Paggamit ng Ating mga Magasin sa Pinakamabuting Paraan
1 Kapag kayo’y lumalapit sa isang tindahan ng pahayagan, ano ang inyong nakikita? Mga magasin. Sa tindahan sa kanto, ano ang namamataan ng inyong mata? Mga magasin. Kaya, ano ang binabasa ng maraming tao? Mga magasin. Ang pagsusuri ay nagpapakita na 9 sa bawat 10 katao ay nagbabasa ng kahit isa man lamang magasin bawat buwan. Ang sanlibutan ay palaisip sa magasin.
2 Maaari bang gawin nating palaisip sa Bantayan at Gumising! ang tapat-pusong mga tao? Oo, kung TAYO ay palaisip sa Bantayan at Gumising! Ano ang makatutulong sa atin? Isaalang-alang ang mga mungkahing ito:
◼ Basahin ang mga Magasin: Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nag-ulat na, sa aberids, 1 lamang mamamahayag sa bawat 3 sa kaniyang sirkito ang nagbabasa ng bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising! mula sa pasimula hanggang sa katapusan. Ginagawa ba ninyo ito? Habang binabasa ninyo ang bawat artikulo, tanungin ang inyong sarili, ‘Sino kaya ang magpapahalaga sa impormasyong ito—isang ina, isang negosyante, isang kabataan?’ Pagkatapos ay isipin kung papaano ninyo maaantig ang interes sa paksa sa isa o dalawang pangungusap lamang.
◼ Magkaroon ng Tiyak na Pidido ng Magasin: Ibigay ang pidido sa kapatid na humahawak ng mga magasin para sa isang tiyak na bilang ng mga kopya sa bawat isyu. Sa ganitong paraan, kayo at ang inyong pamilya ay magkakaroon ng regular na suplay ng mga magasin.
◼ Mag-iskedyul ng Regular na Araw sa Magasin: Matatangkilik ba ninyo ang Araw ng Magasin ng kongregasyon? Kung hindi, sikaping gumugol ng ilang panahon upang personal na ipamahagi ang mga magasin, maging sa pagpapatotoo sa lansangan o sa bahay-bahay, at sa mga ruta ng magasin.
◼ Maging Palaisip sa “Bantayan” at “Gumising!”: Magdala ng mga kopya ng magasin kapag kayo ay naglalakbay o namimili. Ialok ang mga ito kapag kayo ay nakikipag-usap sa mga kamanggagawa, mga kapitbahay, mga kamag-aral, o mga guro. Isang mag-asawa na madalas na maglakbay sa pamamagitan ng eroplano ang gumamit ng isang punto sa bagong magasin upang pasimulan ang pakikipag-usap sa pasahero na nakaupo sa tabi nila. Tinamasa nila ang maraming kalugud-lugod na karanasan. Ang ilang kabataan ay palaging nagdadala ng mga artikulo sa paaralan na inaakala nilang kukuha ng interes ng kanilang mga guro o mga kamag-aral. Magdala ng mga kopya kapag kayo ay namimili, at ialok ang mga ito sa mga mangangalakal kapag tapos na kayo sa inyong sadya. Marami sa atin ang regular na bumibili ng gasolina; bakit hindi ialok ang mga magasin sa nagsisilbi sa istasyon ng gasolina? Laging ihanda ang mga ito kapag dumadalaw ang mga kamag-anak, kapag kayo ay gumagamit ng pampublikong transportasyon, o kapag kayo’y naghihintay ng katagpo. May maiisip ba kayong iba pang angkop na mga okasyon?
◼ Maghanda ng Isang Maikling Presentasyon sa Magasin: Ang sasabihin mo ay gawing maikli lamang, ngunit kaakit-akit. Maging masigla. Abutin ang puso. Maging espesipiko. Pumili ng isang idea mula sa isang artikulo, ipahayag iyon sa iilang salita, at ialok ang mga magasin. Ang pinakamabuting paraan ay ang magbangon ng katanungan sa isang paksang kawili-wili at ipakita ang artikulo na nagbibigay ng maka-Kasulatang kasagutan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa kung papaano ito maisasagawa:
3 Kung inyong itinatampok ang isang artikulo hinggil sa dumaraming krimen, maaari ninyong itanong:
◼ “Ano ang kinakailangan upang tayo ay makatulog sa gabi na walang takot sa krimen?” Ang maybahay ay maaaring negatibo na bubuti pa ang mga bagay-bagay. Maaari kayong sumagot na gayon din ang nadarama ng maraming tao at idagdag na may taglay kayong ilang impormasyon na palagay ninyo’y magugustuhan niya. Pagkatapos ay bumaling sa isang angkop na punto sa artikulo.
4 Kapag nag-aalok ng isang artikulo hinggil sa buhay-pampamilya, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nasusumpungan ng maraming tao na isang tunay na hamon ang kumita ng ikabubuhay at tustusan ang pamilya sa mga araw na ito. Mayroon ba tayong mapupuntahan upang magtamo ng maaasahang patnubay?” Pagkatapos ay ipakita ang isang espesipikong komento sa magasin na nagtatanghal ng karunungang masusumpungan sa Bibliya.
5 Maaari ninyong gamitin ang ganitong paglapit kapag itinatampok ang isang artikulo hinggil sa isang panlipunang suliranin:
◼ “Karamihan sa mga tao ngayon ay nakararanas ng panggigipit. Hindi kailanman nilayon ng Diyos na tayo ay mamuhay sa ganitong paraan.” Pagkatapos ay ipakita kung papaanong ang materyal sa artikulo ay makatutulong sa atin na harapin ang mga suliranin sa buhay ngayon at makapaglalaan ng isang tunay na pag-asa sa hinaharap.
6 Ang Pagpapatotoo sa Lansangan ay Mabisa: Yao’y sa isyu ng Enero 1940 ng Informant (Ating Ministeryo sa Kaharian) nang pasiglahin ang mga mamamahayag sa unang pagkakataon na mag-iskedyul ng pantanging araw bawat linggo para sa pagpapatotoo sa lansangan na ginagamit ang mga magasin. Kayo ba’y nakikibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan sa pana-panahon? Kung ginagawa ninyo ito, ang paraan bang ginagamit ninyo ay tunay na mabisa? Napansin na ang ilang mamamahayag ay nakatayo sa isang mataong panulukan, na nangag-uusap anupat hindi napapansin ang mga taong nagdaraan. Sa halip na tumayong magkakalapit na hawak ang mga magasin, higit na mabisa na maghiwalay at lapitan ang mga tao. Ang mga estranghero ay maaaring tumigil at makinig nang sandali kung sila’y lalapitan ng isang tao lamang, subalit bihira lamang ang lalapit sa isang grupo na abala sa pag-uusap. Yamang tumatawag tayo ng malaking pansin sa lansangan, may pantanging pangangailangan na maging maayos at manamit nang mahinhin na angkop sa mga ministro ng Diyos.—1 Tim. 2:9, 10.
7 Mga Ruta ng Magasin: Yaong mga may ruta ng magasin ay nakapagsasakamay ng maraming magasin kahit na palaging nakukubrehan ang mga teritoryo. Ang mga ruta ng magasin ay isang napakainam na pinanggagalingan ng posibleng maging mga pag-aaral sa Bibliya.
8 Kapag kayo ay gumagawa ng regular na mga pagdalaw-muli upang irasyon ang mga magasin, masusumpungan ninyo na ang pagkakaibigan ninyo at ng maybahay ay susulong. Samantalang higit kayong nagkakakilala, lalong nagiging madali ang makipag-usap hinggil sa maka-Kasulatang mga paksa. Ito’y maaaring umakay sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. At tandaan, sa bawat pagtatagpo ninyo ng maybahay ay maaari kayong mag-ulat ng isang pagdalaw-muli.
9 Isang kapatid na babae ang regular na nagdadala ng mga magasin sa isang babae na laging tumatanggap sa mga ito subalit nagwika: “Hindi ko pinaniniwalaan ang mga sinasabi mo sa akin.” Sa sumunod na pagdalaw, nasumpungan ng kapatid na babae ang asawang lalaki sa tahanan. Pagkatapos ng isang palakaibigang pag-uusap, naisagawa ang mga kaayusan para sa isang pag-aaral sa Bibliya. Kinaibigan ng kapatid na babae ang kaniyang tatlong anak na lalaki na sumali sa pag-aaral. Sa dakong huli, ang ina at ang kaniyang mga anak na lalaki ay nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Sa kasalukuyan, 35 miyembro ng pamilya ang tumanggap sa katotohanan. Ang lahat ng ito ay dahilan sa pagsubaybay ng kapatid na babae sa kaniyang ruta ng magasin!
