Ang Ating Ministeryo—Isang Gawaing Nagpapakita ng Habag
1 Napansin ni Jesus na ang mga pulutong na nakikinig sa kaniyang mensahe ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Magiliw at maibigin niya silang tinuruan hinggil sa mga pamantayan ni Jehova, binigyan sila ng kaaliwan, at mahabaging inilaan ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Habang binubulay-bulay natin ang kaniyang mga ginawa, natututuhan nating tularan ang pag-iisip at damdamin ni Jesus, at ang katangiang ito ng pagkamahabagin ay makikita sa ating ministeryo.
2 Pag-isipan sandali kung paano tumugon si Jesus nang lapitan siya ng mga taong lubhang nangangailangan ng tulong. (Luc. 5:12, 13; 8:43-48) Makonsiderasyon siya sa mga may pantanging pangangailangan. (Mar. 7:31-35) Batid niya ang nadarama ng iba at nagmalasakit siya. Hindi siya tumingin sa panlabas na hitsura lamang. (Luc. 7:36-40) Oo, may-kasakdalang ipinakita ni Jesus ang magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos.
3 “Nahabag”: Hindi isinagawa ni Jesus ang kaniyang ministeryo dahil lamang sa obligasyon. “Nahabag” siya sa mga tao. (Mar. 6:34) Sa katulad na paraan sa ngayon, hindi lamang tayo naghahatid ng mensahe kundi nagsisikap din tayong magligtas ng mga buhay na napakahalaga. Unawain ang reaksiyon ng mga tao. Bakit ba sila nababalisa o abalang-abala? Sila ba’y napabayaan at nadaya ng huwad na mga pastol ng relihiyon? Ang taimtim na interes natin sa iba ay maaaring magpakilos sa kanila na makinig sa mabuting balita.—2 Cor. 6:4, 6.
4 Ang pagkamahabagin ay nakaaantig sa puso. Upang ilarawan: Lumung-lumo ang isang babae nang mamatay ang kaniyang tatlong-buwang-gulang na anak na babae. Nang dalawin siya ng dalawang Saksi sa kaniyang bahay, pinapasok niya sila dahil gusto niyang pasinungalingan ang kanilang paliwanag kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Gayunman nang maglaon, sinabi ng babae: “Napakamahabagin nilang nakinig sa akin, at nang paalis na sila, mas mabuti na ang pakiramdam ko kaya sumang-ayon ako na dumalaw silang muli.” Nagsisikap ka bang magpakita ng habag sa lahat ng natatagpuan mo sa ministeryo?
5 Ang paglinang ng pagkamahabagin ay tutulong sa atin na ibahagi ang tunay na kaaliwan sa iba. Sa paggawa nito, niluluwalhati natin “ang Ama ng magiliw na kaawaan,” si Jehova.—2 Cor. 1:3.