Ginigising Ba Tayo sa Espirituwal ng mga Paalaala ni Jehova?
1 Pinuri ng salmista si Jehova, na sinasabi: “Ang iyong mga paalaala ay isang bagay na ikinababahala ko.” (Awit 119:99) Ang salitang Hebreo para sa “paalaala” ay nangangahulugang ipinagugunita sa atin ni Jehova ang binabanggit sa kaniyang mga kautusan. Kung tayo’y tutugon, ang mga ito’y gigising sa atin sa espirituwal at magpapaligaya sa atin.—Awit 119:2.
2 Bilang bayan ni Jehova, tayo’y palagiang tumatanggap ng mga payo. Karamihan sa mga ito’y narinig na natin noon. Bagaman pinahahalagahan natin ang mga payong ito, tayo’y madalas na nakalilimot. (San. 1:25) Buong-pagtitiis na pinaglalaanan tayo ni Jehova ng maiibiging paalaala. Iniulat ni apostol Pedro ang ilang paalaala upang ‘gisingin ang ating malinaw na kakayahan sa pag-iisip.’—2 Ped. 3:1.
3 Paulit-ulit na ipinaaalaala sa atin ang kahalagahan ng personal na pag-aaral at pagdalo sa pulong. Ito’y isinasagawa sapagkat ang mga gawaing ito’y kailangan sa ating espirituwal na kapakanan.—1 Tim. 4:15; Heb. 10:24, 25.
4 Ang pinakamabigat na hamon para sa ilan ay ang pagganap ng Kristiyanong atas na mangaral. Kailangan ang pagsisikap at determinasyon. Gayunman, tayo’y tinutulungang ‘tumayong matatag’ sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga ‘paang nasusuutan ng kasangkapan ng mabuting balita.’—Efe. 6:14, 15.
5 Ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo na ang puso ang naglalaan ng pangganyak na kailangan natin upang magsagawa ng “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Kung ikikiling natin ang ating puso sa mga paalaala ni Jehova, tayo’y mauudyukang magsalita sa pagpuri sa kaniyang pangalan.—Awit 119:36; Mat. 12:34.
6 Kapag tayo’y nagsisikap sa paggawa ng mabuti, makatuwiran lamang na umasang ito’y magdudulot sa atin ng kagalakan. (Ecl. 2:10) Tinukoy ni Pablo ang kagalakan bilang isang bunga ng espiritu ni Jehova. (Gal. 5:22) Idinagdag pa ni Pedro na ang “marubdob na pagsisikap” ay gagantimpalaan ng isang mabungang ministeryo, na nagdudulot ng kagalakan.—2 Ped. 1:5-8.
7 Kapag tayo’y napaharap sa hamon, dapat nating tandaan ang matatag na paninindigan ng mga apostol habang ipinahahayag nila, “hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” (Gawa 4:20) Tayo’y napalalakas na magpatuloy kapag naaalaala nating ‘sa paggawa nito ay ililigtas natin kapuwa ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin.’—1 Tim. 4:16.
8 Hindi tayo nagdaramdam kapag laging pinaaalalahanan. Sa halip, buong-puso nating pinasasalamatan ang nakahihigit na halaga nito. (Awit 119:129) Sa mapanganib na panahong ito, salamat na lamang at si Jehova ay patuloy na nagpapaalaala sa atin upang gisingin tayo sa espirituwal at himukin tayo na maging masigasig sa maiinam na gawa!—2 Ped. 1:12, 13.