Pagdalo sa Pulong—Isang Maselang na Pananagutan
1 Gaano kataimtim ninyo minamalas ang pagdalo sa pulong? Pinahihintulutan ba ng ilan sa atin ang sekular na trabaho, pagod, araling-bahay, kaunting pisikal na karamdaman, o medyo masamang panahon na makahadlang sa ating obligasyon na dumalo sa mga pulong nang palagian?—Deut. 31:12.
2 Ang ilan sa ating mga kapatid ay naglalakad ng ilang oras at tumatawid sa mapanganib na mga ilog upang makadalo sa mga pulong. Sa inyong kongregasyon, maaaring may tapat na mga kapatid na “hindi kailanman pumapalya” sa kabila ng malubhang suliranin sa kalusugan, pisikal na kapansanan, o mabibigat na atas sa trabaho o sa paaralan. (Luc. 2:37) Bakit sila nagsisikap makadalo? Dahilan sa nalalaman nilang hindi sila magtatagumpay sa panggigipit ng sanlibutan sa kanilang sariling lakas. Kailangan nila ang lakas na ipinagkakaloob ng Diyos.—2 Cor. 12:9, 10.
3 Gaano kataimtim minamalas ng inyong pamilya ang pagdalo sa pulong? Ito ba’y kasinghalaga sa inyo ng panahon ng pagkain at sekular na trabaho? Sa mga gabi ng pulong, kayo ba’y nakikipagtalo sa inyong sarili kung baga dadalo o hindi, o ang regular bang pakikisama sa inyong mga kapatid ay isang bagay na obligadong gawin sa inyong sambahayan?
4 Bilang isang pamilya, bakit hindi bigyan ng may pananalanging konsiderasyon ang inyong pagdalo sa pulong? Pagkatapos ay gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago sa inyong eskedyul. Ang regular na pagdalo ay isang mahalagang bahagi ng ating teokratikong edukasyon at tunay na dapat na pakadibdibin.