Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 1/99 p. 3-5
  • Maging Mabisa sa Inyong Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maging Mabisa sa Inyong Ministeryo
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Paraan ng Pangangaral ng Mabuting Balita
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Palaging Asikasuhin Mo ang Iyong Turo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Makikinabang Ka ba Kung Mayroon Kang Personal na Teritoryo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • Gamiting Mabuti ang Iyong Panahon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
km 1/99 p. 3-5

Maging Mabisa sa Inyong Ministeryo

1 Nagdidilim ang langit, at isang nakapanghihilakbot na tunog ang lumalakas hanggang sa maging nakabibinging hugong. Bumaba ang isang tulad-usok na ulap. Ano ito? Isang pulutong ng milyun-milyong balang na paparating upang lubusang wasakin ang lupain! Ang senaryong ito na inilarawan ni propeta Joel ay natutupad ngayon sa gawaing pangangaral ng mga pinahirang lingkod ng Diyos at ng kanilang mga kasamahan, ang malaking pulutong.

2 Sinabi ng Ang Bantayan ng Mayo 1, 1998, pahina 11, parapo 19: “Ang modernong-panahong hukbo ng mga balang ng Diyos ay nagbigay ng lubusang pagpapatotoo sa ‘lunsod’ ng Sangkakristiyanuhan. (Joel 2:9) . . . Hanggang ngayon ay inaakyat nila ang lahat ng mga hadlang, pinapasok ang milyun-milyong tahanan, nilalapitan ang mga tao sa lansangan, kinakausap sila sa telepono, at nakikipag-ugnayan sa kanila sa anumang paraang posible habang ipinahahayag nila ang mensahe ni Jehova.” Hindi ba isang dakilang pribilehiyo ang makibahagi sa gawaing ito na ordinado ng Diyos?

3 Di-tulad ng literal na mga balang, na ang tanging layunin ay ang pakainin ang kanilang sarili, tayo na mga lingkod ni Jehova ay lubhang nagmamalasakit sa buhay ng mga pinangangaralan natin. Nais nating tulungan ang iba na malaman ang maluwalhating mga katotohanan na nilalaman ng Salita ng Diyos at mapakilos sila na gumawa ng mga hakbang na aakay sa kanilang walang-hanggang kaligtasan. (Juan 17:3; 1 Tim. 4:16) Kaya naman, gusto nating maging mabisa ang ating paraan ng pagsasakatuparan sa ating ministeryo. Anumang paraan ng pangangaral ang ating ginagamit, dapat nating pag-aralan kung isinasagawa nga natin ito sa paraan at sa panahon na magbubunga ng pinakamabuti. Yamang “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” mabuting suriin natin ang ating pamamaraan at ang ating paglapit upang matiyak na napananagumpayan natin ang hamon ng pagiging mabunga hangga’t maaari.—1 Cor. 7:31.

4 Samantalang sinisikap nating makausap ang mga tao sa maraming paraan, ang pagbabahay-bahay ang siya pa ring pangunahing gawain sa ating ministeryo. Madalas ba ninyong masumpungan na wala sa tahanan o kaya ay natutulog ang mga tao na inyong dinadalaw? Talagang nakasisiphayo, yamang hindi ninyo maibahagi sa kanila ang mensahe ng mabuting balita! Paano ninyo mahaharap ang hamong ito?

5 Matutong Makibagay at Maging Makatuwiran: Sa unang-siglong Israel, ang mga mangingisda ay nangingisda sa gabi. Bakit sa gabi? Bagaman hindi ito ang pinakamaalwang panahon para sa kanila, ito naman ang pinakamainam na panahon para makahuli ng maraming isda. Iyon ang pinakamabungang panahon. Sa pagkokomento sa kinagawiang ito, Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1992 ay nagsabi: “Dapat ding pag-aralan natin ang ating teritoryo upang tayo’y mamalakaya, wika nga, pagka ang karamihan ng mga tao ay nasa tahanan at handang tumanggap sa atin.” Ang maingat na pagmamasid sa mga kaugalian ng lipunan sa ilang bansa ay nagpapakita na sa maraming dakong tirahan, bagaman nasa tahanan ang mga tao kapag dumadalaw tayo nang maaga tuwing Sabado at Linggo ng umaga, sila ay karaniwan nang hindi tumatanggap sa ating mga pagdalaw sa panahong iyon. Kung ganito rin ang kalagayan sa inyong lugar, maaari ba ninyong gawin ang inyong pagdalaw sa bandang dulo na ng umaga o kaya’y sa hapon? Ito ay isang mainam na paraan upang mapasulong ang pagkamabisa ng ating ministeryo at maipakita ang konsiderasyon sa ating kapuwa, na isang katunayan ng tunay na Kristiyanong pag-ibig.—Mat. 7:12.

