1995 “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon
1 Gaano karaming dahilan ang taglay natin upang maging maligaya? Kaypala’y hindi marami sa atin ang sumubok na ilista ang lahat ng mga ito. Sa kabila ng pamumuhay sa isang sanlibutan ng kaguluhan at kawalang katiyakan, taglay natin ang maraming dahilan upang maging maligaya. Kaya, ang “Maliligayang Tagapuri” ay isang angkop na tema para sa 1995 na mga pandistritong kombensiyon.
2 Pinupuri natin si Jehova sapagkat tinuruan niya tayo ng katotohanan. (Isa. 54:13; Juan 8:32) Tayo naman ay may kagalakang namamahagi ng katotohanan sa lahat ng naghahanap ng katiwasayan at kaligayahan. (Ezek. 9:4; Gawa 20:35) Ang ating Kristiyanong pagkakapatiran ay nagdudulot din sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga dahilan ukol sa ating kagalakan na nag-uudyok sa atin upang purihin si Jehova. Ang mga pahayag at demonstrasyon sa kombensiyon ay magdadala sa ating pansin ng karagdagan pang maka-Kasulatang dahilan ukol sa kagalakan sa maligalig na mga huling araw na ito.
3 Tatlong-Araw na Kombensiyon: Gumawa ba kayo ng kaayusan sa inyong pinapasukan na hindi muna magtrabaho upang makadalo sa tatlong araw na kombensiyon? Saan ang pinakamalapit na kombensiyon sa inyo? Sa katapusan ng insert na ito ay ang listahan ng mga petsa at lugar ng 43 kombensiyon sa Pilipinas.
4 Ang programa ay magsisimula sa Biyernes sa alas 8:30 n.u. at magtatapos sa Linggo sa bandang alas 3:50 n.h. Sa Sabado, ang programa ay magsisimula sa alas 8:30 n.u., at sa Linggo ito ay magsisimula sa alas 9:00 n.u.
5 Kayo ba’y Makadadalo?: Hinihimok namin kayo na huwag laktawan ang isang araw o isang sesyon ng kombensiyon. Bakit gayon? Nais ni Jehova na tayo’y naroroon. Sa ngayon ang ating pananampalataya at espirituwal na kalusugan ay nasa matinding pagsalakay. Si Pablo ay nagpayo na hindi dapat “pinababayaan ang ating pagtitipon” sa panahong ang mga Kristiyano sa Judea ay nakararanas ng matinding panggigipit. (Heb. 3:12, 13; 10:25) Ang mga taga-Filipos ay nabubuhay “sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.” Gayunman, sila ay “sumisikat . . . bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Fil. 2:15) Bakit kakaiba ang unang-siglong mga Kristiyanong ito? Sapagkat naging masunurin sila sa pag-akay ng banal na espiritu na magtipong sama-sama “upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.”—Heb. 10:24.
6 Ang impluwensiya ng sanlibutan ay maaaring unti-unting magpahina sa ating pagnanais na makipagtipon sa ating mga kapatid at pumuri kay Jehova. Hinihikayat ng sanlibutan ang mga tao na maging mapagsarili. Sinasanay tayo ni Jehova na huwag maging gaya ng sanlibutan. Kaya may pagpapakumbabang napasasakop tayo sa espiritu ni Jehova at may kagalakang nagtitipon kasama ng ating mga kapatid upang lubusang tamasahin ang programa ng kombensiyon. Determinado ba tayong makadalo kasama ng ating buong pamilya? Sa regular na paraan, kailangan nating patibayin ang ating pag-ibig at pananampalataya. Ang mga katangiang ito ay hindi nagiging permanente minsang natamo kundi tulad ng iba pang nabubuhay na bagay ito ay lalago kapag pinakain sa espirituwal o kaya’y malalanta at mamamatay kapag labis na nagutom.
