Tularan ang Kabutihan ni Jehova
1 Matapos masiyahan sa isang kahanga-hangang paglubog ng araw o isang masarap na pagkain, hindi ba tayo napakikilos na pasalamatan si Jehova, ang Pinagmumulan ng lahat ng kabutihan? Inuudyukan tayo ng kaniyang kabutihan na naising tularan siya. (Awit 119:66, 68; Efe. 5:1) Paano natin maipakikita ang katangian ng kabutihan?
2 Sa mga Di-mananampalataya: Ang isang paraan na matutularan natin ang kabutihan ni Jehova ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng taimtim na pagkabahala sa mga walang kaugnayan sa atin sa pananampalataya. (Gal. 6:10) Ang pagpapakita ng kabutihan sa praktikal na mga paraan ay maaaring magkaroon ng positibong epekto sa kung paano nila minamalas ang mga Saksi ni Jehova at ang mensaheng dala natin.
3 Halimbawa, habang naghihintay sa isang lokal na ospital, isang kabataang payunir na lalaki ang naupo sa tabi ng isang may-edad nang babae na waring may mas malubhang sakit kaysa sa ibang naroroon. Nang titingnan na ng doktor ang kabataang payunir, pinauna na niya ang babae. Nagkita silang muli, sa pagkakataong ito ay sa palengke, at tuwang-tuwa ang babae na makita siya. Bagaman dati’y hindi siya tumutugon sa mabuting balita, sinabi niya na alam na niya ngayon na talagang iniibig ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kapuwa. Isang regular na pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa kaniya.
4 Sa Ating mga Kapatid: Tinutularan din natin ang kabutihan ni Jehova kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya upang tulungan ang mga kapananampalataya. Sa panahon ng kasakunaan, kabilang tayo sa unang dumarating upang tulungan ang ating mga kapatid. Ipinakikita natin ang espiritu ring ito kapag tinutulungan natin yaong mga nangangailangan ng masasakyan patungo sa mga pulong, dinadalaw ang mga maysakit, at pinalalawak ang ating pag-ibig para sa mga hindi natin gaanong kilala sa kongregasyon.—2 Cor. 6:11-13; Heb. 13:16.
5 Ang isa pang paraan na ipinakikita ni Jehova ang kabutihan ay sa kaniyang pagiging “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Bilang pagtulad sa kaniya, maipakikita natin ang ating pag-ibig sa kabutihan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba. (Efe. 4:32) Tumutulong ito upang ang ating pakikisama sa mga kapananampalataya ay maging ‘mabuti at kaiga-igaya.’—Awit 133:1-3.
6 Pangyarihin nawa ng saganang kabutihan ni Jehova na tayo’y mag-umapaw sa pagpuri sa kaniya at magningning sa kagalakan. At mapakilos nawa tayo nito na magsumikap na tularan ang kaniyang kabutihan sa lahat ng ating ginagawa.—Awit 145:7; Jer. 31:12.