyong pamilya pagkaraan ng sampung taon? Ang pangmalas ng Bibliya sa kinabukasan ay tunay na nakapagpapatibay dahilan sa inihula nito ang pagdating ng isang tagapamahala na magpupuno sa pamamagitan ng sakdal na mga pamantayan. Pansinin kung ano ang sinasabi tungkol sa kaniya ng Isaias 9:6, 7.”
4 Kayo ba’y nabubuhay sa lugar na ang laging paksa ay krimen at kaligtasan?
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Hello. Kami’y nakikipag-usap sa mga taga-rito hinggil sa kaligtasan sa panganib. Napakaraming krimen sa palibot natin, at ito’y nakakaapekto sa ating buhay.” Pagkatapos ay magtanong gaya ng “Ano kaya ang solusyon?” o “Ano kaya kung ang tagapamahala ay may katangiang gaya nito?” ay makatutulong upang mapasimula ang usapan. Maaari ninyong basahin ang Isaias 9:6, 7.
5 Tayong lahat, lakip na ang mga kabataan, ay maaaring gumamit ng simpleng presentasyong ito na isang teksto lamang. Nakatitiyak kaming marami ang masisiyahang gumamit ng mga presentasyong ito sa Pebrero, maging sa pag-aalok ng magasin at sa paghaharap ng regular na alok.
6 Kapag ginamit ninyo nang mabisa ang unang 30 segundo ng inyong dalaw, kapuwa sa pamamagitan ng inyong pagkilos at ng inyong pambungad, malamang na maabot ninyo ang pinakamahalagang tunguhin na hikayating makinig ang mga maybahay.