7 Mag-uwi ng Kayamanan: Papaano ninyo tatamuhin ang pinakamalaking kapakinabangan mula sa kombensiyon? Ang sagot ay sa pamamagitan ng “taimtim na pakikinig.” Hindi ito madali para sa nagtutumuling lipunan sa ngayon. Ang masisiglang kabataan ay maaaring nahihirapang makinig nang taimtim, subalit ito’y isang hamon na napapaharap sa ating lahat kapag dumadalo sa isang pandistritong kombensiyon. Masusumpungan nating madaling makinig nang taimtim kapag tinatanong natin ang sarili, ‘Ano ang tema ng kombensiyon?’ Bulay-bulayin ito! ‘Bakit ako magtutungo roon at ano ang aking gagawin sa loob ng tatlong araw? Ang mga gabi ko ba ay puro sa paglilibang, o nag-eskedyul ba ako ng sapat na panahon sa pagpapahinga at pagrerepaso sa mga tampok na bahagi ng kombensiyon?’
8 Ang Agosto 1, 1984, artikulo ng Bantayan na “Ikaw ba’y Nagbubulaybulay o Basta Nangangarap Nang Gising?” (Pebrero 1, 1984 sa Ingles) ay nagbibigay ng ilang mungkahi kung papaano lubos na makikinabang sa pulong at pagkatapos ay nagsabi ito: “Ang pagdisiplina sa isip ang marahil pinakamahalaga.” Kapag nagsimula ang tagapagsalita, kadalasang tayo’y matamang nakikinig, subalit kaypala’y sa kalagitnaan ng pahayag, pinahihintulutan nating “gumala-gala” ang ating isipan. Papaano natin mahahadlangang mangyari ito?
9 Sikaping magkaroon ng sapat na pahinga bawat gabi. Hindi laging madali ito, subalit ang mabuting pagpaplano ay kadalasang magpapangyari na kayo’y magkaroon ng kinakailangang pahinga.
10 Ang pagkuha ng maiikling nota ay napatunayang isang tulong sa pakikinig nang taimtim. Kapag sinikap ninyong isulat ang napakaraming impormasyon, ang ilang mahahalagang punto ay maaaring malaktawan nang lubusan. Bilang mungkahi, kumuha ng mga nota taglay ang tunguhing iharap ang isang sumaryo ng programa sa isang estudyante ng Bibliya o sa isang may kapansanang mamamahayag. Sa pamamagitan ng pagkuha ng nota at pagsasabi ng inyong narinig, hindi ninyo malilimutan kaagad ang impormasyon. Ang pagsasaysay ay nagpapasulong ng memorya.
11 Angkop na magbigay ng mabait na paalaala hinggil sa mga kamera at kagamitan sa pagrerekord. Nagpasiya man kayong kumuha ng mga litrato o i-rekord ang mga bahagi ng programa sa pamamagitan ng camcorder o audiocassette recorder ito ay isang personal na bagay. Gayunpaman, ang lahat ng mga kasangkapang ito ay dapat gamitin sa paraan na hindi makagagambala sa iba o hahadlang sa inyo sa pakikinabang mula sa programa. Pagkatapos na kayo’y umuwi ng bahay, may panahon pa ba upang repasuhin ang mga nai-rekord? Kaypala’y masusumpungan ninyo na sapat na ang pagkuha ng mga nota.
12 Pagtatakip sa Gastos: Bagaman hindi na maglalaan ng pagkain, malaki pa rin ang gastos sa pag-upa sa pasilidad ng kombensiyon, at sa mga kagamitan sa public address na inilaan ng Samahan. Papaano natatakpan ang mga gastos na ito? Sa pamamagitan ng ating boluntaryong donasyon na patiunang ibinigay sa komite ng kombensiyon o sa mismong kombensiyon doon sa departamento ng pananalapi o sa mga kahon ng kontribusyon. Ito’y kasuwato ng Awit 96:8 at 2 Cronica 31:12.
