Ano Ngang Uri ng Pagkatao ang Nararapat sa Inyo?
1 Nalalapit na ang oras ng pagsusulit para sa buong sangkatauhan. Ito ang panahon ng pagpapataw ng banal na paghatol laban sa balakyot; ito rin ang panahon ng pagliligtas sa mga matuwid. Pagsusulitan ng lahat ng nananatiling buháy sa pagkakataong iyon ang naging paraan ng kanilang pamumuhay. Taglay sa isip ang bagay na iyan, nagtanong si Pedro: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo”? Idiniin niya ang kahalagahan ng ‘banal na mga paggawi, mga gawa ng maka-Diyos na debosyon, at pag-iingat sa isipan ng araw ni Jehova,’ gayundin ang pangangailangang maging ‘walang batik, walang dungis, at nasa kapayapaan.’—2 Ped. 3:11-14.
2 Banal na mga Paggawi at mga Gawa ng Maka-Diyos na Debosyon: Lakip sa banal na paggawi ang mga gawang nagpapakita ng paggalang sa mga simulain ng Bibliya. (Tito 2:7, 8) Dapat iwasan ng isang Kristiyano ang makasanlibutang paggawi na inuudyukan ng sakim na mga pagnanasa ng laman.—Roma 13:11, 14.
3 Ang “maka-Diyos na debosyon” ay inilalarawan bilang “personal na pagmamahal sa Diyos, na bumubukal sa puso udyok ng matinding pagpapahalaga sa kaniyang nakalulugod na mga katangian.” Ang ating sigasig sa ministeryo ay isang paraan ng pagpapamalas ng katangiang iyan. Ang ating motibo sa pangangaral ay higit pa sa basta obligasyon lamang; ito’y nagmumula sa malalim-ang-pagkakaugat na pag-ibig kay Jehova. (Mar. 12:29, 30) Palibhasa’y nauudyukan ng gayong pag-ibig, minamalas natin ang ating ministeryo bilang kapahayagan ng ating maka-Diyos na debosyon. Ang ating pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay dapat na maging palagian. Ito’y dapat na maging isang mahalagang bahagi ng ating iskedyul linggu-linggo.—Heb. 13:15.
4 Ang pag-iingat na “malapit sa isipan” ang araw ni Jehova ay nangangahulugang palagi itong pangunahin sa ating isip sa araw-araw, na hindi kailanman inilalagay sa hulihan. Nangangahulugan ito na palagi nating inuuna sa ating buhay ang kapakanan ng Kaharian.—Mat. 6:33.
5 Walang Batik, Walang Dungis, at Nasa Kapayapaan: Bilang bahagi ng malaking pulutong, atin nang ‘nilabhan ang ating mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.’ (Apoc. 7:14) Ang pagiging “walang batik” ay nangangahulugang iniingatan nating huwag matilamsikan ng dumi mula sa sanlibutan ang ating malinis at nakaalay na buhay. Nag-iingat tayo na maging “walang dungis” sa pamamagitan ng pagtangging papangitin ng di-maka-Diyos at materyalistikong mga hangarin ang ating Kristiyanong personalidad. (Sant. 1:27; 1 Juan 2:15-17) Ipinakikita nating tayo’y namumuhay “sa kapayapaan” sa pamamagitan ng pagpapaaninag ng “kapayapaan ng Diyos” sa lahat ng ating pakikitungo sa iba.—Fil. 4:7; Roma 12:18; 14:19.
6 Kung magtatagumpay tayo sa pag-iingat na mahawahan ng sanlibutan, ang ating mainam na mga gawa ay tutulong sa iba na makita ang pagkakaiba “ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.”—Mal. 3:18.
7 Nadadakila ang pangalan ni Jehova, napatitibay ang kongregasyon, at nakikinabang ang iba kapag buong-katapatang ipinagpapatuloy natin ang “maiinam na gawa.” (1 Ped. 2:12) Sana’y manatiling gayong uri ang ating pagkatao.