Gumawa ng Mabuti at Tumanggap ng Papuri!
1 “Mayroon silang kapayapaan sa gitna nila na hindi ko nakita kailanman sa ibang tao.” “Isang kasiyahan na makasama ang grupong ito.” Ang mga ito ay karaniwan na sa maraming positibong komento na natatanggap mula sa mga tagapagmasid pagkatapos ng mga pandistritong kombensiyon nang nakaraang taon, na nagbibigay-diin sa ating mainam na reputasyon bilang isang organisasyon. (Kaw. 27:2; 1 Cor. 4:9) Sa wakas, ang gayong papuri ay nauukol kay Jehova. (Mat. 5:16) Isa pang napakainam na pagkakataon upang purihin ang Diyos ang nasa harapan natin ngayon sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon sa taóng ito.
2 Bawat taon tayo ay tumatanggap ng may kabaitang mga paalaala hinggil sa angkop na paggawi sa kombensiyon. Bakit? Sapagkat habang ang saloobin, pananamit, at pag-uugali ng sanlibutan ay patuloy na sumasamâ, hindi natin nais tumulad sa kanilang pag-uugali. Hindi natin nais masira ang ating mainam na reputasyon. (Efe. 2:2; 4:17) Patuloy nating tandaan ang sumusunod na mga paalaala.
3 Gumawa ng Mabuti—Sa Kombensiyon: Humahanga ang mga nagmamasid kapag nakikita nilang kumikilos ang ating mga kabataan sa magalang at masunuring paraan. (Efe. 6:1, 2) Mga magulang, pakisuyong bantayan ang inyong mga anak sa kombensiyon upang hindi sila makagambala sa iba. Sa panahon ng mga sesyon, turuan sila kung paano kukuha ng simpleng mga nota at makikinig. Sa pagitan ng mga sesyon hindi sila dapat hayaang magtakbuhan na lamang sa palibot, yamang ang pasilidad na ating ginagamit ay minamalas bilang isang malaking Kingdom Hall sa panahon ng kombensiyon.
4 Muli ay inirerekomenda namin na ang lahat ay magdala sa kombensiyon ng kanilang sariling pananghalian bawat araw. Ito’y nagbibigay ng isang mainam na pagkakataon upang magrelaks sa panahon ng pahinga sa tanghali at gugulin ang karagdagang panahon sa pakikisalamuha sa mga kapatid mula sa iba’t ibang kongregasyon. Kung magdadala ng kanilang sariling pananghalian ang lahat ng mga kapatid sa halip na bumili ng pagkain sa mga nagtitinda sa labas o sa mga restawran, hindi na gagawin pa ng ilan sa mga nagtitindang ito na magkulumpulán sa palibot ng mga pasukan ng pasilidad ng kombensiyon, na nagiging sanhi ng pagsisikip at pangit na tanawin. Magdala lamang ng simpleng pagkain, hindi ng napakaraming pagkain, na maaaring kanin sa inyong mga upuan nang hindi umuukupa ng malaking espasyo. Sa ganitong paraan hindi ito masyadong makagagambala sa iba.
5 Bilang paggalang sa espirituwal na hapag ni Jehova, hindi dapat magsagawa ng komersiyal na gawain ang sinumang dumadalo. Hindi magiging wasto para sa sinumang kapatid na samantalahin ang kombensiyon upang itaguyod ang kaniyang negosyo, o gumawa ng mga paninda, tulad ng mga pabalat ng aklat o T-shirt, pamaypay, o kalendaryo na may nakatatak na pangalan ng kombensiyon.
6 Kung itatapon ng bawat kapatid ang kaniyang sariling basura sa wastong mga lalagyan o iuuwi ito sa bahay, magiging madali na panatilihing malinis ang pasilidad ng kombensiyon. Bago lumisan sa hapon, maging alisto na pulutin ang anumang papel o iba pang mga bagay na maaaring naitapon sa palibot. Dapat sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag magtapon ng basura sa sahig kundi itapon iyon sa wastong paraan. Kung makapagboboluntaryo kayo kahit sandali upang tumulong sa paglilinis ng pasilidad pagkatapos ng mga sesyon bawat araw, ito’y lubhang pahahalagahan ng mga kapatid na inatasan sa departamento ng paglilinis.
7 Gumawa ng Mabuti—Sa Pamamagitan ng Ating Pananamit at Pag-aayos: Pagkatapos ng isa sa mga pandistritong kombensiyon nang nakaraang taon, ang editor ng isang laganap na pahayagan sa isang malaking lunsod ay sumulat: “Higit sa anupamang bagay, ang mismong paggawi ng mga Saksi ang siyang pinakakapansin-pansin. Nakagiginhawa ngang makita ang napakaraming tao na kumikilos taglay ang dignidad at paggalang. Suot ang kanilang pinakamagarang damit, daan-daang pamilya na kumakatawan sa sari-saring lahi at etnikong pinagmulan ang tahimik na humugos sa arena. Ang kanilang asal ay malinaw na kabaligtaran niyaong asal ng karamihan sa mga pulutong na nagtutungo sa arena. Sa katunayan, malaki ang pagkakaiba ng mga Saksi sa maraming pulutong sa pangkalahatan. Nagiging higit na karaniwan nang makita ang magaspang na asal ng publiko. . . . Tunay nga, ang pulutong ng mga Saksi ay nakagiginhawa.” Huwag nawa nating pahintulutan na ang ating pananamit at pag-aayos o ang ating paggawi ay makasira sa anumang paraan sa espirituwal na atmospera ng kombensiyon.—Fil. 1:10; 1 Tim. 2:9, 10.
8 Gumawa ng Mabuti—Sa Bautismo: Nanaisin ng mga kandidato sa bautismo na tratuhin ang okasyong ito taglay ang sukdulang dignidad. Ang pagsusuot ng mahinhing pambasâ ay magpapakita ng pagpapahalaga sa kabanalan ng okasyon. Magiging higit na kapaki-pakinabang para sa mga konduktor ng pag-aaral sa Bibliya na repasuhin sa kanilang mga estudyante bago dumalo sa kombensiyon ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” ng Abril 1, 1995, isyu ng Ang Bantayan.
9 Ang ating wastong asal at makadiyos na paggawi ay nagpapatunay sa ating mga paniniwalang Kristiyano at pinadadali nito para sa tapat-pusong mga tao na makilala ang katotohanan. Kaya, “patuloy [tayong] gumawa ng mabuti,” at tumanggap ng papuri habang dumadalo sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon.—Roma 13:3.