Ang Pangangaral ng Kaharian ay Tumutulong sa Pagliligtas ng Buhay!
1 Ito ang pinakamahalagang gawain sa daigdig sa panahong ito. Ang Diyos na Jehova, si Jesu-Kristo, at ang laksa-laksang mga anghel ay nagtutuon ng kanilang pansin dito. Ano ito, at bakit ito mahalaga? Ito ang pangangaral ng Kaharian, at ito ay tumutulong sa pagliligtas ng buhay!—Roma 1:16; 10:13, 14.
2 Maaaring madama ng ilang tao na higit tayong makatutulong sa iba kung pagsisikapan nating mapabuti ang daigdig na nasa palibot natin. Marami ang nagugumon sa mga pagsisikap upang matamo ang kapayapaan, malunasan ang mga sakit, o mapasulong ang ekonomiya. Subalit ano ang higit na makatutulong sa mga tao?
3 Isang Napakahalagang Gawain: Ang mensahe ng Kaharian lamang ang nagpapaliwanag sa layunin ng buhay, sa sanhi ng pagdurusa ng mga tao, at sa tanging maaasahang pag-asa para sa hinaharap. Ang mga tao ay pinangyayari ng mabuting balita na maging mga kaibigan ni Jehova anupat tumatanggap sila ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:7) Tanging ang mensahe ng Kaharian ang nagbibigay ng praktikal na patnubay upang tulungan ang mga tao na mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay ngayon at nagpapaliwanag kung paano mananatiling buhay kapag pinuksa ang balakyot na sanlibutan sa hinaharap. (1 Juan 2:17) Hindi ba sulit ang lahat ng gagawin nating pagsisikap sa pangangaral ng Kaharian?
4 Bilang paglalarawan: Ano ang pinakamabuting paraan upang tulungan ang mga tulóg na tao sa nayon na nanganganib dahil sa nalalapit na pagsambulat ng isang prinsa? Lilimasin ang tubig na nasa likod ng rumurupok na prinsa? Pagagandahin ang mapapahamak na nayon? Hinding-hindi! Dapat na gisingin ang mga natutulog na taganayon, babalaan sila sa napipintong kapahamakan, at tulungan silang tumakas! Ang mga natutulog ngayon sa espirituwal ay nasa napakalaking panganib. (Luc. 21:34-36) Yamang ang sistemang ito ng mga bagay ay malapit nang lumipas, pagsikapan nating mangaral sa lahat nang may lubos na pagkaapurahan ayon sa makakaya natin!—2 Tim. 4:2; 2 Ped. 3:11, 12.
5 Magmatiyaga Rito: Humanap tayo ng mga paraan upang maabot ang mas marami pang tao na seryoso sa mabuting balita—sa kanilang mga tahanan, sa lansangan, sa telepono, at sa paraang di-pormal. Ang gawaing ibinigay sa atin ni Jehova upang gawin ang siyang pinakamahalagang gawain na maisasakatuparan natin. Kung masigasig nating isasagawa ito, ating ‘maililigtas kapuwa ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin’.—1 Tim. 4:16.