Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 1/94 p. 3-6
  • Mga Kabataan—Pagalakin ang Puso ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kabataan—Pagalakin ang Puso ni Jehova
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
  • Kaparehong Materyal
  • Magpasigla sa Pagtataguyod ng mga Espirituwal na Tunguhin
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1992
  • Relihiyon—Ako ba ang Dapat Pumili o mga Magulang Ko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Mga Kabataan, Nakapokus Ba Kayo sa Espirituwal na mga Tunguhin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Mga Kabataan, Maging Pasulong sa Ministeryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
km 1/94 p. 3-6

Mga Kabataan—Pagalakin ang Puso ni Jehova

1 Kapag ginagamit ng isa ang lakas at kalusugan ng kabataan sa tamang paraan, ang buhay ay tunay na kasiyasiya. Ang pantas na Haring Solomon ay sumulat: “Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan.” (Ecles. 11:9) Kayong mga kabataan ay mananagot sa Diyos sa inyong mga pagkilos.

2 Kung papaano kayo namumuhay ay may epekto hindi lamang para sa inyo kundi sa inyong mga magulang rin. Ang Kawikaan 10:1 ay nagsasabi: “Ang pantas na anak ay nagpapagalak sa ama, at ang isang hangal na anak ay dalamhati ng kaniyang ina.” Subalit higit pang mahalaga, ang inyong pamumuhay ay may epekto sa inyong Maylikha, si Jehovang Diyos. Kaya ang Kawikaan 27:11 ay nagpapasigla rin sa mga kabataan: “Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at iyong pagalakin ang aking puso, upang aking masagot siya na tumutuya sa akin.” Papaano mapagagalak ninyong mga kabataan ang puso ni Jehova sa ngayon? Ito’y maaaring magawa sa maraming paraan.

3 Sa Pamamagitan ng Wastong Halimbawa: Nararanasan ninyong mga kabataan ang “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan” na inihula ng Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:1) Kayo rin ay maaaring ginigipit ng mga kamag-aral na hindi kapananampalataya at maging ng mga guro na pinagtatawanan ang inyong salig sa Bibliyang pangmalas. Halimbawa, iniharap ng isang guro ang teorya ng ebolusyon bilang katotohanan at ang Bibliya bilang alamat. Gayunpaman, isang kabataang mamamahayag sa klaseng iyon ang matapat na nagtanggol sa Bibliya. Bilang resulta, maraming mga pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Ang ilang mga interesado ay nagpasimulang dumalo sa mga pulong. Ang pananampalataya ninyong kabataang kapatid na lalake at babae ay humahatol sa masamang sanlibutan at umaakit sa mga tapat puso tungo sa katotohanan.—Ihambing ang Hebreo 11:7.

4 Mapasisigla ba ninyo ang inyong mga kababata sa kongregasyon upang hindi sila sumuko sa masama? Sa pamamagitan ng mabuting halimbawa sa paaralan, at tahanan, at sa kongregasyon, mapatitibay ninyo ang pananampalataya ng iba pang mga kabataang mamamahayag. (Roma 1:12) Pagalakin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba.

5 Sa Pamamagitan ng Pananamit at Pag-aayos: Ang isang kabataang kapatid na babae ay tinukso at kinutya dahilan sa kaniyang mahinhing damit at tinawag na “hindi magalaw.” Hindi ito nakasindak sa kaniya upang umayon sa mga makasanlibutang pamantayan. Sa halip, ipinaliwanag niyang siya’y isang Saksi ni Jehova at ang sinusunod niya’y ang mataas na pamantayan ng mga Saksi. Taglay ba ninyo ang gayon ding katatagan? O hinahayaan ba ninyong hubugin kayo ng sanlibutan ni Satanas sa kaniyang paraan ng pag-iisip at paggawi? Kasiyasiyang malasin na marami sa inyong mga kabataan ang sumusunod sa aral ni Jehova at tumatanggi sa burarang mga istilo, mga kausuhan, mga idolo, at mga aral ng sanlibutan. Tunay, gaya ng ating natutuhan sa ating pandistritong kombensiyon kamakailan, dapat nating kilalanin na ang mga bagay na iyon na nagmumula sa sanlibutan ay naimpluwensiyahan ng mga demonyo.—1 Tim. 4:1.

