Pagtulong sa Iba na Luwalhatiin si Jehova
1 Isang mahalagang mensahe ang ipinahahayag sa mga tao sa buong lupa: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apoc. 14:6, 7) Pribilehiyo natin na makibahagi sa paghahayag na iyan. Ano ba ang dapat malaman ng mga tao hinggil kay Jehova upang sila ay matakot at sumamba sa kaniya?
2 Ang Kaniyang Pangalan: Kailangang makita ng mga tao ang pagkakaiba ng tanging tunay na Diyos at ng maraming huwad na diyos na sinasamba sa ngayon sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang pangalan. (Deut. 4:35; 1 Cor. 8:5, 6) Sa katunayan, ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang bantog na pangalan ni Jehova nang mahigit na 7,000 ulit. Bagaman nauunawaan natin kung kailan ang tamang panahon upang ipakilala ang pangalan ng Diyos, hindi natin dapat itago o ikahiya ang paggamit nito. Kalooban ng Diyos na makilala ng buong sangkatauhan ang kaniyang pangalan.—Awit 83:18.
3 Ang Kaniyang Personalidad: Upang purihin nila si Jehova, kailangang malaman ng mga tao kung anong uri siya ng Diyos. Kailangan nating ipabatid sa kanila ang kaniyang namumukod-tanging pag-ibig, sukdulang karunungan, sakdal na katarungan, at kataas-taasang kapangyarihan, lakip na ang kaniyang awa, maibiging-kabaitan, at iba pang kamangha-manghang mga katangian. (Ex. 34:6, 7) Kailangan ding matuto silang magkaroon ng kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos at pagpipitagan sa kaniya, anupat kinikilala na ang mismong buhay nila ay nakasalalay sa pagkakamit ng pagsang-ayon ni Jehova.—Awit 89:7.
4 Pagiging Malapít sa Diyos: Upang maligtas sa dumarating na paghatol ng Diyos, kailangang tumawag ang mga tao sa pangalan ni Jehova nang may pananampalataya. (Roma 10:13, 14; 2 Tes. 1:8) Kasangkot dito ang higit pa kaysa sa pagkuha lamang ng kaalaman tungkol sa pangalan at mga katangian ng Diyos. Kailangan nating tulungan ang mga tao na magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova, anupat buong-pusong nagtitiwala sa kaniya. (Kaw. 3:5, 6) Habang ikinakapit nila ang kanilang natututuhan, bumabaling sa Diyos sa taimtim na panalangin, at nararanasan ang tulong niya sa kanilang buhay, lálaki ang kanilang pananampalataya, anupat tinutulungan sila nito na maging malapít kay Jehova.—Awit 34:8.
5 May kasigasigan nawa nating ipahayag ang pangalan ng Diyos at tulungan ang iba na magtiwala nang lubusan at matakot sa kaniya. Maaari pa nating matulungan ang marami pa na makilala si Jehova at luwalhatiin siya bilang kanilang “Diyos ng kaligtasan.”—Awit 25:5.