Ang Banal na Pagtuturo ay Nagtataglay ng Makapangyarihang Impluwensiya
1 Kay laking pribilehiyo natin na tumanggap ng instruksiyon mula sa Banal na Isa, ang ating Maylikha, si Jehovang Diyos! (Awit 50:1; Isa. 30:20b) Mula sa lahat ng mga bansa sa ngayon, pulu-pulutong ang dumaragsa sa kaniyang bundok ng dalisay na pagsamba upang maturuan niya. (Mik. 4:2) Ang milyun-milyong iba pa ay nagpapatala naman sa mga paaralan na nagtatanghal ng makasanlibutang karunungan. Subalit ang karunungan na nagwawalang bahala kay Jehova at sa kaniyang nasusulat na Salita ay kamangmangan sa paningin ng Diyos.—Awit 14:1; 1 Cor. 1:25.
2 Epekto sa Kristiyanong Pamumuhay: Ang banal na pagtuturo ay tumutulong upang mahubog ang ating mga budhi. Ang bawat isa ay ipinanganak taglay ang isang budhi, subalit upang maakay tayo nito sa daan ng katuwiran, ito’y kailangang sanayin. (Awit 19:7, 8; Roma 2:15) Hindi hinubog ng mga tao sa sanlibutan ang kanilang pag-iisip ayon sa Salita ng Diyos, at dahilan dito sila’y nalilito at hindi nakatitiyak kung ano ang tama at kung ano ang mali. Umiiral ang matinding pagtatalo sa mga isyung pangmoral dahilan sa iginigiit ng bawat isa ang paggawa ng kung ano ang tama ayon sa kaniyang sariling paningin. Ang karamihan ay nagnanais ng ganap na kalayaan upang magpasiya sa kanilang sariling landasin ng buhay. Sila’y tumatangging sumunod sa tanging pinagmumulan ng tunay na karunungan. (Awit 111:10; Jer. 8:9; Dan. 2:21) Subalit ang banal na pagtuturo ay lumutas sa gayong mga isyu para sa atin, at tayo ay nananatiling nagkakaisa bilang sambahayan ng Diyos sapagkat tayo ay tinuruan niya. May pagtitiwala tayong humaharap sa kinabukasan taglay ang isang mabuting budhi, na laging abala sa ating ministeryo.
3 Ang banal na pagtuturo ay tumutulong sa atin na labanan “ang bawat hangin ng aral.” (Efe. 4:14) Tayo’y hindi naaakit ng pag-aaral ng pilosopiya, na nagpapangyari sa mga tao na maging mapamintas at mapaghinala sa iba, malasarili, at umaakay sa pagkaguho ng moral. Tayo’y nalulugod na maturuan ni Jehova, at maiwasan natin ang kalungkutan at pighati na nararanasan ng marami. Ang mga batas at mga paalaala ni Jehova ay gaya ng ‘salita sa likuran natin,’ na nagsasabi: “Ito ang daan, lakaran ninyo, bayan.”—Isa. 30:21.
4 Ating mga Pulong at Ministeryo: Minamalas natin ang Hebreo 10:23-25 bilang isang utos mula sa Diyos. Sa mga pulong ng kongregasyon, tayo ay tinuturuan ni Jehova. Kaugalian ba natin na laging nasa mga pulong, o minamalas natin ang pagdalo sa pulong na hindi gaanong mahalaga? Tandaan, ang pagtitipong samasama ay bahagi ng ating pagsamba. Ito’y di dapat malasin na isang bagay na maaaring gawin kung gusto lamang ng isa. Hindi natin maaaring libanan ang anumang bahagi ng programa sa espirituwal na pagpapakain na inihanda para sa atin ni Jehova.
5 Si Moises ay nanalangin sa Diyos: “Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan sa gayon kami’y magtatamo ng pusong may karunungan.” (Awit 90:12) Ganito rin ba ang ating panalangin? Kinikilala ba natin ang bawat araw na mahalaga? Kung oo, kung gayon tayo’y “magtatamo ng pusong may karunungan” sa pamamagitan ng paggamit sa bawat araw sa isang kapakipakinabang na paraan, sa ikaluluwalhati ng ating Dakilang Instruktor, si Jehovang Diyos. Ang banal na pagtuturo ay tutulong sa atin na gawin iyon.