Ano ang Inuuna Mo?
1 Paano mo sasagutin ang tanong na iyan? Mangyari pa, gusto nating lahat na unahin ang kapakanan ng Kaharian. (Mat. 6:33) Ngunit maitatanong natin sa ating sarili, ‘Nakikita ba ito sa mga pinipili kong gawin?’ Pinasisigla tayo ng Bibliya: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Paano natin mapatutunayan sa ating sarili na inuuna nga natin ang Kaharian?
2 Ang Ating Panahon: Makapagsisimula tayo sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano natin ginugugol ang ating panahon. (Efe. 5:15, 16) Gaano karaming panahon ang nagugugol bawat linggo sa pakikisalamuha, panonood ng telebisyon, paggamit ng Internet, o paglilibang? Kung ililista natin ang panahong ginugugol natin sa gayong mga bagay at ihahambing ito sa panahong ginugugol natin sa espirituwal na mga gawain, baka magulat tayo. Nag-oobertaym ba tayo para lamang sa ating mga luho kapalit ng sagradong paglilingkod? Gaano kadalas natin isinasakripisyo ang mga pulong o ministeryo kapalit ng paglilibang kung dulo ng sanlinggo?
3 Magtakda ng Priyoridad: Karamihan sa atin ay walang sapat na panahon para gawin ang lahat ng gusto natin. Kaya para mauna ang kapakanan ng Kaharian, kailangan nating pag-aralan ang ating mga priyoridad at pagkatapos ay mag-iskedyul ng panahon para sa “mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:10) Kalakip dito ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, pakikibahagi sa ministeryo, pag-aasikaso sa pamilya, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. (Awit 1:1, 2; Roma 10:13, 14; 1 Tim. 5:8; Heb. 10:24, 25) Ang ibang gawain, gaya ng katamtamang pag-eehersisyo at kaayaayang paglilibang, ay kapaki-pakinabang. (Mar. 6:31; 1 Tim. 4:8) Subalit dapat na nasa lugar ang ganitong di-gaanong mahahalagang bagay.
4 Nagsikap ang isang kabataang brother na unahin ang kapakanan ng Kaharian sa pamamagitan ng pagpasok sa buong-panahong ministeryo sa halip na kumuha ng mas mataas na edukasyon para magkaroon ng sekular na karera. Nag-aral siya ng ibang wika at lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang sabi niya: “Masayang-masaya ako rito. Nakagiginhawa ang ministeryo! Sana’y ganito rin ang gawin ng bawat kabataan at madama rin nila ang aking nadarama. Wala nang hihigit pa sa paglilingkod kay Jehova nang ating buong makakaya.” Oo, ang pag-una sa Kaharian ay nagdudulot sa atin ng mga pagpapala, ngunit ang higit na mahalaga, nalulugod dito ang ating makalangit na Ama, si Jehova.—Heb. 6:10.