Dapat Nating Igalang ang Awtoridad ni Jehova
Ano ang pumapasok sa isip mo kapag naririnig mo ang sinaunang mga pangalan na Kora, Datan, at Abiram? Paghihimagsik! Laban sa ano? Sa awtoridad ng Diyos. Nakaulat sa Bilang kabanata 16 ang mga detalye ng kanilang kapaha-pahamak na landasin, at masusumpungan ang buod ng ulat na ito sa artikulong “Matapat na Magpasakop sa Awtoridad ng Diyos” sa Agosto 1, 2002, Bantayan. Masusumpungan mong kapaki-pakinabang na basahin ang materyal na ito at pagkatapos ay panoorin ang nakapupukaw-kaisipang pagsasalarawan nito sa video na Respect Jehovah’s Authority. Makikita mo ang naging pagkakasalungatan ng tapat na mga anak ni Kora at ng kanilang mapaghimagsik na ama, na sa kalaunan ay lumaban sa Soberano ng sansinukob. (Bil. 26:9-11) Pasisiglahin tayo ng totoong-buhay na dramang ito na higit pang linangin ang ating katapatan kay Jehova.
Habang pinanonood mo ang video, bigyang-pansin ang mga katibayan ng hindi pagpapakita ng katapatan ni Kora at ng kasama niyang mga rebelde sa anim na mahahalagang larangan: (1) Paano nila winalang-galang ang awtoridad ng Diyos? (2) Paano nila hinayaang makaapekto sa kanila ang pagmamapuri, ambisyon, at paninibugho? (3) Paano nila itinuon ang kanilang pansin sa mga di-kasakdalan ng mga hinirang ni Jehova? (4) Anong mapagreklamong saloobin ang tinaglay nila? (5) Bakit hindi sila nasiyahan sa kanilang mga pribilehiyo sa paglilingkod? (6) Paano naging mas matimbang sa kanila ang mga kaibigan at kapamilya kaysa pagkamatapat sa Diyos?
Isaalang-alang kung paano nauugnay sa ating personal na pangmalas sa awtoridad ng Diyos sa ngayon ang mga aral na natutuhan sa dramang ito sa Bibliya: (1) Paano tayo dapat tumugon sa mga pasiya ng mga elder sa kongregasyon, at bakit? (2) Paano natin mapaglalabanan ang anumang maling motibong taglay natin? (3) Paano tayo dapat tumugon sa di-kasakdalan ng mga hinirang na manguna? (4) Ano ang dapat nating gawin kung nagsisimula na tayong maging mareklamo? (5) Ano ang dapat nating madama sa anumang pribilehiyong ipinagkaloob sa atin? (6) Sino ang hindi kailanman dapat maging mas matimbang kaysa sa ating pagkamatapat sa Diyos, at sa anong kalagayan malamang na maging isang mahirap na pagsubok ito sa atin?