Pag-aaralan Natin ang Aklat na Kaligayahan sa Pamilya
Magagalak kayong makaalam na pasimula sa linggo ng Oktubre 6-12, 1997, ating isasaalang-alang ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Walang sinuman sa mga grupo ng pag-aaral ang magnanais na malaktawan ang praktikal na giyang ito sa Kasulatan para sa isang maligayang buhay pampamilya. Ang iskedyul ng pag-aaral ay magbibigay ng sapat na panahon upang lubusang masuri ang bawat parapo at teksto ng Bibliya na nasa aklat.
Ang buong unang kabanata ay kukubrehan sa unang linggo ng pag-aaral, yamang ito’y naglalaman lamang ng iilang di siniping kasulatan. Dahil dito, ang kabanata 15 ay kukubrehan din sa isang sesyon. Gayunpaman, ang lahat ng iba pang kabanata ay hahatiin sa dalawang bahagi, anupat kalahati ng isang kabanata ang isasaalang-alang bawat linggo. Kaya, magkakaroon ng sapat na panahon upang basahin at talakayin ang lahat ng binanggit na kasulatan at maingat na masuri rin ang pagkakapit ng lahat ng siniping kasulatan sa bawat parapo.
Ang isang mahalagang bahagi ng pag-aaral ay ang pagtalakay sa materyal sa kahon ng pagtuturo sa katapusan ng bawat kabanata. Kaya, kailangang maglaan ng sapat na panahon para isaalang-alang ang mga katanungan at ang mga binanggit na kasulatan sa kahon.
Ang mga konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay hinihimok na magbigay ng pantanging pansin sa kanilang paghahanda sa pag-aaral at pasiglahin ang lahat ng nasa kanilang grupo, lakip na ang mga baguhan, na maghandang mabuti at dumalo nang palagian.—om 74-6.