13 Ang Maliligayang Tagapuri ay Nagpaparangal kay Jehova sa Pamamagitan ng Maka-Diyos na Paggawi: Noong nakaraang taon mga nakapagpapatibay na komento ang natanggap mula sa mga tauhan ng otel at mga kawani sa pasilidad ng kombensiyon hinggil sa ating paggawi. Isang manedyer ng otel ang nagsabi: “Laging kasiya-siyang patuluyin ang mga Saksi dahilan sa sila’y matiisin at nakikipagtulungan at maingat na binabantayan ang kanilang mga anak.”
14 Nais sana nating magkakaparehong ulat ang natanggap, subalit nakalulungkot na hindi gayon. Isang tsirman ng kombensiyon ang nakapansin: “Pagkatapos ng mga sesyon, malalim na sa gabi, malalaking bilang ng mga tin-edyer ang nag-ipun-ipon sa bulwagan [ng otel] na malakas na naghahalakhakan at naghihiyawan. Ito’y nakagagambala sa ibang panauhin . . . , na maliwanag na nagalit.”
15 Ang isa pang problema na nagpapatuloy sa loob ng maraming taon ay ang malalaking bilang ng mga kapatid na nagtitipong sama-sama sa mga pasilyo at sa labas ng awditoryum sa panahon ng mga sesyon. Sa isang kombensiyon nang nakaraang taon, isang sulat mula sa isang estudyante ng Bibliya ang nasumpungan sa kahon ng kontribusyon. Ito’y kababasahan: “Hindi pa ako kailanman nagitla gaya nito dahilan sa ingay, ginagawa, pagdadaldalan, at di wastong paggawi sa mga pasilyo sa oras ng mga pahayag . . . Hindi pa ako isang Saksi, isa lamang nakikipag-aral at natututo ng maka-Diyos na takot at paggalang.” Ano ang madarama ninyo kung ang estudyanteng ito sa Bibliya ay hihinto sa pakikisama dahilan sa walang-pakundangang paggawi ng iilan lamang?—Mat. 18:6
16 Sa lahat ng panahon ay dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Sino ba ang kinakatawanan ko, at bakit ba ako dumadalo sa kombensiyong ito?’ Ang ating espirituwalidad ay namamalas sa ating pagsasalita, paggawi, at pagpapahalaga sa mga espirituwal na paglalaan. (Sant. 3:13; 1 Ped. 2:2, 3, 12) Ang mga kapatid sa lupain kung saan sila nagtiis sa maraming taon ng paghihigpit at pagbabawal ay kadalasang mas mapagbigay-pansin at magagalang sa mga kombensiyon, nananatili sa kanilang upuan at nakikinig nang taimtim.
17 Ang Inyong Pananamit at Pag-aayos ay Nagpapadala ng Isang Mensahe: Sa 1 Samuel 16:7, ipinagugunita sa atin na “ang nakikita lamang ng tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” Kaya, kadalasang tayo’y hinahatulan ng mga tao batay sa ating anyo. Ang ating pananamit at pag-aayos ay sumasailalim ng maingat na pagsusuri, lalo na kapag tayo’y dumadalo sa isang kombensiyon ukol sa pagsamba at pagtuturo sa Kristiyanong pamumuhay. Kung kayo’y isang kabataan na pumapasok sa paaralan o kung ang inyong pinagtatrabahuhan ay naglalapit sa inyo sa mga taong sumusunod sa istilo ng sanlibutan, ito’y maaaring isang hamon sa inyo sa panghahawakan sa Kristiyanong pamantayan para sa mahinhing kagayakan.
18 Ang mga pamantayan ng pananamit at pag-aayos ay iba’t iba sa buong daigdig. Ang mga Kristiyano ay inaasahang magsusuot ng mahinhin at maayos na pananamit. Sino ang magtatakda nito? Dapat tiyakin ng mga magulang na ang kanilang mga anak na tin-edyer ay hindi nananamit gaya ng makasanlibutang mga kabataan sa paaralan. Para sa karamihan, ang istilo ng pananamit ay isang personal na desisyon. May mga pamantayang inilaan upang tulungan tayong gumawa ng maiinam na desisyon sa bagay na ito. Pinasisigla namin kayong repasuhin ang Pebrero 8, 1987, ng artikulo ng Awake! na “What Do Clothes Mean to You?” Ano ang napansin sa ilan sa ating mga kombensiyon nang nakaraang taon?