10 Napakaraming paraan upang simulan ang isang ruta ng magasin. Basta’t mag-ingat ng rekord ng inyong mga naisakamay na babasahin at balikan kada dalawang linggo taglay ang pinakabagong mga isyu. Isang paraan ay ang paggamit ng impormasyon sa ilalim ng uluhang “Sa Susunod na Labas.” Kapag kayo’y nagbalik, sabihin sa maybahay na taglay ninyo ang artikulo na binanggit ninyo nang nakaraan. O, sa inyong pagdalaw-muli, maaari ninyong sabihin: “Nang mabasa ko ang artikulong ito, naisip kong ito’y maaaring magustuhan ninyo . . . ” Kapag natapos ninyo ang pagdalaw, itala ang limang simpleng bagay sa inyong house-to-house record: (1) pangalan ng maybahay, (2) direksiyon, (3) petsa ng pagdalaw, (4) mga naisakamay na isyu, at (5) artikulong itinampok. Ang ilang mamamahayag ay nagkaroon ng mga 40 o higit pang mga tao sa kanilang ruta ng magasin!
11 Teritoryo ng Negosyo: Maraming magasin ang nailalagay ng mga mamamahayag na gumagawa sa teritoryo ng negosyo. Nasubukan na ba ninyo ang paggawa sa mga tindahan? Sa umpisa, ang ilan ay nangangamba sa pagdalaw sa mga negosyante, subalit matapos na masubukan nila ito ng ilang ulit, nasumpungan nilang ito’y kapana-panabik at kapaki-pakinabang. Bakit hindi hilingin sa isang makaranasang mamamahayag o payunir na tulungan kayong makapagsimula?
12 May ilang bentaha sa paggawa sa mga tindahan. Iilan lamang ang not-at-home, kapag bukas ang tindahan! Ang mga negosyante ay kadalasang magagalang, kahit hindi sila gaanong interesado sa Bibliya. Simulang maaga ang araw; malamang na mas mabuti ang maging pagtanggap sa inyo. Pagkatapos na ipakilala ang inyong sarili, maaari ninyong sabihin na bihira ninyong masumpungan ang mga negosyante sa tahanan, kaya kayo ay dumadalaw ng ilang sandali lamang sa kanilang pinagtatrabahuhan upang ialok ang mga pinakabagong isyu ng Ang Bantayan at Gumising! Ipaliwanag na marami sa mga negosyante ang nagpapahalaga sa ating mga magasin dahilan sa kailangan nilang umalinsabay sa mga pangyayari sa daigdig subalit kaunti lamang ang panahong makapagbasa. Ang ruta ng magasin ay maaaring isagawa sa mga taong interesado na nasusumpungan sa teritoryo ng negosyo.
13 Maghanda Bilang Isang Pamilya: Maaaring maglaan ng panahon sa inyong pampamilyang pag-aaral upang talakayin ang mga artikulo sa pinakabagong mga magasin na maaaring angkop na gamitin sa inyong teritoryo. Ang mga miyembro ng pamilya—lakip na ang mga anak—ay maaaring maghalili sa pag-eensayo ng kanilang mga presentasyon at sa pagsagot sa mga karaniwang pagtutol na ibinabangon, gaya ng: “Ako’y abala,” “Mayroon na kaming sariling relihiyon,” o “Ako’y hindi interesado.” Pangyayarihin nito na ang buong pamilya ay magkaroon ng regular na bahagi sa pamamahagi ng magasin.
14 Makatutulong ang mga Konduktor ng Pag-aaral sa Aklat: Hangga’t maaari, i-iskedyul ang mga pagtitipon bago maglingkod sa Araw ng Magasin sa mga lugar ng pag-aaral sa aklat sa halip na ang buong kongregasyon ay magtipon sa Kingdom Hall. Yaong mga nangunguna ay dapat na maghandang mabuti taglay ang espesipikong mga mungkahi para sa grupo. Ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan—lakip na ang pag-oorganisa ng grupo—ay dapat na maikli, na tatagal nang hindi hihigit sa 10 hanggang 15 minuto. Dapat tiyakin ng mga konduktor sa pag-aaral na may sapat na teritoryo upang mapanatiling abala ang grupo sa buong yugto ng paglilingkod sa larangan.
