Maging mga Tagatupad—Hindi mga Tagapakinig Lamang
1 Isinasapuso ng mga tunay na Kristiyano ngayon ang payo ng Bibliya na maging mga tagatupad ng salita, hindi mga tagapakinig lamang. (Sant. 1:22) Pinatitingkad nito ang malaking pagkakaiba nila doon sa mga nag-uukol ng paglilingkod sa labi lamang bagaman nag-aangking Kristiyano. (Isa. 29:13) Maliwanag na sinabi ni Jesus na yaon lamang mga gumagawa ng kalooban ng Diyos ang maliligtas.—Mat. 7:21.
2 Ang pagsamba kung walang maka-Diyos na mga gawa ay walang kabuluhan. (Sant. 2:26) Kaya dapat nating itanong sa sarili, ‘Papaano pinatutunayan ng aking mga gawa na ang aking pananampalataya ay tunay? Ano ang nagpapakita na ako’y tunay na nabubuhay na kasuwato ng aking paniniwala? Papaano ko matutularan si Jesus nang higit?’ Ang tapat na mga kasagutan sa mga tanong na ito ay tutulong sa atin upang makita kung anong pagsulong ang ating nagawa na o kailangan pang gawin sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos.
3 Bilang mga tagasunod yapak ni Jesus, ang ating pangunahing tunguhin sa buhay ay dapat na katulad niyaong ipinahayag ng salmista: “Sa Diyos maghahandog kami ng papuri buong araw, at ipagbubunyi namin ang iyong pangalan magpakailanman.” (Awit 44:8) Anong kasiyahan ang ating nasusumpungan habang ating itinatanghal sa lahat ng ating mga gawain ang ating taus-pusong pagnanais na purihin si Jehova!—Fil. 1:11.
4 Ang Pagbibigay ng Papuri kay Jehova ay Nagsasangkot ng Higit pa Kaysa Pamumuhay ng Matuwid: Kung ang mainam na paggawi lamang ang buong kahilingan ng Diyos, kailangan lamang nating pagbuhusan ng pansin ang pagpapabuti ng ating personalidad. Gayunpaman, ang ating pagsamba ay nagsasangkot din sa paghahayag nang malawakan ng kamahalan ni Jehova at paggawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kaniyang pangalan!—Heb. 13:15; 1 Ped. 2:9.
5 Ang pangmadlang pangangaral ng mabuting balita ay kabilang sa pinakamahalagang mga gawain na ating isinasagawa. Inilaan ni Jesus ang kaniyang sarili sa gawaing ito sapagkat nalalaman niya na ito’y nangangahulugan ng walang hanggang buhay para sa mga makikinig. (Juan 17:3) Sa ngayon “ang ministeryo ng salita” ay gayundin ang halaga; ito lamang ang tanging paraan upang ang mga tao ay maligtas. (Gawa 6:4; Roma 10:13) Sa pagkaalam ng malawakang epekto ng mga kapakinabangan, mauunawaan natin kung bakit pinayuhan tayo ni Pablo na “ipangaral ang salita,” at “maging apurahan ka rito.”—2 Tim. 4:2.
6 Hanggang saan ang dapat na saklawin ng pagpuri kay Jehova sa ating buhay? Ang salmista ay nagsabi na ito’y nasa kaniyang isipan sa buong araw. Di ba’t ganito rin ang ating nadarama hinggil dito? Oo, at ituturing natin ang bawat pakikipagtagpo sa ibang tao na isang pagkakataon upang magsalita hinggil sa pangalan ni Jehova. Hahanap tayo ng angkop na mga pagkakataon upang akayin ang ating usapan tungo sa espirituwal na mga bagay. Yaong mga nasa mabuting kalagayan ay dapat na taimtim na isaalang-alang ang paglilingkurang payunir, yamang ito’y tumutulong sa atin upang unahin ang gawaing pangangaral sa ating buhay sa araw-araw. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na sa walang humpay na pagsasagawa ng kalooban ng Diyos, tayo ay magiging maligaya.—Sant. 1:25.