‘Ipangaral ang Salita . . . Nang Apurahan’
1 Kung nakatanggap ka ng isang bagay na may tatak na “URGENT,” paano mo mamalasin ito? Ang salitang “urgent” (apurahan) ay nangangahulugang “humihiling ng kagyat na pansin.” Taglay ang mabuting dahilan, tinagubilinan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘ipangaral ang salita . . . nang apurahan.’ (2 Tim. 4:2) Tumutugon ka ba sa pamamagitan ng pagbibigay sa gawaing ito ng kagyat na pansin?
2 Maaaring isinumbong kay Pablo na ang ilan sa kaniyang mga kapatid ay may hilig na ‘magpatigil-tigil sa kanilang gawain’ bilang mga Kristiyano. (Roma 12:11) Nilimitahan nito ang mga resulta ng kanilang paggawa at ang kagalakang sana’y kanilang natamo sa pagtulong sa iba.
3 Ang Pangmalas ni Jesus sa Ministeryo: Ano ngang laking kaluguran ang nasumpungan ni Jesus sa pagsasagawa ng kaniyang ministeryo! Sinabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” Ang halimbawa ni Jesus ay gumanyak sa kaniyang mga alagad, na kaniyang pinasigla sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na ‘ang mga bukid ay mapuputi na para sa pag-aani.’ (Juan 4:34, 35) Ang ipinamalas niyang pagkadama ng pagkaapurahan sa buong ministeryo niya ay maliwanag nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad na “magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:38) Pinahalagahan ni Jesus na ang kaniyang atas ay ang mangaral, at naging determinado siyang huwag pahintulutan ang anumang bagay na makahadlang sa kaniya sa pagsasagawa niyaon.
4 Kumusta Naman Tayo? Sa ngayon, may lalo pang pagkaapurahan higit kailanman upang magpatuloy sa gawaing pangangaral. Sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga bukirin ay hinog na para sa pag-aani. Kahit na sa mga lupain kung saan waring naibigay na nang puspusan ang patotoo, libu-libo ang nababautismuhan bawat taon. Sa mabilis na pagdating ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, ‘marami ang kailangang gawin sa gawain ng Panginoon.’ (1 Cor. 15:58) Higit sa alinmang panahon, mahalaga na magsumikap tayo nang buong-lakas sa paghahatid sa iba ng mensahe ng Kaharian.
5 Lubusan nawa tayong magsumikap sa pag-abot sa iba taglay ang mabuting balita, kapuwa sa bahay-bahay at saanman masusumpungan ang mga tao sa teritoryo. Sa pamamagitan nang lubusang pakikibahagi hangga’t maaari sa gawaing pangangaral, maliwanag nating maipakikita na inuuna natin ang Kaharian sa ating mga buhay. (Mat. 6:33) Ang ating katapatan sa pangangaral ng salita nang apurahan ay magdudulot sa atin ng malaking kagalakan.