Paano Kayo Tumutugon sa Kawalang-Interes?
1 Ang kawalang-interes ay kakulangan ng damdamin o emosyon, kawalan ng pansin o pagkabahala. Ito’y isa sa higit sa karaniwan at mas mahirap pakitunguhang saloobin na ating nasusumpungan sa ministeryo. Paano kayo tumutugon dito? Ito ba’y nagpabagal sa inyo sa inyong ministeryo? Paano ninyo mapagtatagumpayan ito upang maabot ang mga tao taglay ang mensahe ng Kaharian?
2 Una, alamin kung bakit ang mga tao sa inyong teritoryo ay walang-interes. Iyon ba’y dahilan sa hindi sila nasisiyahan sa kanilang mga pinunong pulitikal at relihiyoso? Sa palagay ba nila’y wala nang kalutasan ang mga suliraning napapaharap sa kanila? Sila ba’y hindi naniniwala sa mga pangako ukol sa mabubuting bagay? Ayaw ba nilang mag-isip hinggil sa espirituwal na mga bagay malibang sila’y makakita ng dagling mga kapakinabangan?
3 Itampok ang Pag-asa sa Kaharian: Walang suliranin na hindi malulutas ng Kaharian. Kaya kung posible, dapat tayong magsalita hinggil sa mga pangako ng Kaharian, na tinutukoy ang mga pangunahing pananalita sa Kasulatan, kahit na hindi posible o praktikal na ipakita ang isang teksto sa Bibliya. (Heb. 4:12) Gayunman, paano natin maaakay ang usapan sa puntong iyon?
4 Kailangang maunawaan ng mga tao ang layunin ng ating pagdalaw. Dapat nilang mabatid na tayo’y naroroon dahilan sa pag-ibig sa kapuwa at sa pagkabahala sa komunidad. Maaari nating iharap ang isang tanong na pinag-isipang mabuti gaya ng, “Ano sa palagay ninyo ang solusyon sa [isang suliranin na nakaaapekto sa komunidad]?” Kung hindi umubra ang isang paglapit, subukan ang iba pa.
5 Sa isang lubhang nakaririwasang teritoryo kung saan ang mga maybahay ay walang-interes sa mensahe ng Kaharian, sinikap ng mga mamamahayag na makasumpong ng isang pambungad na pupukaw ng interes. Sa pagtatampok sa aklat na Kaalaman, sinubukan ng isang mag-asawa ang ang ganitong pambungad: “Sa palagay ba ninyo’y mahalaga ang isang mabuting edukasyon para magtagumpay sa sanlibutan sa ngayon? Sumasang-ayon ba kayo na ang isang mabuting edukasyon ay naglalakip ng kaalaman sa Bibliya?” Sa loob ng isang hapon sila’y nakapaglagay ng tatlong aklat, na ang isa roon ay sa isang babae na sa dakong huli ay nagsabing nabasa na niya ang buong aklat na Kaalaman at sumang-ayong mag-aral ng Bibliya.
6 Kapag kayo’y napaharap sa kawalang-interes, subukan ang iba’t ibang paraan, magbangon ng pumupukaw-kaisipang mga katanungan, at gamitin ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Kaypala’y makatutulong kayo sa iba pa na yakapin ang ating kamangha-manghang pag-asa sa Kaharian.