6 Sa Pamamagitan ng Pagpili ng Aliwan at Libangan: Dapat na ingatan sa isipan ng mga magulang ang pangangailangang tulungan ang kanilang mga anak sa matalinong pagpili ng tumpak na uri ng aliwan at libangan. Mataas ang pagkakilala ng isang kapatid na lalake sa isang mabuting pamilya na natutuhan niyang pakamahalin. Dahilan sa pagiging palaisip sa espirituwal, ang mga magulang ay naglaan ng patnubay na kapit din sa paglilibang ng pamilya. Ang kapatid ay nagsabi: ‘Hinahangaan ko ang paggawa nilang magkakasama. Hindi lamang tinutulungan ng mga magulang ang mga anak na maghanda para sa paglilingkod, kundi kung panahon ng paglilibang, sila’y masayang naglalakad, bumibisita sa mga museo, o basta nasa bahay at naglalaro o may mga proyektong ginagawa. Ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa ay nagpapangyaring magkaroon ka ng pagtitiwala na sila’y lalakad sa katotohanan sa hinaharap, ano man ang mangyari.’

7 Sabihin pa, may pagkakataong hindi puwedeng maglibang at mag-aliw ang buong pamilya. Kailangang maintindihan ito ninyong mga kabataan lakip na ang kaselangan ng pagpili kung papaano ninyo gagamitin ang inyong libreng panahon. Determinado si Satanas na linlangin ang pinakamarami hanggat magagawa niya. Ang kabataan at walang karanasan ay lalo nang nakabilad sa kaniyang tusong pakana at mapandayang panghihikayat. (2 Cor. 11:3; Efe. 6:11) Kaya ngayo’y ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang paraan upang kayo’y hikayating malihis at itaguyod ang isang sakim na pamumuhay sa kalayawan at kalikuan.

8 Ang telebisyon ay isang dalubhasa sa pandaraya na nagtataguyod ng materyalistiko at imoral na istilo ng pamumuhay. Ang mga pelikula at video ay laging nagtatampok ng karahasan at garapal na sekso. Ang popular na mga musika ay lalong sumasamâ at nagiging mahalay. Ang panghihikayat ni Satanas ay maaaring magmukhang hindi masama, subalit nasilo nito ang libu-libong mga Kristiyanong kabataan tungo sa maling pag-iisip at paggawi. Upang mapaglabanan ang gayong panggigipit, kailangan ninyong lubusang itaguyod ang katuwiran. (2 Tim. 2:22) Kung kailangan ang pagbabago sa inyong pag-iisip o paggawi hinggil sa pag-aaliw at paglilibang, papaano gagawin ito? Ang salmista ay nagbibigay ng kasagutan: “Hinanap kita ng aking buong puso. Huwag nawa akong malihis sa inyong mga utos.”—Awit 119:10.

9 Ang pag-idolo sa mga bituin sa palakasan at tanghalan ay karaniwan. Ang pagkatakot kay Jehova ay tutulong sa inyo na huwag gawing idolo ang di sakdal na mga tao. Maging ang seksuwal na imoralidad ay iniidolo ng marami sa ngayon. Makapagbabantay ka laban sa hilig na ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa pornograpiya at nakasasamang musika. Hinggil sa musika, ang Abril 15, 1993, isyu ng Ang Bantayan ay nagsabi: “Ang musika ay isang banal na kaloob. Subalit, para sa marami, ito ay pinasasamâ nila. . . . Bilang iyong pakay, ang musika ay panatilihin mo sa kaniyang dako at ang gawa ni Jehova ang maging pangunahing pinagkakaabalahan mo. Maging pihikan at maingat tungkol sa musikang iyong pinipili. Sa gayon ay magagamit mo—hindi maaabuso—ang banal na kaloob na ito.”

10 Linangin ang ganap na pagkapoot sa masama. (Awit 97:10) Kapag tinutuksong gumawa ng masama, isipin kung papaano minamalas ni Jehova ang bagay na iyon, at isaalang-alang kung ano ang kalalabasan nito: di gustong pagbubuntis, sakit sa sekso, pagkawasak ng emosyon, pagkawala ng paggalang sa sarili, at pagkawala ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. Iwasang isubo ang sarili sa mga palabas sa TV, pelikula, video, awitin o mga usapang humihikayat sa kabalakyutan. Iwasang makisama sa mga inuuri ng Bibliya bilang mga “hangal.” (Kaw. 13:19) Maging mapamili; piliin bilang mga matalik na kasama yaong mga nasa kongregasyon na umiibig kay Jehova at sa kaniyang matutuwid na pamantayan.

11 Oo, ang mga kabataang tunay na nagnanais na pagalakin ang puso ni Jehova ay makikinig sa mabuting payo na masusumpungan sa Efeso 5:15, 16: “Magpatuloy sa mahigpit na pagbabantay kung papaano kayo lumalakad na hindi gaya ng mga mangmang kundi gaya ng mga marurunong, na sinasamantala ang panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.” Ano ang tutulong sa inyo upang magpatuloy sa “mahigpit na pagbabantay” sa inyong pagsulong sa mga huling araw na ito?

12 Pag-aasikaso sa mga Espirituwal na Pangangailangan: Sa Mateo 5:3, si Jesus ay nagkomento: “Maligaya ang mga gising sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Kayo man ay maaaring maging maligaya sa pamamagitan ng pagiging gising sa inyong espirituwal na pangangailangan. Ang pagtugon sa gayong pangangailangan ay naglalakip sa pagiging masigasig sa pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita, yamang ito’y nagpapatibay ng ating pananampalataya sa mga bagay na ating natututuhan.—Roma 10:17.

13 Mula sa personal na karanasan nababatid ninyo na hindi laging madaling makibahagi nang palagian sa ministeryo. Ang kalakhang bahagi nito ay maaaring dahilan sa kakulangan ng pagtitiwala. Kaya, ang matatag na determinasyon sa inyong bahagi ay mahalaga. Sa pakikibahagi sa ministeryo sa regular na paraan, mapasusulong ninyo ang inyong kakayahang magpatotoo at magkaroon ng pagtitiwala sa inyong kakayahang mangaral.

14 Magsaayos na gumawa kasama ng higit na makaranasang mga mamamahayag sa kongregasyon, gaya ng mga regular payunir at mga matatanda. Matamang makinig sa kanilang presentasyon at kung papaano nila pinakikitunguhan ang mga pagtutol sa pintuan. Gamiting mabuti ang aklat na Nangangatuwiran at ang mga mungkahing iniharap sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Hindi matatagalan at magtatamo kayo ng higit na kagalakan sa ministeryo dahilan sa ibinibigay ninyo ang lahat kay Jehova.—Gawa 20:35.

15 Sinamantala ng ilan ang mga pagkakataong magpatotoo sa paaralan at nagiging matagumpay sa paggawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Ang isang Kristiyanong kabataan ay nagsabi: “Sa panahong wala akong klase, marami akong pagkakataong magpatotoo, lalo na sa panahon ng mga makasanlibutang kapistahan. Nang ako’y nag-iwan ng mga publikasyon sa Bibliya sa aking mesa na makikita ng iba, maraming mga estudyante ang lumalapit sa akin.” Sa dakong huli, ang ilan sa mga estudyante at maging ang guro ay nagpasimulang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sa katunayan, ang guro ay sumulong sa punto ng pagiging isang naaalay na Saksi. Si Jehova’y nagagalak nang lubusan kapag ang mga kabataang mananamba gaya ninyo ay nagdadala ng papuri sa kaniyang pangalan.

