Hanapin ang mga Madaling Turuan
1 “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Gagantimpalaan ni Jehova ang mga madaling turuan. (Jer. 17:10; Juan 6:45) Taglay natin ang pribilehiyo ng pagiging mga kamanggagawa niya sa paghahanap sa maaamong ito.—Awit 37:11; 1 Cor. 3:9.
2 Inilarawan ni Jesus ang kaniyang mga alagad bilang “mga mangingisda ng mga tao.” (Mat. 4:19) Ang isang matagumpay na mangingisda ay dapat makaalam kung ano ang dapat gawin upang maakit ang mga isda. Gayon din, dapat nating iharap ang mensahe sa isang paraang nakatatawag-pansin sa mga pagdalaw muli na aantig sa interes ng ating mga tagapakinig. Ano ang maaari nating sabihin?
3 Kapag nagpakita ng interes sa mga artikulo ng “Bantayan” na tumatalakay sa relihiyon, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong nakaraan ay pinag-usapan natin kung bakit ayaw ng maraming tao na pag-usapan ang relihiyon. Napag-isipan na ba ninyo kung bakit ang relihiyon ay isang paksang pinagtatalunan ng gayon na lamang?” Hayaang sumagot. Bumaling sa pahina 359 sa aklat na Nangangatuwiran (p. 322 sa Ingles), at talakayin “Kung Bakit Ganiyang Karami ang mga Relihiyon?”
4 Maaari ninyong gamitin ang ganitong nakakatulad na paglapit upang pasimulan ang isang pag-uusap sa paksa ng relihiyon:
◼ “Mayroon bang paraan upang tayo’y makatiyak na taglay natin ang tunay na relihiyon? [Hayaang sumagot.] Dahilan sa napakaraming iba’t ibang relihiyon, maraming tao ang nalilito.” Bumaling sa aklat na Nangangatuwiran, pahina 365-6 (p. 328-9 sa Ingles), sa tanong na “Papaano Malalaman ng Isang Tao Kung Aling Relihiyon ang Tama?” Komentuhan sa maikli ang tanong sa numero 5: “Ang mga miyembro ba nito ay tunay na nag-iibigan sa isa’t isa?” Ipaliwanag ang ating programa sa pag-aaral ng Bibliya.
5 Kung waring nababahala ang maybahay hinggil sa mga kalagayan sa daigdig, maaari ninyong subukan ang ganito:
◼ “Waring nababahala kayo hinggil sa masasamang kalagayan natin na kailangang harapin sa pamumuhay at pagpapalaki ng ating mga pamilya. Inihahayag ng Bibliya ang isang kamangha-manghang pangako na tutuparin ng Diyos sa malapit na hinaharap.” Basahin ang Kawikaan 2:21, 22, at ipaliwanag ang pangako para sa namamalaging pandaigdig na kapayapaan.
6 Kapag gumagawa ng mga pagdalaw muli pagkatapos ng Abril 23, pakisuyong tiyakin na mag-iwan ng isang kopya ng Kingdom News sa maybahay na wala pa nito. Kung ano ang inyong sasabihin bilang pagsubaybay sa mga napaglagyan ng Kingdom News ay tatalakayin sa isyu ng Mayo ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
7 Yamang ang Salita ng Diyos ay “may lakas,” dapat nating sikaping gamitin ito sa ating mga presentasyon. (Heb. 4:12) Pasiglahin ang maybahay na basahin ang Bibliya mismo. (Ihambing ang Gawa 17:11.) Kung masikap nating gagawin ang ating bahagi, pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap.