Maglingkod kay Jehova Nang Walang Kaabalahan
1 “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” (Awit 144:15) Ang mga salita bang ito ni Haring David ay totoo pa rin, maging sa balakyot na mga araw na ito? (Efe. 5:16) Oo! Ang mga Kristiyano ay nakakasumpong pa rin ng kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Ang mga bagay-bagay ay hindi laging madali para sa atin. Si Satanas ay nagdudulot sa atin ng kahirapan sa “mapanganib na panahong” ito, subalit hindi tayo nasisiraan ng loob. (2 Tim. 3:1, 2) Ang pasama nang pasamang mga kalagayan ay higit na katunayan na ang panahon ay malapit na upang palisin ng Kaharian ng Diyos ang nabubulok na matandang sanlibutan at palitan ito ng isang malinis na bagong sanlibutan. (2 Ped. 3:13) Ang kadiliman ng sanlibutang ito ay hindi pumapatay sa alab ng ating maligayang pag-asa; sa halip, ang ating pag-asa sa Kaharian ay higit pang nagniningning. Kayo ba’y nagagalak na maglingkod kay Jehova bilang mga tagapagbigay liwanag sa madilim na sanlibutang ito?—Fil. 2:15.
2 Bilang mga indibiduwal, dapat na patuloy tayong nagbabantay kung papaano tayo naglilingkod kay Jehova. Bakit? Sapagkat si Satanas ay isang dakilang Mang-aabala. Isang diksiyonaryo ang nagbigay katuturan sa “mang-abala” bilang “ibaling sa kabila,” “umakay o umugit (gaya sa atensiyon ng isa) tungo sa ibang bagay o sa magkakaibang direksiyon sa panahon ding iyon,” at “upang guluhin o lituhin taglay ang magkasalungat na damdamin o motibo.” Mula nang ibinulid dito sa lupa, si Satanas ay nagtatagumpay sa “pagliligaw” sa sangkatauhan. Kaniyang ginagamit ang maraming paraan upang alisin ang pansin ng tao mula sa tunay na isyu sa ating panahon. (Apoc. 12:9) Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay nagsikap sa pangangaral ng Kaharian sa nakaraang isang daang taon, gaano karaming tao ang nagpahalaga sa pinakamahalagang isyu ng pagpapabanal sa pangalan ng Diyos at sa pagbabangong puri sa kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos? Iilan lamang. (1 Juan 5:19) Kung kayang abalahin ni Satanas ang bilyun-bilyong tao sa lupang ito, nananatili pa rin ang panganib na kaya niyang abalahin tayo o kunin ang ating atensiyon upang iwan natin ang paglilingkod kay Jehova. Nakalulungkot, ang ilan sa ating mga kapatid ay nagkaroon ng kalituhan dahilan sa mga pang-aabala ni Satanas. Pinahintulutan nila ang kanilang kaisipan na matangay sa iba’t ibang direksiyon. Maraming iba’t ibang pang-aabala sa ngayon. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito.
3 Mga Suliranin sa Ekonomiya at Pag-ibig sa Materyal na mga Bagay: Sa maraming bansa sa lupa, ang kawalan ng trabaho at mataas na halaga ng pamumuhay ay nagdudulot ng kabalisahan. Totoo, kailangan nating paglaanan ng pagkain, pananamit, at tahanan ang ating sarili at ang ating pamilya. Subalit kung pahihintulutan natin ang sarili na maging labis na nababalisa sa mga pangangailangan sa buhay, ang pagkabahala sa mga ito ay mangingibabaw sa ating kaisipan. Ang ating pisikal na kaligtasan ay maaaring maging siyang pinakamahalagang bagay sa buhay sa halip na sa pagtataguyod natin sa isyu ng Kaharian. Ang apostol Pablo ay nagbigay ng payo sa bagay na ito sa Hebreo 13:5, 6. Tiniyak sa atin ni Jesu-Kristo na yaong mga umuna sa Kaharian ay hindi kailangang mabalisa; si Jehova ay naglalaan kung ano ang talagang kailangan natin. (Mat. 6:25-34) Ang mga payunir at ang iba pang buong panahong mga lingkod sa buong lupa ay makapagpapatunay na ito’y totoo.