6 Sa Filipos 4:5, ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo na dapat nating ‘hayaang malaman ng lahat ng tao ang ating pagka-makatuwiran.’ Kasuwato ng kinasihang patnubay na ito, gusto nating maging timbang at makatuwiran sa ating mga pamamaraan habang ating isinasagawa ang ating atas na mangaral nang may kasigasigan at kasiglahan. Ayaw nating ‘ipagkait ang pagtuturo nang hayagan at sa bahay-bahay,’ subalit gusto nating tiyakin na isinasagawa natin ang ating ministeryo sa bahay-bahay sa makatuwiran at mabungang panahon. (Gawa 20:20) Tulad ng mga mangingisda sa unang-siglong Israel, ang nasa isip natin ay ang ‘pangingisda’ sa panahon na pinakamabunga para sa atin, hindi sa panahon na mas kombinyente para sa atin.

7 Anong pagbabago ang kailangang gawin sa mga lugar na doo’y ayaw ng mga tao na sila ay maagang dalawin sa umaga? Ang ilang lupon ng matatanda ay nagsaayos na ang grupo ay makibahagi sa ibang larangan ng ministeryo, gaya ng pagpapatotoo sa lansangan, sa mga lugar ng negosyo, o gumawa ng mga pagdalaw-muli, bago humayo sa pagbabahay-bahay sa mga dakong tirahan. Isinaayos ng ibang kongregasyon ang panahon ng mga pulong sa paglilingkod sa larangan sa bandang dulo ng umaga, o sa ika-12:00 ng tanghali pa nga. Pagkatapos, ang grupo ay deretso nang hahayo sa gawaing pagbabahay-bahay at patuloy na maglilingkod hanggang sa bandang pasimula ng hapon. Sa ilang teritoryo, ang bandang pasimula ng hapon, sa halip na ang umaga, ang siyang pinakamainam na panahon upang magpulong para sa paglilingkod sa larangan. Ang gayong pagbabago ay maaaring makapag-abuloy nang malaki sa pagiging lalong mabunga ng gawaing pagbabahay-bahay.

8 Maging Maunawain at Mataktika: Kapag kinakausap natin ang mga tao sa bahay-bahay, napapaharap tayo sa iba’t ibang reaksiyon sa ating mensahe. May ilang maybahay na tumatanggap, ang iba naman ay nagwawalang-bahala, at ang ilan ay palatalo o palaaway. Sa kaso ng huling nabanggit, tayo ay pinaaalalahanan sa pahina 7 ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan na hindi natin hangad na “ ‘magwagi sa pakikipagtalo’ sa mga tao na hindi nagpapakita ng paggalang sa katotohanan.” Kung ang maybahay ay galit, makabubuti sa atin na umalis na lamang. Hindi natin dapat pagalitin ang mga tao sa pamamagitan ng pamimilit na kausapin tayo o tanggapin ang ating punto de vista. Hindi natin ipinipilit ang ating mensahe sa mga tao. Hindi iyon makatuwiran at maaaring makalikha ng problema sa ibang Saksi at sa gawain sa pangkalahatan.

9 Bago simulan ang paggawa sa isang teritoryo, makabubuti na suriin ang territory card na may nakatalang mga direksiyon ng mga naninirahan na nagsabi sa atin na huwag silang dalawin. Kung may ganoong mga direksiyon, ang bawat mamamahayag na gumagawa sa kalyeng iyon ay dapat sabihan kung saan huwag dadalaw. Walang sinuman ang dapat magpasiya sa ganang sarili na dalawin ang mga tahanang ito nang walang tagubilin mula sa tagapangasiwa sa paglilingkod na gawin ang gayon.—Tingnan ang “Tanong” sa Hunyo 1994 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.

10 Magiging lalo tayong mabisa sa pamamagitan ng pagiging maunawain habang nagbabahay-bahay tayo. Maging mapagmasid kapag lumalapit kayo sa isang tahanan. Sarado ba ang lahat ng kurtina? Wala bang naririnig na kumikilos? Maaari nitong ipahiwatig na ang mga nakatira ay natutulog. Malamang, mas magiging mabunga ang ating pakikipag-usap sa maybahay kung tayo ay dadalaw-muli pagkalipas ng ilang oras. Marahil ay makabubuti na lampasan muna ang tahanang ito, na itinatala ang numero ng bahay. Maaari ninyong balikan ang bahay bago umalis sa teritoryo o gumawa ng isang nota na kayo ay dadalaw-muli pagkalipas ng ilang oras.