16 Ang isa pang paraan upang masapatan ang inyong espirituwal na pangangailangan ay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral. Upang pagalakin ang puso ni Jehova, kailangan tayong kumuha ng kaalaman hinggil sa kaniya, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang mga kahilingan sa atin. Naglalaan ba kayo ng panahon para sa personal na pag-aaral? Kayo ba ay nag-aaral nang regular, gaya kung papaano kayo may panahon sa pagkain nang regular? (Juan 17:3) Kayo ba ay may personal na eskedyul para sa pagbabasa ng Bibliya bukod pa sa pagsisikap na umalinsabay sa eskedyul ng pagbabasa ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Kayo ba’y nagbabasa ng Bantayan at Gumising! nang palagian? Higit sa lahat, kayo ba’y may panahon para basahin ang bawat artikulo sa serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” at maingat na tinitingnan ang bawat teksto? At huwag kalimutan ang aklat na dinisenyo ng Samahan lalo na para sa inyong espirituwal na pangangailangan, Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Ang mga Kristiyanong kabataan at ang kanilang mga magulang sa buong daigdig ay sumulat upang sabihin na ang aklat na ito ay nakatulong sa kanila na mapalapit kay Jehova.

17 Kapag binabasa ninyo ang Bibliya at ang teokratikong mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, isinasaysay nito sa inyo ang tungkol kay Jehova, sa kaniyang iniisip, at sa kaniyang mga layunin. Isaalang-alang ang impormasyong makatutulong sa inyo. Ihambing kung ano ang inyong binabasa sa inyong dati nang nabasa. Nagsasangkot ito ng pagbubulay-bulay. Ang pagbubulay-bulay ay nagpapangyaring makaabot ang impormasyon sa puso at magpakilos sa inyo.—Awit 77:12.

18 Kami’y nagagalak makitang ang mga kabataan na gising sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon. Kayong mga Kristiyanong kabataan ay makapagpapasigla sa iba sa pamamagitan ng regular na pagbibigay ng mahuhusay na komento sa panahon ng mga pulong. Gawing tunguhin na magbigay ng kahit na isang komento sa bawat pulong. Linangin ang mainit na kaugnayan sa lahat na may iba’t ibang edad sa kongregasyon sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa kanila bago at pagkatapos ng mga pulong. (Heb. 10:24, 25) Ang isang kabataang kapatid na lalake ay nagkomento na ang kaniyang mga magulang ay nagpasigla sa kaniya na makipag-usap kahit na sa isa man lamang matandang kapatid na lalake o babae sa bawat pulong. Sa ngayon ay pinahalagahan niya ang karanasang natamo sa pakikisama sa mga matatandang miyembro ng kongregasyon.

19 Itaguyod ang Espirituwal na mga Tunguhin: Nakalulungkot na ang buhay ng maraming mga kabataan ay kulang sa layunin at direksiyon. Gayunpaman, hindi ba makabubuting maranasan ang damdaming nagmumula sa paglalagay ng mga teokratikong tunguhin at magtagumpay sa pagtatamo ng mga yaon? Ang mga tunguhing ito, na itinataguyod sa pamamagitan ng kaliwanagan ng banal na edukasyon, ay nagiging kasiyasiya sa isa at sa dakong huli ay aakay sa walang hanggang kaligtasan.—Ecles. 12:1, 13.

20 Kapag naglalagay ng mga tunguhin, ipanalangin iyon. Makipag-usap sa inyong mga magulang at sa mga matatanda. Suriin ang inyong sarili at ang inyong kakayahan, at magtakda ng praktikal na mga tunguhin ayon sa inyong magagawa at hindi bilang paghahambing sa iba. Ang bawat isa ay may kakaibang kayarian—pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal. Kung gayon, huwag asahang magagawa ang lahat ng nagagawa ng iba.