4 Ang sanlibutan ni Satanas ay nagtataguyod sa pag-ibig sa materyal na mga bagay. Ang pagtatamo ng higit pang ariarian o pagsasanggalang sa mga ito ay siyang nagtutulak na puwersa sa buhay ng milyun-milyon. Ang gayong mga kaabalahan ay umiral noong kaarawan ni Jesus. Isang mayamang kabataang tagapamahala ang nagtanong kay Jesus kung ano ang kailangan niya upang manahin ang buhay na walang hanggan. Si Jesus ay sumagot: “Kung ibig mong maging sakdal [o, kompleto], humayo ka at ipagbili ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.” (Mat. 19:16-23) Maliwanag, ang marami niyang materyal na ariarian ay nakaabala sa kabataang lalaking ito sa paglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa. Ang kaniyang puso ay nasa kaniyang kayamanan. Nalalaman ni Jesus na ang kabataang lalake ay makikinabang kung babawasan niya ang mga kaabalahang ito. Siya’y hinadlangan ng mga ito sa pagiging kompleto sa kaniyang debosyon sa Diyos. Papaano ka naman? Nasusumpungan mo ba ang iyong sarili na gumugugol ng higit na panahon sa sekular na trabaho upang mapanatili ang istilo ng pamumuhay na doo’y nahirati ka? Ito ba’y nakakaapekto sa iyong paglilingkod kay Jehova? Ang iyo bang materyal na ariarian ay gumigipit sa mga kapakanan ng Kaharian? (Mat. 6:24) Maaari mo bang gawing payak ang inyong buhay upang makapaglaan ng higit na panahon sa mga espirituwal na kapakanan?
5 Karaniwang mga Gawain sa Pang-araw-araw na Buhay: Kung hindi tayo maingat, maaari tayong magumon sa karaniwang gawain sa buhay anupat unti-unti na nating nakakaligtaan ang mga espirituwal na tunguhin. Tandaan ang mga tao noong kaarawan ni Noe. Sila’y lubhang abala sa sosyal na mga gawain, kumakain, umiinom, nag-aasawa at ang kanilang mga anak ay pinag-aasawa, anupat hindi nila binigyang pansin ang babalang mensahe ni Noe hinggil sa nalalapit na Gunaw. Bago nila nalaman iyon, dumating ang Baha at nilipol silang lahat. Ang mga kaabalahan ay naging dahilan ng pagkapuksa nila. Sinabi ni Jesus: “Magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mat. 24:37-39) Tunay, ang karamihan sa mga tao ngayon ay masyado nang nagumon sa kanilang sariling mga buhay para bigyan pa ng pansin ang babalang mensahe na ating dinadala sa kanila. Sila’y nagpapakita ng nakapangingilabot na kawalang interes sa espirituwal na mga bagay.
6 Ang inyo bang buhay ay punong puno ng sosyal na mga gawain anupat ang espirituwal na mga bagay ay nabibigyan ng paliit nang paliit na pansin? Sa isang okasyon, inanyayahan si Jesus na maging panauhin sa bahay nina Marta at Maria. Si Maria ay matamang nakikinig sa kaniyang sasabihin. Sa kabilang panig, si Marta ay “nagagambala sa pag-aasikaso sa maraming tungkulin.” Si Marta ay masyadong nababahala sa pagiging isang mabuting punong-abala. Nabigo siyang mapahalagahan ang pangangailangang kumuha ng panahon upang makinig kay Jesus. May kabaitang ipinakita ni Jesus kay Marta na ang sobrang mga bagay ay hindi kailangan; higit na pansin ang kailangang ibigay sa espirituwal na mga bagay. Kailangan ba ninyong ikapit ang payong iyon? (Luc. 10:38-42) Si Jesus ay nagbabala rin na dapat tayong magbigay pansin sa ating sarili na hindi tayo dapat maging matakaw at uminom nang labis, na pinapupurol ang ating pandamdam. Sa mapanganib na oras na ito sa kasaysayan ng sangkatauhan, kailangan tayong maging lubusang gising.—Luc. 21:34-36.
7 Paghanap ng Kaluguran: Ang isa sa pinakamalaking kaabalahan na ginagamit ng Diyablo na naglalayo ng pansin mula sa isyu ng Kaharian ay ang paghanap ng kaluguran. Milyun-milyon sa Sangkakristiyanuhan ang naglagay sa kaluguran sa dako na nakatalaga sa Diyos. Mas gusto nilang maaliw ng ilang libangan kaysa magkaroon ng taimtim na interes sa Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:4) Sabihin pa, ang kapakipakinabang na paglilibang at pag-aaliw ay hindi masama sa ganang sarili. Subalit ang paggamit ng sobrang panahon bawat linggo sa gayong mga bagay gaya ng telebisyon, sine, video, palakasan, sekular na pagbabasa, o libangan ay maaaring lumikha ng isang mapandayang puso at hilahin tayo mula kay Jehova. (Jer. 17:9; Heb. 3:12) Papaano ito mangyayari? Sa panahon ng ating Kristiyanong mga pulong, maaaring masumpungan ninyong gumagala-gala ang inyong isipan; maaaring isipin ninyong matapos na sana ang pulong upang makabalik kayo sa paghanap ng kaluguran. Di magtatagal, maaaring masumpungan ninyo ang sarili na naghahanap ng dahilan upang manatili sa bahay sa halip na dumalo sa mga pulong o lumabas sa larangan ng paglilingkod. Ngayon na ang panahon upang tiyaking mabuti kung ang mga bagay na ito ay nagiging kaabalahan sa inyong buhay. (Luc. 8:14) Hindi kaya mas mabuti kung ang ilan sa mahalagang oras na ginagamit sa paglilibang ay magagamit sa pagpapasulong sa espirituwal?