19 Pagkatapos ng isa sa mga “Maka-Diyos na Takot” na mga Pandistritong Kombensiyon, aming natanggap ang ganitong obserbasyon: “Ang mga kapatid na lalaki at babae ay malaki ang isinulong sa kanilang pananamit, pag-aayos, at paggawi sa kombensiyon sa taóng ito. . . . Gayunpaman, mayroon pa ring ilang . . . pag-uugali na kailangan pang pasulungin.” Pagkatapos ng isa pang kombensiyon ay iniulat na naging kapuna-puna ang di mahinhing pananamit. Binanggit ng ulat na napansin din ng ilang taga-labas ang di mahinhing pananamit. Ang damit ng ilan ay masyadong naghahantad at humahakap sa katawan.
20 Ang karamihan sa mga kapatid na lalaki at babae ay nagsusuot ng mahinhing kasuutan samantalang nasa lugar ng kombensiyon. Gayunpaman, samantalang nasa mga otel o mga restauran, ang ilang mga kapatid na lalaki at babae, na suot pa rin ang kanilang mga badge, ay nagsuot ng “tank tops” (maikling sando), lumang denims, sobrang ikling short . . . at usong pananamit na hindi angkop sa bayan ng Diyos.” Kung mapansin ng mga matatanda na ang ilan ay may hilig na manamit sa ganitong paraan kapag nagpapahingalay, makabubuting magbigay ng mabait subalit matatag na payo bago ang kombensiyon na ang ganitong ayos ay hindi angkop, lalo na para sa mga dumadalong delegado sa isang Kristiyanong kombensiyon. Pakisuyong repasuhin sa inyong mga estudyante sa Bibliya na dadalo sa kombensiyon ang mga giya hinggil sa paggawi at pananamit na binalangkas sa itaas.
21 Pagpapanatiling Malinis ng Ating Kapaligiran: Marami ang nagkomento hinggil sa kalinisan ng bayan ni Jehova sa mga kombensiyon. Panatilihin natin ang mataas na pamantayang ito, na hindi nagtatapon ng papel, balat ng kendi, o iba pang mga lalagyan, sa sahig. Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag magtapon ng pambalot na papel sa sahig. Bago umuwi sa tahanan sa gabi, tingnan ang palibot ng inyong upuan at pulutin ang anumang basura na nakakalat at itapon sa wastong basurahan o iuwi sa tahanan at doon itapon iyon. Kung papaanong iniingatan natin ang ating Kingdom Hall na masinop at malinis, gayon din ang ating gawin sa ating mga pasilidad ng kombensiyon.
22 Sekular na Trabaho: Tayo’y dumadalo sa kombensiyon upang kumuha ng espirituwal na pagkain. Kung gayo’y hindi ito panahon upang mag-isip ng mapagkakakitaan o magtinda ng mga bagay para sa personal na pakinabang sa pamamagitan ng pagsasamantala sa malaking bilang ng nagsisidalo. Muli naming ipinagugunita sa lahat na walang pahihintulutang magtinda ng personal na mga bagay sa loob ng kombensiyon, at yaon lamang mga bagay na galing sa Samahan ang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang mga departamento sa kombensiyon.
23 Mga Gamit sa Pagre-rekord: Pakisuyong tandaan, na kung kayo’y nagpaplanong gumamit ng mga camcorder o anumang uri ng kagamitan sa pagre-rekord, magpakita ng konsiderasyon sa mga nasa palibot ninyo. Ang paglalakad sa palibot sa panahon ng sesyon o maging ang pagre-rekord mula sa inyong upuan ay maaaring makagambala sa iba. Walang gamit sa pagre-rekord anumang uri ito ang dapat na ikabit sa koryente o sa linya ng sound, o makasagabal ang kasangkapan sa mga pasilyo.