21 Ano ang ilan sa mga tunguhing maaari ninyong abutin? Kung hindi pa kayo mamamahayag o hindi pa nababautismuhan, bakit hindi ninyo gawing tunguhin ang mga ito. Kung kayo ay isang mamamahayag, maaari ninyong gawing tunguhing maglaan ng tiyak na panahon sa ministeryo bawat linggo. Magsikap upang maging isang may kakayahang guro sa mga pagdalaw muli, at gawin ninyong tunguhing magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kung kayo ay isang bautisadong kabataan sa paaralan, bakit hindi ninyo gawing tunguhin na mag-auxiliary payunir sa mga buwan ng tag-araw? Laging “maraming magagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Cor. 15:58.

22 Tulong Mula sa mga Magulang ay Mahalaga: Hindi dapat madama ng mga kabataan sa kongregasyon na sila’y nag-iisa sa pagsisikap na magkamit ng buhay. Si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay naglaan ng payo na tutulong sa mga kabataang ito sa paggawa ng mga pagpapasiya at pagtatagumpay sa mga hadlang sa buhay. Sabihin pa, ang nag-alay na mga magulang ay may pangunahing pananagutan na tulungan ang kanilang mga anak na gumawa ng mga wastong pagpapasiya. Sa 1 Corinto 11:3, itinalaga ng Bibliya ang asawang lalake bilang ulo ng sambahayan. Kaya sa isang Kristiyanong sambahayan, na ang asawang babae ay gumagawang malapit kasama niya, ang ama ay nangunguna sa pagtuturo sa mga anak ng mga utos ng Diyos. (Efe. 6:4) Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng taimtim na pagsasanay mula sa pagkasanggol. Yamang ang utak ng bata ay makaitlong ulit ang inilalaki sa unang taon ng buhay, hindi dapat maliitin ng mga magulang ang kakayahan ng sanggol na matuto. (2 Tim. 3:15) Habang lumalaki ang mga anak, kailangang pasulong na turuan sila ng mga magulang na umibig kay Jehova at linangin ang isang mabuting kaugnayan sa kaniya.

23 Sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon, may ibinigay na pahayag na pinamagatang “Magpagal Ukol sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan.” Iba’t ibang punto ang ibinahagi upang matulungan ang mga magulang na makita ang praktikal na mga paraan sa pagtulong sa kanilang mga anak. Pinakamabuting magpasimula sa mabuting halimbawa ng mga magulang. Mas malaki ang magagawa nito sa pagtulong sa mga anak sa espirituwal kaysa maraming kasasalita sa kanila kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. Ang pagbibigay ng wastong halimbawa ng mga magulang ay naglalakip sa pagpapamalas ng bunga ng espiritu sa loob ng tahanan, sa asawa at sa mga anak. (Gal. 5:22, 23) Nakita ng marami mula sa karanasan na ang espiritu ng Diyos ay isang makapangyarihang impluwensiya ukol sa ikabubuti. Makatutulong ito sa inyo na hubugin ang isipan at puso ng inyong mga anak.

24 Binanggit din sa kombensiyon ang pangangailangan para sa mga magulang na magbigay ng isang mabuting halimbawa sa kaugalian ukol sa personal na pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, at regular na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Kung may kasiglahan kayong magsasalita hinggil sa katotohanan sa tahanan, masigasig na mangunguna sa ministeryo, at positibo sa personal na pag-aaral, ang inyong mga anak ay mapasisiglang magkaroon ng taimtim na interes sa espirituwal na mga bagay.

25 Kapag maingat na pinaghandaan, ang isang regular, makabuluhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring maging kapanapanabik at kasiyasiya, isang panahong nagpapatibay sa pagsasamahan ng pamilya. Gumugol ng panahon upang abutin ang puso ng inyong mga anak. (Kaw. 23:15) Bagaman maraming pamilya ang gumagamit sa okasyong ito para maghanda ng lingguhang Pag-aaral sa Bantayan, sa pana-panahon nakapagpapasiglang isaalang-alang ang partikular na pangangailangan ng pamilya. Ang paggamit ng mga tanong na punto-de-vista at pakikinig sa mga komento ng bawat miyembro ng pamilya ay nakapagtuturo at kasiyasiya. Ang pagdaraos ng pag-aaral na kapakipakinabang sa bawat miyembro ng pamilya ay isang tunay na hamon sa ulo ng pamilya. Subalit kay laking pakinabang kapag sumulong ang lahat sa espirituwal! Sa pamamagitan ng pagsasangkot sa bawat isa, ang isang maligayang espiritu ay mamamayani.

26 Ang inyong maibigin, dalubhasang pagtuturo ngayon ay mahalaga sa pagliligtas sa buhay ng inyong mga anak. (Kaw. 22:6) Taglay ito sa isipan, madaling maintindihan na ito marahil ang pinakamahalagang pagtuturo na magagawa ninyo. Huwag kailanman iisiping kayo’y nag-iisa sa pantangi at mahalagang gawaing ito. Pag-aralang manalig nang lubusan kay Jehova ukol sa patnubay sa pagtupad sa inyong mga pananagutang pampamilya. Hindi lamang ito. Ang iba pa ay maaari ring makatulong nang malaki.

27 Kung Ano ang Magagawa ng Iba Upang Makatulong: Maaaring isama ng mga matatanda ang mga kabataan at ang kanilang mga magulang sa paglilinis ng Kingdom Hall. Pasiglahin ang mga kabataan sa mga pulong ng kongregasyon. Dapat bantayan ng mga matatanda at ministeryal na lingkod na naatasan sa mga bahagi ng Pulong Ukol sa Paglilingkod ang nakataas na kamay ng mga bata kapag may pakikibahagi ang tagapakinig. Humanap ng mga pagkakataong gamitin ang mga huwarang kabataan sa mga demonstrasyon kasama ng kanilang mga magulang. Ang ilan ay maaaring kapanayamin at magbigay ng maiikling komento.

28 Huwag ipagwalang bahala ang kanilang pagsisikap. Pinatunayan ng mga kabataan na sila’y tunay na mapapakinabangan sa kongregasyon. Sa pamamagitan ng kanilang mainam na paggawi, ‘pinalamutihan ng marami ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.’ (Tito 2:6-10) Maging palaisip sa pangangailangang papurihan ang mga kabataang nakikibahagi kahit na sa maliit na paraan. Ito’y nagpapasigla sa kanila na maghanda at magnais na muli itong gawin sa hinaharap. Ang gayong interes sa mga kabataan ng mga nakatatanda ay mahalaga. Gaano kadalas na kayo bilang matanda o ministeryal na lingkod ay lumapit sa mga kabataang miyembro ng kongregasyon upang papurihan sila sa isang pahayag o presentasyon sa pulong?

29 Mga payunir, ano ang magagawa ninyo upang makatulong? Bakit hindi repasuhin ang inyong eskedyul upang makita kung papaano maisasama ang mga nagsisipag-aral na mga bata sa inyong kaayusan sa hapon at mga dulong sanlinggo? Positibo ba kayong nakikipag-usap hinggil sa inyong piniling buong panahong paglilingkod? Ipinakikita ba ng inyong mukha na kayo’y nakakasumpong ng kagalakan sa ministeryo? Buong sigla ba ninyong inirerekomenda iyon sa iba, lalo na sa mga kabataan? Kapag gumagawa sa bahay-bahay, ang inyo bang pananalita ay nakapagpapatibay at positibo? Kung gayon, bilang isang payunir kayo ay nakikibahagi rin sa napakahalagang gawaing ito ng pagsasanay.

30 Ang lahat sa kongregasyon ay dapat na maging gising sa mahalagang gawain ng pagsasanay sa mga kabataan. Maaari ba kayong magkaroon ng tiyak na kaayusan upang gumawang kasama nila sa ministeryo? Maaari ba kayong magsanay kasama nila ng isang presentasyon bilang paghahanda sa gawaing bahay-bahay? Kayo ba’y alisto sa mga pagkakataong pasiglahin sila para sa panghinaharap na espirituwal na mga gawain kapag gumagawang magkasama sa ministeryo? Dapat mabatid ng bawat mamamahayag na kahit na ang kaunting komento ay maaaring lumikha ng positibong kaisipan tungo sa panghabang buhay na mga espirituwal na tunguhin, ukol sa walang hanggang kapakinabangan ng mga kabataan.