8 Di Mahahalagang Isyu na Umuubos ng Panahon: Ang ilan ay nahuli ng pagsisikap na lutasin ang karaniwang mga suliranin sa makabagong lipunan. Kailangang iwasan ng mga Kristiyano na masangkot sa walang katapusang debate ng sanlibutan hinggil sa mga isyung sosyal o sa bigong pagsisikap na maituwid ang kawalang katarungan. (Juan 17:16) Ang lahat ng ito ay bahagi ng pakana ni Satanas na alisin ang pansin sa payo ng Bibliya at sa saligang katotohanan na may iisa lamang namamalaging solusyon—ang Kaharian ng Diyos. Kung tayo ay nasaktan nang personal o nagdanas ng kawalang katarungan, dapat tayong magbantay laban sa pagkabagabag ng ating damdamin o paghihiganti anupat malimutan natin kung sino tayo—Mga Saksi ni Jehova. Higit sa lahat, si Jehova ang kanilang ginawan ng masama, at ang kaniyang pangalan ang dapat nating pakabanalin.—Isa. 43:10-12; Mat. 6:9.
9 Bagaman nais ng bawat isa na manatili sa mabuting kalusugan, ang pagbibigay ng labis na atensiyon sa waring walang katapusang teorya at mga iniaalok na lunas ay maaaring maging dahilan ng pagkagumon sa mga bagay hinggil sa kalusugan. Maraming mga tao ang nagtataguyod ng sari-saring dieta, panggagamot, at mga lunas sa pisikal at emosyonal na mga suliranin, na ang marami ay nagkakasalungatan sa isa’t isa. Kung ano ang ginagawa ng isa hinggil sa kalusugan ay isang personal na pagpapasiya, subalit huwag hayaang ang inyong panahon at atensiyon ay masyadong magumon sa gayong mga bagay na anupat lumalamig ang inyong sigasig sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos bilang siyang tunay na lunas sa mga karamdaman ng sangkatauhan.—Isa. 33:24; Apoc. 21:3, 4.
10 Maging Matatag, Hindi Nakikilos: Habang papalapit na ang katapusan, si Satanas ay mag-iibayo sa kaniyang pagsisikap na abalahin kayo sa paglilingkod kay Jehova. “Subalit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.” Papaano? Kailangan ninyong palusugin ang inyong sarili sa pamamagitan ng kaisipan ng Diyos. (Mat. 4:4) Huwag hayaang ang kaabalahan ng sanlibutang ito ay mag-alis sa inyo at sa inyong pamilya ng panahon na kailangan ninyo sa pagbubulay-bulay at tahimik na pag-iisip sa Salita ng Diyos. Sa pagkain ng pamilya, talakayin ang nakapagpapatibay na mga karanasan at iba pang espirituwal na bagay nang samasama. Manatili sa isang patuloy na eskedyul ng personal na pag-aaral at paghahanda sa mga pulong.
11 Kapag pinagbabantaang guluhin ng pagkabalisa ang inyong isipan, ihagis ninyo ang inyong pasan kay Jehova sa panalangin. Manalig na kayo’y ipagmamalasakit niya. (1 Ped. 5:7) Hayaang ang kapayapaan ng Diyos ay magbantay sa inyong puso at kapangyarihan ng pag-iisip. (Fil. 4:6, 7) Huwag hayaang ang kaabalahan ay magpalabo sa inyong espirituwal na paningin. Ingatang palagi si Jehova sa harapan ninyo, gaya ng ginawa ni Jesus. (Gawa 2:25) Ingatang nakatinging matuwid ang inyong paningin sa inyong tunguhin sa harapan, gaya ng pagpapatibay sa atin ng Kawikaan 4:25-27: “Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo. Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad. Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man.”
12 Laging dumalo sa lahat ng mga pulong, at disiplinahin ang inyong sarili upang kayo’y matamang makapagbigay-pansin sa tagubilin ng Salita ng Diyos. (Heb. 2:1; 10:24, 25) At sa halip na hanapin ang kalugurang iniaalok ng papalubog na sanlibutan, gawin ninyong tunguhin na mapanatili ang isang mabungang ministeryo. Ito ang nagdudulot ng namamalaging kagalakan at kasiyahan. (1 Tes. 2:19, 20) Bilang pangwakas, huwag hayaan ang anuman o ang sinuman na makaabala sa inyo sa inyong banal na paglilingkod. “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”