Magsalita Nang May Katapangan
1 Sa nakaraang mga taon nasusumpungan ng mga mamamahayag na sa ilang lugar ay lalong nagiging mahirap na makipag-usap sa mga tao sa kanilang tahanan. Marami ang nag-uulat na sa kanilang teritoryo ay mahigit sa 50 porsiyento ng mga tao ang wala sa tahanan kapag ginagawa ang pagdalaw sa mga bahay-bahay.
2 Noong unang panahon maraming tao ang nasusumpungan sa tahanan kung Linggo, na itinuturing bilang isang araw ng pamamahinga. Ang mga kaugalian ay nagbago. Karaniwan na ngayon para sa mga tao na gumawa sa sekular na mga trabaho, asikasuhin ang mga pangangailangan ng pamilya gaya ng pamimili, o gumawa ng paglilibang, na naglalayo sa kanila sa tahanan. Kaya kahit Linggo, mahirap matagpuan ang mga tao sa bahay-bahay.
3 Yamang ang ating tunguhin ay ang makipag-usap sa mga tao, bakit hindi kausapin ang ating mga nasusumpungan—sa lansangan, sa palengke, o sa ating pinagtatrabahuhan. Kaugalian ni Pablo na lumapit “doon sa mga nagkataong nasa malapit” upang bigyan sila ng patotoo. (Gawa 17:17) Ito ay isang mabisa pa ring anyo ng pagpapatotoo sa ating kaarawan.
4 Kapag tayo ay nagbabahay-bahay, kadalasang nakikita natin ang mga tao na palakad-lakad lamang o marahil ay may hinihintay. Kapag maganda ang araw, sila marahil ay nakaupo sa isang bangkô sa parke o nagkukumpuni o naglilinis ng kanilang sasakyan. Isang palakaibigang ngiti at isang magiliw na pagbati ang kaypala’y siyang tanging kailangan natin upang mapasimulan ang isang pag-uusap. Kung sila’y nakatira sa malapit, maaari nating banggitin na hindi natin sila nasumpungan sa kanilang tahanan at ngayon ay nagagalak tayong magkaroon ng ganitong pagkakataong makipag-usap sa kanila. Sa pagpapakita ng bahagya pang katapangan, marami ang nagtamasa ng kasiya-siyang mga karanasan.
5 Ang Katapangan ay Nagbubunga: Sinabi ng isang kapatid na lalaki na nilalapitan niya ang mga taong nakatayo, naghihintay ng bus, palakad-lakad, o nakaupo sa kanilang sasakyan. Taglay ang masiglang ngiti at kaayaayang tinig, siya’y para bang isang palakaibigang kapitbahay na gusto lamang makipag-usap. Sa ganitong paraan siya’y nakapagsakamay ng maraming literatura at nakapagsimula rin ng ilang mga pag-aaral sa Bibliya.
6 Ang isa pang kapatid na lalaki at ang kaniyang asawa ay nagbabahay-bahay nang masalubong nila ang isang babaing naglalakad na may dalang isang malaking bag ng mga pinamili. Pinasimulan nila ang pag-uusap, pinapurihan siya sa paglalaan ng pangangailangan ng kaniyang pamilya. “Subali’t sino,” ang tanong nila, “ang makapaglalaan ng mga pangangailangan ng sangkatauhan?” Ito ang pumukaw sa interes ng babae. Isang maikling pag-uusap ang umakay sa isang paanyaya sa kaniyang tahanan, kung saan pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
7 Kaya sa susunod na kayo’y magpatotoo sa bahay-bahay, maging sa Linggo o alinmang araw, at nasumpungan ninyong ang mga tao ay wala sa tahanan, bakit hindi dagdagan nang bahagya pa ang katapangan at magsalita sa mga taong inyong nasusumpungan—sa lansangan o saanman? (1 Tes. 2:2) Maaari kayong magkaroon ng higit pang mabungang ministeryo, at tamuhin ang higit na kagalakan mula sa inyong paglilingkuran.