11 Maaari pa ring bumangon ang mga situwasyon na doo’y hindi natin sinasadyang nagising o naistorbo ang isang natutulog. Baka mukha pa nga siyang naiinis o galit. Paano tayo tutugon? Ang Kawikaan 17:27 ay nagpapayo: “Ang isang taong may unawa ay malamig ang espiritu.” Bagaman hindi tayo humihingi ng paumanhin para sa ating ministeryo, tiyak namang maipahahayag natin ang ating pagkalungkot na nakadalaw tayo sa hindi kombinyenteng panahon. Maaaring magalang nating itanong kung mas kombinyente ang ibang panahon at sabihin kung puwedeng bumalik. Ang isang taimtim na kapahayagan ng personal na pagmamalasakit sa isang malumanay na tono ng boses ay kadalasang nakapagpapahinahon sa gayong tao. (Kaw. 15:1) Kung ipaalam sa atin ng maybahay na regular siyang nagtatrabaho sa gabi, isang tala ang maaaring ilakip sa territory card upang ang mga susunod na pagdalaw ay magawa sa angkop na panahon.

12 Kailangan din ang unawa habang pinagsisikapan nating makubrehan nang lubusan ang ating teritoryo. Yamang ang maraming tao ay wala sa tahanan sa una nating pagdalaw, kailangang gumawa tayo ng karagdagang pagsisikap upang makausap sila para maibahagi sa kanila ang mensahe ng kaligtasan. (Roma 10:13) Ipinakikita ng mga ulat na kung minsan, ang mga mamamahayag ay dumadalaw nang maraming beses sa isang bahay sa loob ng isang araw upang sikaping matagpuang nasa tahanan ang mga tao. Ito ay napapansin ng mga kapitbahay. Maaari itong makalikha ng di-kaayaayang impresyon na ang mga Saksi ni Jehova ay ‘laging dumadalaw’ sa kanilang lansangan. Paano ito maiiwasan?

13 Gamitin ang unawa. Kapag dumadalaw sa isang wala-sa-tahanan, may mga pahiwatig ba na mayroon nang tao sa tahanan? Kung ang liham at mga anunsiyo ay naroroon pa rin sa kahong lalagyan ng liham o nakikita pa rin sa ilalim ng pintuan, malamang na ang tao ay wala pa rin sa tahanan at ang muling pagkatok sa pintuan ay maaaring hindi maging mabunga sa panahong iyon. Kung ang isang tao ay hindi makausap matapos ang ilang pagsisikap na ginawa sa iba’t ibang panahon sa loob ng isang araw, tulad ng sa gabi, baka posibleng makausap ang maybahay sa telepono. Kung hindi, maaaring maingat na iwan ang isang tract o handbill sa pintuan, lalo na kung ang teritoryo ay madalas namang kubrehan. Posible na ang tao ay makausap sa susunod na paggawa sa teritoryo.

14 Dapat nating iwasan ang mahabang pakikipag-usap sa pintuan kapag ang maybahay ay nauulanan. Kapag inanyayahang pumasok, mag-ingat na huwag madumhan ang sahig. Gumamit ng mabuting pagpapasiya kapag sinugod ng isang tumatahol na aso. Kapag gumagawa sa mga gusali ng mga apartment, magsalita nang mahina at iwasan ang paglikha ng ingay na nakaiistorbo sa mga nakatira at nag-aanunsiyo sa inyong pagkanaroroon.

15 Maging Maayos at Kagalang-galang: Sa pamamagitan ng mahusay na pag-oorganisa, maiiwasan natin ang pagbuo ng malalaki at kapansin-pansing grupo na nagsasama-sama sa teritoryo. Ang ilang maybahay ay nangangamba kapag may pumaradang ilang sasakyan sa harap ng kanilang bahay na sakay ang malaking grupo ng mga mamamahayag. Hindi natin gustong magbigay ng impresyon na “nilulusob” natin ang mga dakong tirahan. Ang mga kaayusan sa paggawa sa teritoryo ay pinakamabuting gawin sa pulong para sa paglilingkod sa larangan. Ang maliliit na grupo ng mga mamamahayag, gaya ng isang pamilya, ay makapupong hindi nakatatakot sa mga maybahay at mas madaling organisahin samantalang ginagawa ang teritoryo.

16 Kahilingan sa pagkamaayos ang maingat na pangangasiwa ng mga magulang sa iginagawi ng kanilang mga anak samantalang gumagawa sa teritoryo. Ang mga bata ay dapat na magpakabait kapag sumasama sa mga adulto sa pagtungo sa pintuan. Ang mga bata ay hindi dapat pahintulutang maglaro o maglibut-libot, anupat nakatatawag ng di-kinakailangang pansin sa mga naninirahan o sa mga dumaraan.

