Pinakikilos Tayo ng Ating Pananampalataya Ukol sa Mabubuting Gawa
1 Ang pananampalataya ang nag-udyok kina Noe, Moises, at Rahab na kumilos. Gumawa si Noe ng daong. Iniwan ni Moises ang pansamantalang mga kaalwanan sa buhay sa palasyo ni Paraon. Itinago ni Rahab ang mga tiktik at pagkatapos ay sinunod niya ang kanilang mga tagubilin, na nagligtas sa kaniyang sambahayan. (Heb. 11:7, 24-26, 31) Pinakikilos tayo ng ating pananampalataya na magluwal ng anong mabubuting gawa sa ngayon?
2 Pagpapatotoo: Pinakikilos tayo ng pananampalataya na magsalita tungkol sa ating kamangha-manghang Diyos at sa kaniyang mga paglalaan para sa walang-hanggang kaligayahan. (2 Cor. 4:13) Kung minsan, baka nag-aatubili tayong magpatotoo. Ngunit kapag ating ‘laging inilalagay si Jehova sa harap natin,’ tayo ay napalalakas at nawawala ang ating pag-aatubili. (Awit 16:8) Pagkatapos ay inuudyukan tayo ng ating pananampalataya na ibahagi ang mabuting balita sa mga kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, kaeskuwela, at sa iba pa sa bawat angkop na pagkakataon.—Roma 1:14-16.
3 Pagtitipong Sama-sama: Ang regular na pagdalo sa mga pagpupulong ay isa pang mabuting gawa na nagmumula sa pananampalataya. Sa paanong paraan? Ipinakikita nito ang ating pananalig na si Jesus ay kasama natin sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos kapag nagtitipon tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Mat. 18:20) Ipinamamalas nito ang ating pagnanais na “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apoc. 3:6) Sinusunod natin ang tagubilin na ating natatanggap dahil napag-uunawa ng ating mga mata ng pananampalataya na ang isa na nagtuturo sa atin ay ang ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova.—Isa. 30:20.
4 Ang mga Ginagawa Nating Pagpili: Ang matibay na pananalig sa mga di-nakikitang katunayan ay nagpapakilos sa atin na unahin sa ating buhay ang espirituwal na mga bagay. (Heb. 11:1) Madalas na nasasangkot dito ang pagsasakripisyo sa materyal na mga bagay. Halimbawa, tinanggihan ng isang elder ang oportunidad na tumaas ang kaniyang posisyon sa trabaho dahil mangangahulugan ito ng pagliban sa mga pagpupulong, pagiging malayo sa kaniyang pamilya, at paghinto sa kaniyang ministeryong pagpapayunir. Nawa’y ilagak din natin ang ating lubos na pagtitiwala sa katiyakan ng Bibliya na paglalaanan ni Jehova yaong mga ‘patuloy na hinahanap muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.’—Mat. 6:33.
5 Ang malakas na impluwensiya ng pananampalataya sa ating buhay ay napapansin ng iba. Sa katunayan, ang ating pananampalataya ay kilalá sa buong daigdig. (Roma 1:8) Kung gayon, ipakita nawa nating lahat sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa na ang ating pananampalataya ay buháy.—Sant. 2:26.