Tanong
◼ Bakit dapat nating iulat kaagad ang ating gawain sa paglilingkod sa larangan bawat buwan?
Tayong lahat ay nakadarama ng kagalakan kapag ating naririnig ang tungkol sa mabubuting bagay na naisagawa hinggil sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian. (Tingnan ang Kawikaan 25:25.) Ang Gawa 2:41 ay nag-uulat na pagkatapos ng pahayag ni Pedro noong araw ng Pentecostes, “mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.” Di natagalan pagkatapos nito, ang bilang na yaon ay lumago hanggang “humigit-kumulang sa limang libo.” (Gawa 4:4) Anong laking kasiyahan ang mga ulat na ito para sa unang siglong mga Kristiyano! Tayo rin ngayon ay natutuwang makarinig ng mga ulat hinggil sa tagumpay na tinatamasa ng ating mga kapatid sa buong daigdig.
Yamang malaking panahon at pagsisikap ang nasasangkot sa pagtitipon ng gayong mga ulat, ang pakikipagtulungan ng bawat mamamahayag ng Kaharian ay mahalaga. Kayo ba ay taimtim sa pagbibigay kaagad ng inyong ulat bawat buwan?
Ang mga ulat hinggil sa mga pagsulong ay nagdudulot sa atin ng malaking kagalakan. Bukod rito, ang mga ulat ay tumutulong sa Samahan na masubaybayan ang pagsulong ng gawain sa buong daigdig. Ang mga pagpapasiya ay kailangang gawin sa mga dako na nangangailangan ng higit na tulong o klase at dami ng literatura na lilimbagin. Ang matatanda sa bawat kongregasyon ay gumagamit ng mga ulat sa paglilingkod sa larangan upang alamin kung saan kailangang gumawa ng pagsulong. Ang mabubuting ulat ay nakapagpapatibay, nakapagpapakilos sa ating lahat na suriin ang ating sariling ministeryo kung ano ang mapasusulong pa.
Kailangang kilalanin ng lahat ng mamamahayag ang kanilang indibiduwal na pananagutang iulat kaagad ang kanilang paglilingkod sa larangan bawat buwan. Ang mga konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay nasa mabuting kalagayan upang ipagunita sa mga mamamahayag ang pananagutang ito. Ang paalaalang ito ay maaaring ibigay sa huling pag-aaral sa aklat bawat buwan. Kung walang pagkakataong maibigay ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan sa Kingdom Hall, maaaring tipunin ng mga konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang mga ito at tiyaking maibigay kaagad ito sa kalihim upang maisama sa regular na buwanang ulat ng kongregasyon sa Samahan.
Ang ating matapat na pagsisikap na iulat kaagad ang ating gawain sa paglilingkod sa larangan ay nagpapagaan sa pasan niyaong mga may pananagutan para sa ating espirituwal na kapakanan.