17 Kailangan din ang pagiging timbang hinggil sa mga panahon ng pagkakape. Sinabi sa pahina 3 ng Hunyo 1995 ng Ating Ministeryo sa Kaharian: “Kapag tayo’y nasa paglilingkod sa larangan, maaaring maiwala natin ang mahalagang oras sa panahon ng pagkakape. Gayunpaman, kapag masama ang kalagayan ng panahon, ang pamamahinga ay makagiginhawa sa atin at makatutulong upang tayo’y makapagpatuloy. Gayunman, pinipili ng marami na maging abala sa pagpapatotoo sa mga tao at iniiwasan ang pakikipagsosyalan sa oras ng pagkakape sa panahong nakatakda sa ministeryo.” Bagaman ang paghinto upang magmeryenda ay isang personal na pasiya, napansin na kung minsan, nagtatagpo ang malalaking grupo ng mga kapatid sa isang tindahan ng kape o isang restawran. Bukod sa laki ng panahon na nagugugol upang mapagsilbihan, ang pagkanaroroon ng isang malaking grupo ay maaaring ikatakot ng ibang parokyano. Kung minsan, ang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan sa umaga ay ikinukuwento nang napakalakas, at ito ay makasisira sa dignidad ng ating ministeryo at makahahadlang sa pagkamabisa nito. Sa pamamagitan ng unawa, maiiwasan ng mga mamamahayag ang maramihang pag-uumpukan sa isang bahay-kalakal at pagkuha ng di-kinakailangang panahon mula sa ministeryo.

18 Marami ang nagtamo ng mabubuting resulta sa paglapit sa mga tao saanman sila masumpungan—sa lansangan, sa mga paradahan, sa mga parke, at sa iba pang pampublikong lugar. Sa larangan ding ito, nais nating magbigay ng mainam na patotoo, hindi lamang sa ating pananalita kundi maging sa ating pagkamakatuwiran. Dapat tiyakin ng mga mamamahayag sa bawat kongregasyon na igalang ang mga hangganan ng kanilang teritoryo upang hindi sila nakasisikip sa mga naglalakad sa mga lugar ng negosyo at mga parke o sa mga empleado sa mga negosyo, tulad sa mga istasyon ng gas, na bukás ng 24 na oras. Upang matiyak na naisasagawa natin ang ating ministeryo sa isang maayos at kagalang-galang na paraan, gagawa lamang tayo sa loob ng ating atas na teritoryo maliban na lamang kung may ginawang ilang espesipikong kaayusan ang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ng ibang kongregasyon na tulungan sila.—Ihambing ang 2 Corinto 10:13-15.

19 Ang ilang kongregasyon na may maraming lugar na posibleng kubrehan sa pangmadlang pagpapatotoo ay nag-organisa para gawing teritoryo ang mga lugar na ito. Pagkatapos ay isang territory card ang ibinibigay sa isang mamamahayag o sa isang grupo. Pinangyayari nito ang mas mabisang pagsaklaw at naiiwasan ang sabay-sabay na paggawa ng napakaraming mamamahayag sa iisang lugar, na kasuwato ng simulain sa 1 Corinto 14:40: “Ang lahat ng bagay ay maganap nawa nang disente at ayon sa kaayusan.”

20 Ang ating personal na hitsura ay dapat na laging kagalang-galang at nararapat para sa mga ministro na nagdadala ng pangalan ni Jehova. Totoo rin ito sa mga kasangkapang ginagamit natin. Ang mga gula-gulanit na bag na lalagyan ng aklat at ang tupi-tupi-sa-sulok o maruruming Bibliya ay nakasisira sa dangal ng mensahe ng Kaharian. Isang kasabihan na ang pananamit at pag-aayos “ay isang mabilis na paraan ng pakikipag-usap na nagbibigay ng impormasyon sa nakapalibot na mga tao tungkol sa kung sino at kung ano kayo at kung saan kayo naaangkop sa kaayusan ng mga bagay-bagay.” Kaya naman, ang ating hitsura ay hindi dapat na burara o marumi, ni dapat man itong maging marangya o may kalabisan, kundi laging “karapat-dapat sa mabuting balita.”—Fil. 1:27; ihambing ang 1 Timoteo 2:9, 10.

21 Sa 1 Corinto 9:26, sinabi ni apostol Pablo: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang-katiyakan; ang paraan ng pagtutuon ko ng mga suntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.” Bilang pagtulad kay Pablo, determinado tayong magkaroon ng isang mabisa at mabungang ministeryo. Habang tayo ay masigasig na nakikibahagi sa gawaing pagpapatotoo bilang bahagi ng “hukbo ng mga balang” ni Jehova ngayon, tayo nawa’y maging makatuwiran at maunawain sa pagdadala ng mensahe ng kaligtasan sa lahat ng nasa ating teritoryo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share