Huwag Mag-atubili!
1 Kapag naghahanda tayo upang mangaral sa bahay-bahay, ang pinakamalaking hadlang na napapaharap sa atin ay maaaring ang ating sarili. Ang pagkadama ng kawalang-kakayahan ay maaaring humadlang sa atin na lumabas upang sabihin ang katotohanan sa “lahat ng uri ng mga tao.” (1 Tim. 2:4) Ngunit hindi tayo dapat mag-atubili na ipangaral ang mabuting balita. Bakit hindi?
2 Ito ay Mensahe ni Jehova: Ipinaabot ni Jehova ang kaniyang salita sa pamamagitan ng Bibliya. Kapag dinadala natin ang mensaheng ito sa iba, ibinabahagi natin ang kaniyang mga kaisipan, hindi ang sa atin. (Roma 10:13-15) Kapag tinatanggihan ng mga indibiduwal ang mensahe ng Kaharian, ang totoo ay si Jehova ang tinatanggihan nila. Gayunman, hindi tayo nasisiraan ng loob. Tayo ay nagtitiwala na ang mensaheng ito ay aantig sa puso ng mga umaasam ng pagbabago sa mga kalagayan ng daigdig at ng mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.—Ezek. 9:4; Mat. 5:3, 6.
3 Si Jehova ang Naglalapit sa mga Tao: Ang isang tao na tumangging makinig sa atin noon ay maaaring tumatanggap na ngayon dahil nagbago na ang kaniyang mga kalagayan at lumambot na ang kaniyang puso. Maaari na ngayong ipahayag ni Jehova ang kaniyang kabutihang-loob sa isang iyon at “ilapit siya.” (Juan 6:44, 65) Kapag nangyari ito, nais natin na maging handang pagamit kay Jehova at magbigay-daan sa pag-akay ng mga anghel sa paghahanap ng gayong mga tao.—Apoc. 14:6.
4 Pinagkakalooban Tayo ng Diyos ng Kaniyang Espiritu: Pinangyayari ng banal na espiritu na makapagsalita tayo nang “may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova.” (Gawa 14:1-3) Kung aalalahanin na taglay natin ang makapangyarihang pag-alalay na ito sa ating ministeryo, hindi tayo mag-aatubiling sabihin ang katotohanan sa mga kapitbahay, katrabaho, kamag-aral, kamag-anak, o sa mga taong may mataas na pinag-aralan o mayayaman.
5 Tinuruan Tayo ni Jesus Kung Paano: Gumamit si Jesus ng nakapupukaw-kaisipang mga katanungan, praktikal na mga ilustrasyon, at maka-Kasulatang pangangatuwiran. Ipinaliwanag niya ang katotohanan sa isang simple at kaakit-akit na paraan, mula sa kaniyang puso. Ang mga ito pa rin ang pinakamabibisang pamamaraan sa ngayon. (1 Cor. 4:17) Ang mga kalagayan kung saan tayo nangangaral ay maaaring iba-iba, ngunit ang makapangyarihang mensahe ng Kaharian ay nananatiling di-nagbabago.
6 Tayo ay may pribilehiyong gamitin ni Jehova upang tulungan ang mga tao sa isang pantangi at mahalagang paraan. Huwag tayong mag-atubili! Nawa’y lakasan natin ang ating loob at hayaang si Jehova ang “magbukas ng pinto ng pagsasalita para sa [atin]” upang masabi natin ang mabuting balita sa iba.—Col. 4:2-4.