24 Upuan: Noong 1994 “Maka-Diyos na Takot” na Pandistritong Kombensiyon, may napansin ba kayong pagsulong may kinalaman sa pagrereserba ng upuan? May ilang pagsulong na nagawa, subalit dapat pa rin tayong maging palaisip sa paalaalang ito: ANG MGA UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN. Tayo ay naroroon bilang mga panauhin ng Samahan. Ang upa sa awditoryum ay bayad na sa pamamagitan ng boluntaryong mga donasyon. Pagiging maibigin at makonsiderasyon ba na ireserba ang isang upuan na hindi naman natin natitiyak kung mauupuan?
25 Bawat kombensiyon ay nagsisikap na gumawa ng probisyon para sa mga may edad at may kapansanan. Pakisuyong huwag umupo sa mga seksiyong naka-reserba sa kanila kung hindi kayo kuwalipikado. Gayundin, maging alisto sa pagtulong sa mga may kapansanan upang humanap ng upuan kung wala silang kasamang mag-aasikaso sa kanila.
26 Pag-aasikaso ng Inyong Pagkain: Gaya ng alam ninyo, ang insert ng Mayo 1995 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpahiwatig: “Pasimula sa 1995 na mga pandistritong kombensiyon at sa Setyembre 1995 na mga pansirkitong asamblea at pantanging mga araw ng asamblea, hindi na magpapakain. Ang bawat isa ay magdadala ng sariling pagkain at inumin.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ng insert kung bakit ginawa ang pagbabagong ito at nagbigay ng mga mungkahi kung papaano aasikasuhin ng bawat isa ang kailangan niyang pagkain at inumin sa kombensiyon. Pakisuyong repasuhin ang insert kasama ng sinumang estudyante sa Bibliya na nagpaplanong dumalo upang malaman nila na sila’y kailangang magdala ng sariling pagkain at inumin sa kombensiyon.
27 Bilang pagdiriin lamang sa ilang tampok na punto, nanaisin ninyong tandaan ang mga bagay na iminungkahing dalhin para sa pahinga sa tanghali: magaan, simple, at masustansiyang pananghalian tulad ng kadalasang dinadala ng mga tao sa kanilang sekular na trabaho. Maaaring kasali sa mga inumin ang kape, soft drinks, katas ng prutas, o tubig, sa isang di nababasag na lalagyan o sa mga termos. Kung kailangan ang maliliit na cooler, ito’y maaari kung magkakasiya sa tabi ng inyong upuan at hindi makaaabala sa mga kalapit ninyo. Gayunpaman, walang malalaking mga cooler na ginagamit sa piknik na may sukat-pampamilya, inuming-de-alkohol, o babasaging lalagyan ang dapat dalhin sa pasilidad ng kombensiyon. Ang pagkain sa panahon ng sesyon ay dapat iwasan. Ito’y pagpapakita ng kawalang-galang sa idinudulot na espirituwal na pagkain.
28 Isang karagdagang paalaala pa ang hindi pagluluto kailanman sa lugar ng kombensiyon. Makabubuting taimtim na tandaan na ang oras ng pahinga sa tanghali ay dinisenyo para sa simpleng pagkain at tamasahin ang teokratikong pakikipagsamahan sa ating mga kapatid na lalaki at babae. Bilang bayan ni Jehova, ating kinikilala na ang espirituwal na pagkain sa mga kombensiyon ang may pangunahing kahalagahan kung ihahambing sa materyal na mga bagay, anupat kailangan nating magplano na kaayon nito.
29 Sa Disyembre 15, 1995, ang una sa “Maliligayang Tagapuri” na mga Pandistritong Kombensiyon ay magpapasimula sa Pilipinas. Natapos na ba ninyo ang inyong paghahanda, at kayo ba’y handa na ngayon upang tamasahin ang tatlong araw ng maliligayang pakikipagsamahan at mabubuting espirituwal na mga bagay? Taimtim naming panalangin na pagpalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap na makadalo sa kombensiyon sa taóng ito habang ating tinatalakay kung papaano magiging “Maliligayang Tagapuri” ni Jehova.