31 Maaaring Tulungan ng mga Kabataan ang Kanilang Sarili: Mga kabataan, pinasisigla namin ang bawat isa sa inyo na patuloy na sumunod sa mga turo ni Jehova at tanggihan kung ano ang inaalok ng sanlibutan. Patuloy na subukin ninyo ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuri sa inyong paggawi at saloobin. Ano ang inyong saloobin kay Jehova at sa inaasahan niya sa inyo sa pang-araw-araw na pamumuhay? Kayo ba’y nakikipagbaka nang lubusan laban sa impluwensiya ng mga idea ni Satanas? (1 Tim. 6:12) Yamang ang mga tao, partikular na ang mga kabataan, ay likas na naghahangad ng pagsang-ayon ng kanilang mga kababata, natutukso ba kayong sumunod sa karamihan sa paggawa ng masama? (Ex. 23:2) Nauunawaan ni apostol Pablo na may malaking panggigipit upang umayon sa mga pamamaraan ng sanlibutan.—Roma 7:21-23.

32 Nangangailangan ng tibay-loob upang labanan ang impluwensiya ng sanlibutan, upang kunin ang isang landasing kakaiba sa makasanlibutang mga kababata, at sumunod sa mga turo ng Diyos. Ang mga tao nang sinaunang panahon ay gumawa ng gayon taglay ang malaking tagumpay. Isaalang-alang ang tibay-loob ni Noe. Kaniyang hinatulan ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya at sa pag-iingat na hiwalay sa mga manggagawa ng kasamaan nang kaniyang kapanahunan. (Heb. 11:7) Makipagbaka ng lubusan sapagkat sulit ang lahat ng pagsisikap. Huwag tularan ang mahina, walang gulugod, matatakuting mga tao na sumusunod sa pulutong ni Satanas. Sa kabaligtaran, hanapin ang pakikipagsamahan sa mga nakakasumpong ng pabor sa mga mata ni Jehova. (Fil. 3:17) Hayaang mapalibutan kayo ng mga kasamahang kapanalig ninyong magmamartsa tungo sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. (Fil. 1:27) Ingatan sa isipan na may iisa lamang daan patungo sa buhay na walang hanggan.—Mat. 7:13, 14.

33 Kung ikinagagalak nating makita ang mga kabataang nagdudulot ng papuri at karangalan sa ating Diyos, gaano kalaking kagalakan ang idudulot nito sa kaniya! Walang alinlangang makakasumpong si Jehova ng kasiyahang makita ang mga kabataang lubusang nakikibahagi sa paghahayag ng kaniyang dakilang mga layunin. Sila’y “mana” mula sa kaniya, at nais niya ang pinakamabuti para sa kanila. (Awit 127:3-5; 128:3-6) Bilang pagtulad sa interes ng kaniyang Ama, nasumpungan ni Kristo Jesus ang malaking kagalakan sa pakikisama sa mga bata, at gumugol siya ng panahon upang patibayin sila sa kanilang pagsamba kay Jehova. Ipinamalas niya ang magiliw na pagmamahal sa kanila. (Mar. 9:36, 37; 10:13-16) Minamalas ba natin ang ating mga kabataan na gaya ng pangmalas ni Jehova at ni Kristo Jesus? Ang mga kabataan ba sa ating mga kongregasyon ay nakababatid kung papaano minamalas ni Jehova at ng mga anghel ang kanilang katapatan at mabuting halimbawa? Sila’y dapat papurihan at pasiglahin na pagalakin si Jehova sa pamamagitan ng pag-abot sa mga espirituwal na tunguhin. Mga kabataan, itaguyod ang mga tunguhing magdudulot ng mga pagpapala para sa inyo ngayon at sa hinaharap.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share