15 Ipakita ang Pagpapahalaga sa mga Magasin: Ang artikulong “Gamiting Mabuti Ang Bantayan at Gumising!” na inilathala sa isyu ng Agosto 1993 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay gumawa ng ganitong mahalagang punto: “Hindi nawawala ang kahalagahan ng Ang Bantayan at Gumising!, kahit na ang mga ito ay hindi nailalagay sa loob ng isa o dalawang buwan buhat nang ilabas ito. Hindi nababawasan ang kahalagahan ng impormasyong taglay ng mga ito sa paglipas ng panahon . . . Ang pagpapahintulot na matambak ang matatandang magasin at ang hindi kailanman paggamit sa mga ito ay nagpapakita ng kakulangan ng pagkilala sa mahahalagang instrumentong ito. . . . Sa halip na ilagay sa isang tabi ang matatandang isyu at kalimutan ang mga ito, hindi kaya mas mabuti kung gagawa ng isang pantanging pagsisikap upang mailagay ang mga ito sa kamay ng mga taong interesado?”
16 Ngayon ay maraming tapat-pusong tao ang naghahanap sa katotohanan. Ang impormasyong taglay ng isang magasin ay maaaring siyang talagang kailangan nila upang maakay sila sa katotohanan! Kayo ba ay higit na magiging palaisip sa pamamahagi ng magasin sa hinaharap? Ikakapit ba ninyo ang ilan sa mga mungkahing ito sa mismong sanlinggong ito? Kayo’y mayamang pagpapalain kung gagawin ninyo ito.
Praktikal na mga Mungkahi:
◼ Basahin ang mga magasin nang patiuna, at alamin ang mga artikulo.
◼ Piliin ang isang artikulo na tumatalakay sa bagay na may pangkalahatang interes sa inyong komunidad.
◼ Maghanda ng isang presentasyon na aangkop sa iba’t ibang tao, gaya ng mga lalaki, mga babae, o mga kabataan. Ipakita kung papaanong ang magasin ay angkop sa maybahay at kung papaanong masisiyahan dito ang buong pamilya.
◼ Planuhing makibahagi sa inyong paglilingkod sa larangan kapag ang karamihan sa mga tao ay nasa tahanan. Ang ilang kongregasyon ay nagsaayos ng pagpapatotoo sa gabi taglay ang mga magasin.
◼ Ingatang maikli at tuwiran ang inyong presentasyon.
◼ Huwag magsalita nang masyadong mabilis. Kung walang interes ang inyong tagapakinig, ang pagsasalita nang mabilis ay hindi makatutulong. Sikaping maging panatag, at bigyan ang maybahay ng pagkakataong sumagot.
Pag-aalok ng mga Magasin sa Bahay-bahay:
◼ Magkaroon ng palakaibigang ngiti at isang mabait na tono ng boses.
◼ Maging masigla hinggil sa mga magasin.
◼ Magsalita nang marahan at maliwanag.
◼ Magsalita sa isa lamang paksa; agad na antigin ang interes, at ipakita ang kahalagahan nito sa maybahay.
◼ Itampok ang isa lamang artikulo.
◼ Itampok ang isa lamang magasin, ialok ang isa pa bilang kasama.
◼ Iabot ang mga magasin sa maybahay.
◼ Ipabatid sa maybahay na kayo ay may planong bumalik.
◼ Magkaroon ng isang palakaibigan, positibong konklusyon kapag tinanggihan ang mga magasin.
◼ Gumawa ng pagtatala sa house-to-house record ng lahat ng interes at mga naisakamay na babasahin.
Mga Pagkakataon Upang Maisakamay ang mga Magasin:
◼ Pagpapatotoo sa bahay-bahay
◼ Pagpapatotoo sa lansangan
◼ Paggawa sa mga tindahan
◼ Mga pagdalaw-muli sa ruta ng magasin
◼ Pagpapatotoo sa gabi
◼ Kapag gumagawa ng mga pagdalaw-muli
◼ Pagdalaw sa dating mga pag-aaral sa Bibliya
◼ Kapag naglalakbay, namimili
◼ Kapag nakikipag-usap sa mga kamag-anak, mga kamanggagawa, mga kapitbahay, mga kamag-aral, mga guro
◼ Sa pampublikong transportasyon, sa mga silid-hintayan